top of page
Search

ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | September 9, 2024



Kuwento ng Buhay at Pag-Ibig

Dear Sister Isabel,


Unang-una sa lahat, nawa ay nasa maayos kayong kalagayan kapiling ang inyong mga mahal sa buhay.


Uumpisahan ko ang pagbabahagi ng aking kuwento mula nang magtrabaho ako sa abroad. Sa Korea, kung saan ako nagtrabaho, ru’n ko nakita ang lalaking kapwa ko Pilipino. 


Isa siyang seaman, at nag-stop over ang barko nila sa Korea. Pero sa kasamaang palad, bigla na lamang siyang isinugod sa ospital dahil pumutok na umano ang sakit niyang appendicitis. Dahil wala siyang kaanak du’n, nakiusap siya sa akin na kung maaari ako muna ang magbantay sa kanya. 


Actually, kapitbahay ko siya sa ‘Pinas at mag-childhood sweetheart kami, pero iba ang nakatuluyan niya. 


Sa madaling salita, muli kaming pinagtagpo ng tadhana. Paglabas niya ng ospital, agad siyang pinauwi sa ‘Pinas, at nagkataon pang tapos na rin ang contract ko sa Korea. 


Pag-uwi namin sa ‘Pinas, todo-iwas ang ginawa ko sa kanya dahil isa na siyang pamilyadong lalaki. Pero, ayaw niya akong tantanan. Ang hirit pa niya sa akin ay puwede naman umano naming ilihim ang aming relasyon. 


Hirap na hirap na ako sa ginagawa kong pag-iwas sa kanya, dahil mahal ko rin siya, at para bang ‘di ko na kayang pigilan pa ang aking nararamdaman. 


Ang sabi pa niya, hindi raw sila kasal ng asawa niya, kaya ‘di raw masasabing isa akong kabit. 


Sister Isabel, inamin niya rin sa akin na ako ang tunay niyang mahal mula nu’ng kami’y mga bata pa. Natupad na raw niya lahat ng kanyang pangarap, at isa na lang ang hindi pa, iyon ay ang makasama ako habambuhay. 


Ano ang gagawin ko? Mahal na mahal ko rin siya. Sa katunayan, siya lang talaga ang hinihintay kong bumalik sa buhay ko. At ngayon nga'y naganap na, dapat ba akong pumayag sa gusto niya na ituloy ang relasyon namin? Hihintayin ko ang payo n’yo.


Nagpapasalamat, 

Josephine ng Tarlac


 

File Photo

Sa iyo, Josephine,


Sa biglang tingin ay parang napakahirap solusyunan ng problema mo, pero kung talagang susuriing mabuti, makikita natin na siya talaga ang destiny mo. Kaya kahit may kinakasama na siya, muli pa rin kayong pinagtagpo ng kapalaran. Dahil diyan, kahit ano’ng iwas mo, wala kang magagawa dahil kayo ang nakatakdang magsama habambuhay.


Ang pinakamabuti mong gawin, tutal hindi naman pala siya kasal at hindi naman talaga niya mahal ang kanyang kinakasama, huwag n’yong sikilin ang inyong damdamin, dahil anumang iwas ang gawin n’yo, wala pa rin kayong magagawa dahil kayo ang itinakda ng tadhana. 


Mahirap hadlangan ang tinatawag na destiny, at sabihin mo sa kanya na ‘wag na ‘wag niyang pababayaan ang kanyang pamilya, lalung-lalo na ang kanyang mga anak.

Sundin mo na ang tibok ng iyong puso, dahil kapalaran na mismo ang kumikilos upang muli kayong pagtagpuin. 


Sige na, huwag mo nang sikilin ang iyong damdamin, bagkus sundin mo na lang ang itinitibok ng iyong puso para matupad na rin ang pangarap n’yo.


Hangad ko ang kaligayahan mo sa piling ng lalaking pilit mong iniiwasan.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo




 
 

ni Mabel Vieron @Lifestyle | September 4, 2024



File photo

Isa ka rin ba sa napapasana-all sa tuwing nakakakita ng mga baby na super-cute? Kung isa ka sa kanila, naku mahal ang gatas at diaper, besh! Char! 


