ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Oct. 24, 2024
Photo: Ion Perez official / Instagram
Trulili kayang umatras na si Ion Perez sa kanyang kandidatura bilang konsehal sa bayan nitong Concepcion, Tarlac?
Ito ang isa sa mga topics nina Ogie Diaz at Mama Loi kasama si Ate Mrena sa online show nilang Showbiz Update.
Say ni Mama Loi, “Ang post kasi ni Ion was, ‘Salamat sa sign, Lord. Alam ko, mas makakabuti itong desisyon ko para sa sarili ko.’ Tapos, nu’ng isinend sa ‘kin ni Morena, ini-scroll-scroll ko ‘yung mga comments. So ‘yung iba, itinatanong, aatras ka na ba sa kandidatura mo? Eh, ‘di ba, naibalita mo, ‘Nay, na feeling mo, may aatras?"
“Kung pagbabatayan natin ‘yung cryptic post na ‘yan ni Ion Perez… kasi nakaitim ‘yung background niya. So, parang malungkot na balita ‘yung dating. Na parang, ‘ano ‘to? Aatras ba ‘to?’ Kasi kung makakabuti itong desisyon ko para sa sarili ko, dapat, hindi black ‘yung background,” opinyon ni Ogie.
Sa kasalukuyan ay walang official statement na nagmumula kay Ion o sa kampo nito. Noong Oktubre 1 nag-file si Ion ng kanyang Certificate of Candidacy (COC).
Anyway, bukas ang BULGAR mula sa kampo ni Ion Perez.
THE Gaze ang tema ng 12th edition ng QCinema International Film Festival kung saan tampok ang 77 pelikula na kinabibilangan ng 22 shorts at 55 full-length features sa iba’t ibang kategorya.
Sa unang pagkakataon ay apat ang napili para sa short films na produkto ng Directors' Factory Philippines. Isang omnibus film project na nagsimula sa Cannes Directors’ Fortnight na ipinalabas sa 77th Cannes Film Festival noong Mayo ang magbubukas ng filmfest simula Nobyembre 8.
Ang apat na short films ay ang Walay Balay (WB) mula sa direksiyon nina Eve Baswel ng Pilipinas at Gogularaajan Rajendran mula Malaysia; Nightbirds, na pinamahalaan nina Maria Estela Paiso mula sa Pilipinas at Ashok Vish mula sa India; Silig na kolaborasyon nina Arvin Belarmino (Pilipinas) at Lomorpich Rithy (a.k.a YoKi) ng Cambodia; at Cold Cut na obra nina Don Eblahan ng Pilipinas at Tan Siyou ng Singapore.
Ngayong 2024, ang QCinema ay binubuo ng dalawang main competition sections: ang Asian Next Wave at QCShorts International na sa taong ito ay mas pinaigting ito tampok ang Southeast Asian films kasama ang anim na Filipino short film grantees sa kompetisyon.
Kasama sa Asian Next ang Don’t Cry Butterfly na Grand Prize winner sa Venice Critics' Week; Pierce na Best Director sa katatapos na Karlovy Vary Crystal Globe Competition; at Mistress Dispeller , isang feature documentary na winner ng NETPAC award for Best Asian Film sa Venice.
Mapapanood din ang Happyend, Tale of the Land; Viet and Nam at ang Moneyslapper ni Bor Ocampo (Philippines) na magkakaroon ng world premiere.
Magtutunggali naman sa QCShorts International category ang Alaga, Kinakausap ni Celso ang Diyos, Refrain, RAMPAGE! (o ang parada), Supermassive Heavenly Body, at Water Sports.
Ang Southeast Asian contenders ay kinabibilangan ng Are We Still Friends?, Here We Are, In the Name of Love I Will Punish You; Peaceland; Saigon Kiss, at Locarno-winning film na WAShhh.
Tatlo namang Cannes Queer Palm nominees ang mapapanood sa LGBTQA+ section na Rainbow QC: ang Baby, The Balconettes at My Sunshine.
Ang dalawa pang kukumpleto ng line-up ay ang Pooja, Sir at Sebastian.
Sa New Horizons section naman ay hindi dapat kaligtaan ang Blue Sun Palace, Cu Li Never Cries na nanalong Best First Feature sa Berlin; Santosh, The Major Tones, at Toxic.
Mapapanood sa unang pagkakataon dito sa Pilipinas ang Phantosmia ni Lav Diaz; The End ni Joshua Oppenheimer; The Count of Monte Cristo nina Alexandre de la Patellièr at Matthieu Delaporte, at ang Venice Golden Lion winner na The Room Next Door ni Pedro Almodóvar.
Apat pang sections ang ilulunsad ngayong taon, ang QCLokal, Rediscovery, Contemporary Italian Cinema at QCinema Selects.
Marami pang pelikula na mula sa iba't ibang bansa ang nakatakdang mapanood sa festival kaya puwedeng bisitahin ang kanilang social media pages.
Ang QCinema 12 na gaganapin mula Nobyembre 8 hanggang 17 ay mapapanood sa mga piling sinehan tulad ng Gateway Cineplex 18, Ayala Malls Cinema sa Trinoma, Red Carpet sa Shangri-la Plaza, at Powerplant Mall.