ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Marso 11, 2024
Dear Sister Isabel,
Hindi ko na alam ang gagawin ko, madasalin at palasimba naman ako, pero bakit punumpuno pa rin ako ng problema?
Mabuti pa itong kapitbahay namin laging masaya
kahit na nagto-tongits lang maghapon kesa na magsimba. Wala rin siyang trabaho, wala rin ginawa maghapon kundi ang tumambay at ito pa ang malupit, miyembro pa sila ng 4Ps. Kuntento na sila roon. Kung makapag-videoke araw-araw, akala mo mayaman, pero nasa unahan ng pila kapag may ayuda.
Samantalang ako non-stop ang problemang dumarating sa akin. ‘Di pa tapos ang isa, meron na naman. Sadya kayang baliktad ang mundo? Kung sino pa ‘yung madasalin siya pa ang madaming pasanin?
Hindi ko na iisa-isahin ang mga problema ko dahil masyado itong mahaba at magulo.
Gusto ko lang na gumaan ang kalooban ko sa pamamagitan ng mga ipapayo n’yo.
Alam kong kayo lang ang makakapagpalubag ng loob ko. Hihintayin ko ang payo n’yo.
Umaasa,
Digna ng Nueva Ecija
Sa iyo, Digna,
Sa mundong ating ginagalawan, sadyang ganyan ang buhay. Dapat mong tanggapin sa iyong kalooban ang buhay ng tao ay parang isang pelikula, tayo mismo ang mga artista na gumaganap sa entablado ng ating buhay.
‘Ika nga sa kasabihan, “Life is what we make it.” Hindi porke pala-simba at madasalin ka, exempted ka na sa mga problema. Hindi makukuha ng dasal at pagsisimba ang pinapangarap mong tahimik na buhay at walang problemang pinapasan. Nakadepende na lang ‘yan kung paano mo haharapin ang buhay mo. Katulad na lang ng kapitbahay mo, kuntento na sa kanyang sitwasyon.
Faith, determination and patience ang dapat mong ipatupad. Huwag mong ikumpara ang buhay mo sa ibang tao. Sa halip, taimtim kang humingi ng tulong sa Diyos.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo