ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Marso 27, 2024
“Gugustuhin mo bang maagaw si Nhel ng babaeng iyon?” Tanong ni Mariz sa kanyang sarili.
Kahit pa sabihing hindi naman sila tunay na nagmamahalan, masakit pa rin ito lalo na iba ang natutunan nitong mahalin. Ngunit, mahal nga ba talaga ni Nhel si Via?
“Imposible,” sigaw niya sa kanyang isip. Para kasi sa kanya, napakaimposible noon. Hindi naman kasi talaga marunong magmahal si Nhel, at mahilig lang itong makipagtalik.
Alam niya iyon dahil sa tuwing nagkikita sila ay laging may nangyayari sa kanila. Kaya, hindi rin imposible na ganu’n lang din ang nararamdaman ni Nhel sa babaeng iyon.
Hindi dapat niya hayaan na magkatuluyan ang dalawa dahil paniguradong masasaktan nang husto ang kanyang pride. Gusto rin niya kasing iligtas si Nhel.
Ang ibig naman kasi nito ay makapaghiganti sa ama niya at hindi nito magagawang maisakatuparan iyon, kung mas paiiralin niya ang kanyang puso.
“Talaga nga bang iyon ang dahilan?” Nanunuksong tanong niya sa sarili.
“Hello,” wika niya nang harangin ang babaeng kahit sa picture lang niya nakita ay kilalang-kilala na niya ito.
Kumunot ang noo nito nang makita siya. Hindi man lang siya nakakita ng pagkagulat sa aura nito. Sa tingin nga niya ay mas nakaramdam ito ng pagkairita dahil naawat niya ang paghakbang nito.
“Kilala ba kita?”
“No.”
Lumalim lalo ang kunot ng noo nito. Dahilan para makaramdam siya ng pagkairita.
“Hindi naman pala kita kilala, bakit iniistorbo mo ‘ko?”
“Kilala kasi kita.”
“Hindi ako artista.”
“Matindi ang self-confidence mo ha?.”
“May tiwala kasi ako sa sarili ko,” may kayabangan sagot nito.
“Magkakaroon ka pa ba ng tiwala sa sarili kung sasabihin kong hihiwalayan ka rin ni Nhel at magpapakasal kami?”
“Walang divorce rito sa Pilipinas.”
“Peke ang kasal n’yo,” pambubuwisit niya rito.
Itutuloy…