Ang ideya ng pagiging magulang ay puno ng saya at pananabik, ngunit hindi maikakaila na ito ay may kasamang seryosong responsibilidad. Yes, mga besh! Hindi naman porke, nag-crave ka magkaroon ng beybi, gagawa at gugustuhin mo na agad ito, oks? Huwag na natin idamay pa ang mga bata sa ating mga kalokohan, tapos ang ending sa mga magulang din natin iaasa ang mga responsibilidad. 


Ang pagkakaroon ng beybi ay isang seryoso at 'di dapat ginagawang laro. 

Pero kung ready ka na talaga, at alam n'yo sa sarili n'yong kayang-kaya n'yo na ang bumuhay, why not? 


Para sa mga handa nang sumabak sa pagbuo ng pamilya, mahalagang malaman ang mga aspeto ng pagiging magulang. 


Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang limang pangunahing responsibilidad na kailangan isaalang-alang upang maging handa. Kaya halina't basahin natin ito. 


  1. EMOSYONAL NA PAGHAHANDA. Ang pagiging magulang ay hindi lamang pisikal na pagsasanay. Maglaan ng oras upang maghanda sa mga emosyonal na aspeto ng pagpapalaki ng anak. Maging handa sa mga ups and downs ng parenthood, at magtayo ng support system. Ang pagkakaroon ng bukas na komunikasyon sa partner at pag-aalaga sa sariling mental health ay susi sa matagumpay na pagpapalaki. Kuha mo? 

  2. PINANSYAL NA PAGPAPLANO. Isa itong susi upang 'di lumaking kawawa ang inyong anak. Maganda rin ito para sa kinabukasan ng inyong magiging beybi. 


Ang pagbuo ng pamilya ay nangangailangan ng pinansyal na pagpaplano. Hindi lamang para sa pang-araw-araw na pangangailangan, kundi pati na rin sa mga hindi inaasahang gastos. 


Maglaan ng budget for medical, education, at iba pang mahahalagang aspeto. Huwag kalimutang mag-set up ng emergency fund at long-term savings para sa seguridad ng pamilya. Oki? 


  1. PAGHAHANDA SA PHYSICAL NA ASPETO. Ang pagiging magulang ay may mga pisikal na hamon. Maging handa sa mga pagbabago sa iyong katawan at pangkalahatang kalusugan. Siguraduhin na ang iyong lifestyle ay nakakatulong sa magandang kalusugan, tulad ng tamang pagkain, regular na ehersisyo, at sapat na pahinga. 

Ang pagiging physically fit ay makakatulong sa iyo na maharap ang mga demands ng parenthood nang may lakas at sigla.

  1. BALANSENG PAMUMUHAY. Sa hectic na lifestyle, ang tamang time management ay mahalaga. 


Maglaan ng oras para sa trabaho, pamilya, at personal na interes. Ang pagkakaroon ng balanseng pamumuhay ay magbibigay-daan sa inyo upang mas maayos na pamahalaan ang mga tungkulin sa bahay at magkaroon ng quality time sa iyong mga mahal sa buhay. 


Gumamit ng mga tools at techniques sa pag-o-organize ng oras upang maging mas epektibo sa iyong araw-araw na gawain.


  1. PAGHAHANDA SA KINABUKASAN. Ang pagbuo ng pamilya ay hindi nagtatapos sa mga unang taon. 


Mag-isip tungkol sa pangmatagalang plano para sa kinabukasan ng iyong mga anak, at magiging anak. 


Isaalang-alang ang kanilang edukasyon, pangmatagalang layunin, at mga potensiyal na pagbabago sa buhay. 


Ang pagkakaroon ng malinaw na plano at layunin ay makakatulong sa pagbigay ng direksyon at seguridad sa kanilang paglaki.


Ang pagiging magulang ay isang makabuluhang hakbang na puno ng saya at responsibilidad. 


