ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Marso 25, 2024
Dear Sister Isabel,
Ako ay biyuda na at 55-anyos na ako. Gusto ko sana muli mag-asawa, pero tutol ang tatlo kong anak. Gayunman, itinuloy ko rin ang pag-aasawa.
Driver siya, mabait at nagmamahalan kami. Mayroon kaming apartment ng mga anak ko, at nagkataong bakante sa itaas, kaya napagdesisyunan ko naroon na rin patuluyin ang asawa ko. Nagalit ang mga anak ko, minura at kung anu-anong masasakit na salita ang sinabi sa akin na para bang hindi nila ko ina. Kung hindi ko raw hihiwalayan ang asawa ko, itatakwil nila ako bilang ina, at huwag na raw akong tumira sa apartment namin.
Ano ang gagawin ko? Hirap na hirap na ang kalooban ko sa inaasal ng mga anak ko sa akin. Wala na ba akong karapatang lumigaya? Bakit hindi nila maintindihan ang pasya ko sa buhay?
Nagpapasalamat,
Nanay Imelda ng Caloocan
Sa iyo, Nanay Imelda,
May karapatan kang lumigaya at sundin ang itinitibok ng puso mo. ‘Yun nga lang ay tutol ang mga anak mo dahil sa apartment mo itinira ang bago mong asawa.
Sa palagay ko, mas makakabuti kung bumukod kayo ng asawa mo para walang masabi ang mga anak mo. Nasasaktan siguro sila dahil ang apartment na iyon ay pundar ng tatay nilang yumao na ipinamana sa kanila at sa iyo bilang naulila ng ama nila, bakit nga naman doon mo pa ititira ang lalaking ipapalit mo sa ama nila?
Ngayon din ay humanap na kayo ng sarili n’yong bahay. Pagtulungan n’yo ang gastos, yaman din lamang driver pala ang asawa mo sa kasalukuyan. ‘Yan ang pinakamaganda mong gawin, ‘yung share mo sa upa ng apartment n’yo, itulong mo sa asawa mong driver. Mag-isip ka rin ng pagkakakitaan upang lumago ang kabuhayan n’yo.
Gawin mo na ngayon ang payo ko. Lumipat na kayo ng bahay ng asawa mo. Huwag kang malungkot kung napagsalitaan ka man ng masasakit na salita ng mga anak mo dahil lilipas din ‘yun. Hanggang dito na lang, hangad ko ang kaligayahan mo sa edad mo ngayon.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo