ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-12 Araw ng Abril, 2024
Marahas na buntong hininga ang pinawalan ni Nhel. Hindi na kasi niya kayang tiisin pa ang pagka-miss sa kanyang asawa na si Via. Para bang mababaliw na siya kapag hindi pa niya ito nakita at nakasama ngayong araw.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” Gulat na tanong ni Pedro Pedral.
Muli siyang napabuntong hininga. Hindi kasi niya maiwasan ang magtaka kung bakit ganu’n ang reaksyon nito kaya napakunot siya at buong pagtataka niya itong sinagot na, “Susunduin ko na po ang asawa ko.”
“Asawa?” Sarkastikong banat nito.
Ibig niyang mabuwisit sa paraan ng pagbigkas nito sa katagang asawa na para bang hindi ito naniniwala na tinatrato niya si Via bilang kanyang asawa. Pero, bigla rin siyang natigilan. Tinatrato nga ba talaga niya ito bilang asawa?
Gusto niyang sagutin ito at sabihing ‘oo naman’ dahil inaangkin niya rin naman ito.
Pero, iyon lang ba ang dapat maging basehan para masabi niyang tinatrato niya ito nang tama? Hindi ba dapat nakaakibat din doon ang pagmamahal?
“Nasaan na ho si Via?” Magalang pa rin niyang tanong.
Hindi niya alam kung bakit hindi na siya nakakaramdam ng galit kay Pedro. Sa palagay kasi niya ay lumipas na iyon, o baka naman natabunan lang nang pagka-miss sa kanyang asawa? Tama, iyon nga ang dahilan.
“Wala si Via rito.”
“Saan ho nagpunta?”
“Hindi ko alam.”
“Puwede ko ba siyang hintayin dito?” Magalang pa niyang tanong kaya parang gusto niyang manibago sa kanyang sarili.
“Pero, hindi ko alam kung kailan siya babalik.’’
“Maghihintay ako,” mariin niyang sabi.
Kung gusto man siyang ipagtabuyan ni Pedro, hindi niya ito hahayaang magtagumpay.
“Last week pa siya umalis. Hindi rin siya nagsabi kung saan siya pupunta. Basta ang gusto niya makalayo sa iyo,” mariing sabi ni Pedro.
“Bakit?
“Dahil nalaman niya at kinumpirma ni Marie na niloloko mo lang siya.”
Itutuloy…