ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Marso 4, 2024
Dear Sister Isabel,
Gusto kong humingi ng payo sa inyo tungkol sa aking apo, napakatigas ng ulo niya, nananakit at namamalo siya. Maski ako ay minumura at sinasabihan niya ng kung anu-anong masasakit na salita na hindi ko na kayang sikmurain.
Sasampalin ko sana siya, pero buti na lang ay nakapagpigil ako.
11-anyos na siya. Actually, hindi ko naman talaga siya tunay na apo. Apo siya ng misis ko, bago ko siya mapangasawa ay may anak na siya. Baby pa lang ang anak niya ay iniwan na sila ng karelasyon niya.
Sobrang sutil niya na, hindi ko naman madisiplina dahil may mga magulang pa siya na dapat sana ay nagtuturo sa kanya ng magandang asal. Baka kapag pinangunahan ko ay mainis pa sa akin.
Ano kaya ang gagawin ko para maituwid ko ang pangit na asal ng apo ko?
Nagpapasalamat,
Berting ng Cavite
Sa iyo, Berting,
Makakabuting kausapin mo ang mga magulang niya. Hindi ba nila alam ang inaasal ng kanilang anak? Marahil ay pareho silang busy sa trabaho at pinaubaya na sa inyo ang pag-aaruga sa bata habang sila’y nagtatrabaho. Yamang ganyan ang sitwasyon, may karapatan kang disiplinahin ang itinuturing mong apo hangga’t bata pa siya. Ipaunawa mo na mali ang kanyang ginagawa at imulat mo siya sa mabuting asal. Kung hindi mo kaya, sumangguni ka sa guidance counselor, humingi ka ng payo kung paano disiplinahin ang ganyang klaseng bata.
Tungkol naman sa mga parents niya, sa palagay ko ay mauunawaan nila ang gagawin mo. Sila rin ay paniguradong hirap na hirap na sa inaasal ng anak nila.
Hanggang dito na lang, lakip nito ang aking dalangin na maging okey na ang pag-uugali ng itinuturing mong apo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo