ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Ika-15 Araw ng Abril, 2024
Dear Sister Isabel,
Ang sakit ng ginawa sa akin ng boyfriend ko. Macho dancer siya rito sa Japan, habang isa naman akong singer. Pinag-aral ko siya, para mahango siya sa kanyang trabaho.
Awa ng Diyos, nakapagtapos naman siya. Kaya lang, bigla na lang niya akong binlock.
‘Yun pala ay may iba na siya at ang masaklap pa ay nabuntis niya pa ito. Pero, dinalaw muna niya ako bago siya maglahong parang bula.
Nabuntis niya rin ako. Oo, Sister Isabel, dinadala ko sa sinapupunan ang magiging baby namin, subalit ‘di ko alam kung saan siya hahanapin.
Gulung-gulo na ang isipan ko, at ‘di ko na alam ang gagawin.
Sana mapayuhan n’yo ako para gumaan naman kahit papaano ang loob ko. Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Belinda
Sa iyo, Belinda,
Hindi ko nga rin alam sa mga lalaki, halos lahat pare-pareho lang. Wala na yatang matinong lalaki ngayon.
Ang maipapayo ko sa iyo ay huwag ka na umasa sa lalaking iyon. Sakit lang ng ulo ang mapapala mo kung hahanapin mo pa siya at kung susubukan mo pang makipagbalikan sa kanya. Higit pang problema ang ibibigay niya sa buhay mo kung tatanggapin mo siyang muli. Pangatawanan mo na lang ‘yang pinagbubuntis mo. Makakaraos at malalampasan mo rin ang problemang kinakaharap mo ngayon, dahil tiyak na hindi ka pababayaan ng Diyos. Ugaliin mong magdasal. Naniniwala ako na ang baby na dinadala mo ay anak ng Diyos. Alagaan mo na lang nang mabuti ang sarili mo at ang baby na nasa sinapupunan mo. Huwag na huwag mo ‘yang ipapalaglag dahil malaking problema lang ang aabutin mo. Hanggang dito na lang, ugaliin mong magdasal.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo