ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Ika-10 Araw ng Abril, 2024
Dear Sister Isabel,
Ang ikukuwento ko sa inyo ay ang tungkol sa mga kapatid ko.
Panganay ako sa babae, lumaking tahimik, walang kibo, ‘di mahilig sa sosyalan, at kuntento na sa loob ng bahay. Siguro ‘yun din ang dahilan kung bakit hindi malapit sa akin ang mga kapatid ko. Sampu kaming magkakapatid, kapag may lakad sila, hindi nila ako sinasama. Para bang ang sama akong kapatid, at hindi nila ako feel kasama.
Nalulungkot tuloy ako. Gusto ko sana kasi kapag may pupuntahan ang mga kapatid ko ay kasama ako. Bakit kaya malayo ang loob nila sa akin? Hindi naman ako masamang kapatid, wala rin naman akong ginagawang masama sa kanila.
Ano sa palagay mo, Sister Isabel? Ano kaya ang dapat kong gawin? Sana ay mapalubag n’yo ang loob ko, at nawa’y mapawi na ang kalungkutang nadarama ko.
Nagpapasalamat,
Norma ng Calamba, Laguna
Sa iyo, Norma,
Alam kasi ng mga kapatid mo na wala kang hilig sa labas ng bahay. Alam din nilang mas nage-enjoy ka na walang kasama.
Makakabuting baguhin mo ugali mo. Maki-join ka sa mga okasyong dinadaluhan ng pamilya mo. Hindi maganda ‘yang lagi ka na lang nakakulong sa bahay.
Kailangan mo rin ng kaibigan na magpapasaya sa iyo.
“Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang.” Ibig sabihin, makihalubilo ka sa mga tao. Matuto kang makipag-interact sa iba para ‘di mo na ma-feel ang kalungkutang nararamdaman mo ngayon. At para na rin makita ng pamilya mo na hindi ka na killjoy o mas kilala sa tawag na kj. Kapag nakita nila na nagbago ka na, paniguradong isasama ka na nila sa kanilang mga lakad. Matutuwa sila dahil hindi mo na ikinukulong ang sarili mo sa loob ng bahay.
Natitiyak kong magiging masaya sila kung babaguhin mo na ang istilo ng pamumuhay mo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo