ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-6 Araw ng Abril, 2024
Hindi pa man nagsasalita si Madame Marie, kabadung-kabado na si Via. Mapanuri kasi ang tingin na binibigay nito sa kanya.
Paano na lang kapag nalaman nito kung sino siya?
Napatingin siya kay Nhel nang hawakan nito ang kanyang kamay. Sa klase nang tingin na ibinibigay nito sa kanya, parang binibigyan siya nito ng assurance na hindi siya puwedeng saktan ninuman.
“Hindi nga ba?” Tanong niya sa sarili.
“Sino siya?” Tanong ng matandang babae.
“Via po,” wika niya.
“My wife,” wika ni Nhel sabay hawak sa bewang ni Via.
“Your wife?” Wika nito sabay tawa na para bang isang pagkakamali ang maging asawa ni Nhel.
“Pipili ka lang ng babae, ‘yung mukhang ordinaryo pa!” Dagdag pa nito.
Medyo nasaktan si Via sa kanyang narinig. Para kasing iniinsulto siya ng matandang babae. Kunsabagay, talaga naman kasing wala siyang maipagmamalaki.
“I love her,” mariing sabi ni Nhel, mas lalo pang hinigpitan ni Nhel ang pagkakayakap sa kanyang misis.
“May alam ka ba sa pag-ibig?” Sarkastikong tanong ni Marie kay Nhel.
“Hindi ba ang alam mo lang ay mamerhuwisyo at pumatay ng ibang tao?” Dagdag pa nito.
“Iyon kasi ang itinuro ng magaling mong asawa!”
Gulat siyang napatingin kay Nhel. Nakakunot ang noo nito na para bang iritable na sa kanyang ina.
“Ayoko sa kanya,” diretsong sabi sa kanya ng matandang babae.
“Ipinakilala ko lang sa inyo si Via.” Malamig nitong sabi.
“Mas gusto ko si Mariz.”
“Pero, kasal na kami. Wala ka nang magagawa. Via, let’s go,” wika ni Nhel, sabay hila sa kanyang misis.
Agad namang naging sunud-sunuran si Via sa kanyang asawa. Mahal niya si Nhel kaya talagang susundin niya ito. Iyon nga lang, hindi niya maiwasan ang masaktan.
Itutuloy…