Sa pamamagitan ng tamang paghahanda at kaalaman, magagawa mong ihandog ang pinakamagandang simula para sa iyong pamilya. Huwag matakot sa mga hamon—yakapin ang bawat aspeto ng pagiging magulang at gawing matagumpay at masaya ang iyong paglalakbay. Ang bawat hakbang na iyong gagawin ngayon ay magbibigay sa iyo ng matibay na pundasyon para sa kinabukasan ng iyong pamilya. Okie ba mga Ka-BULGAR?

 
 

ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | August 22, 2024



Kuwento ng Buhay at Pag-Ibig ni Sis. Isabel

Dear Sister Isabel,


Hindi ko alam kung paano ko uumpisahan ang kuwento ng aking buhay. Hindi ko na kasi alam kung sino ang kakampihan ko. Araw-araw na kasing nag-aaway ang kapatid at ang bayaw ko. Hanggang sa dumating na nga sa puntong nasaktan na ng bayaw ko ang kapatid ko.


Sa kanila ako nakikitira, dahil dalawa na lang kami, at ulila na rin kami sa magulang.

Sa tingin ko ay responsable at masipag naman ang bayaw ko. Habang ang kapatid ko naman ay isang tamad, at ‘di pa ginagampanan ang pagiging mabuti niyang asawa. 

Dakdak siya nang dakdak kahit na wala namang kabuluhan ang sinasabi niya. Kaya rin siguro nasasaktan ang asawa niya. Hindi ko naman mapagsabihan ang kapatid ko, dahil mas matanda siya sa akin. 


Pero alam mo ba, Sister Isabel? Awang-awa na ako sa asawa niya. Siguro ‘di na rin siya nakapagpigil, kaya naman nasaktan niya tuloy ‘yung kapatid ko. 


Mabuti na lang at ‘di lumaban ‘yung kapatid ko sa asawa niya. Ano ba ang dapat kong gawin upang mabago ko ang ugali ng kapatid ko? Para ‘di na rin siya saktan ng asawa niya at maging maganda na ang pagsasama nila. 


May alam ba kayong orasyon para mapasunod ang isang tao? Sa palagay ko kasi ‘yun na lang ang puwede kong maitulong sa kanila. Hihintayin ko ang payo n’yo.


Nagpapasalamat,

Maritess ng Batangas


 

Sa iyo, Maritess,


Mabuti naman at may malasakit ka sa kapatid mo, at gusto mong maituwid ang pagkakamali niya. Sinubukan mo na ba siyang kausapin? Kung hindi pa, gawin mo na. Kausapin mo siya sa mahinahong pamamaraan. Oo nga’t mas nakakatanda siya sa iyo, pero mas matured ka naman kung mag-isip kaysa sa kanya. 


Kung hindi pa rin magbabago ang ugali niya, subukan mo siyang pakausapin sa kinatatakutan at ginagalang niyang tita o tito. Kung ganu’n pa rin, at ‘di pa rin siya nagbabago, sumangguni ka na sa psychologist. Baka may mental disorder na ang ate mo. Samahan mo na rin ng dasal, at humiling ka sa Diyos na baguhin na sana ng ate mo ang kanyang pag-uugali, upang makita na niya ang kanyang pagkakamali, at maging isang mabuting asawa.


Tungkol naman sa tanong mo kung may alam akong orasyon upang mapasunod ang isang tao, subukan mo siyang dasalan ng Sumasampalataya (I Believe in God ). Pagdating sa “ikawawala ng mga kasalanan,” huminto ka, at banggitin mo nang 7 beses ang full name ng ate mo, at isunod mo ang wish mo na sana mawala na ang pangit niyang pag-uugali na sana paglingkuran at mahalin na niya ang kanyang asawa. Gawin nawa niyang tungkulin ang pagiging isang mabuting asawa. Pagkatapos nu’n, isunod mo ang Ama Namin, Aba Ginoong Maria, at Luwalhati Sa Ama. 


Hanggang dito na lang, lakip nito ang aking dalangin na magbago na ang ugali ng ate mo, maging maligaya na sana ang pagsasama nila, hindi lamang ngayon kundi maging bukas at magpakailanman.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo



Mga Kwento ng Buhay at Pag-Ibig

 
 
RECOMMENDED
bottom of page