ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Ika-16 Araw ng Abril, 2024
Dear Sister Isabel,
Ano ang dapat kong gawin upang maging maamo sa akin ang mga tao?
Mabait naman ako. Kaya lang, wala akong kibo at hindi rin ako palakaibigan. Madalas tuloy nila akong napagkakamalang suplada. Isa pa, mailap din ang loob ng mga taong nakapaligid sa akin. Bakit kaya ganu’n?
Isang araw, may nakita kong kapitbahay sa labas ng bakuran namin. Sinubukan niya akong kausapin. Nagulat siya dahil hindi naman pala ako isnabera. Akala raw kasi nila ay suplada ako. Mukha raw kasing suplada ang dating ko kaya ilag silang makipagkaibigan sa akin.
Ano ang dapat kong gawin upang ‘di maging suplada ang dating ko sa mga kaibigan at kapitbahay ko? Ano rin ang puwede kong gawin para mabago ang impression sa akin ng mga tao?
Umaasa,
Lorna ng Pandacan
Sa iyo, Lorna,
Meron talagang ganu’n ang dating. Akala mo suplada, pero super bait at maaasahan sa lahat ng oras. Ang gawin mo ay maging palangiti ka sa mga kapitbahay mo, gayundin sa mga kaibigan mo.
Meron kasing mukha na mataray ang dating, pero hindi naman talaga. Ikaw na rin mismo ang unang bumati sa kanila kapag nakakasalubong mo sila sa daan. Maging friendly ka, alisin mo na ang pagiging mahiyain, at pag-aralan mo kung paano ka kagigiliwan ng iyong kapwa.
Mas masaya ang buhay kapag maraming kaibigan na nakaka-bonding. Ganyan lang naman ang dapat mong gawin. Hanggang dito na lang, lagi kang ngumiti para ngumiti rin ang magagandang bagay na paparating sa buhay mo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo