ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Nov. 5, 2024
Photo: Vice Ganda / FB
Wala sa plano ni Vice Ganda na pasukin ang pulitika dahil hindi niya ito nadarama. Ito ang sabi ni Vice sa tanong ng Showbiz Update (SU) hosts na sina Ogie Diaz at Mama Loi nang magkausap sila kamakailan.
Ang dami na kasing celebrities na pumapasok sa pulitika, kaya hindi naman excuse ang TV host-actor sa tanong nina Ogie at Mama Loi. Pero ang ipinagdiinan ni Vice na in case na papasukin niya ito ay presidente agad-agad ang gusto niya.
“Parang hindi ko s’ya mapaghahandaan. Parang sabi nga nila, calling. ‘Pag naramdaman mo, naramdaman mo, ni hindi ko nga s’ya paplanuhin.
“Kaya ‘pag may nagtatanong nga sa ‘kin, ‘di ba, niloloko ko. Sabi ko, ‘Ayaw ko n’yan, ang baba (ng posisyon). Gusto ko, presidente agad!’
“Kaya kung tatakbo ako, hindi ako mangangampanya, hindi ako maglalabas ng pera, kasi hard-earned money ‘yung pera ko, eh. Lahat ng kinita ko ay hard-earned siya, kaya hindi ko ilalabas sa eleksiyon, tapos mate-tempt ako na kailangan, mabawi ko kasi hard-earned, ‘di ba?
“Kaya sabi ko, hindi ako mangangampanya, magpa-file ako ng candidacy, tapos gagawa akong vlog. ‘Tatakbo po ako, ito po ‘yung mga plataporma ko. Kung bet n’yo 'kong iboto, go. Kung hindi, okay lang din.’ Pero joke lang ‘yun, pero hindi, eh, hindi ko plano, hindi ko nadadama,” paninigurado ni Vice.
Samantala, sa nasabing panayam ay ibinahagi ni Vice kina Ogie at Mama Loi ang sinabi sa kanya ni Ms Cory V. Vidanes, Chief Operating Officer ng ABS-CBN Corporation, na mananatili ang It’s Showtime (IS) for life.
Aniya, “Sabi sa ‘kin ni Tita Cory, ‘This is gonna be forever hangga’t may lakas ka, hangga’t gusto mo pa, dire-diretso ito, walang hintuan.'
“Nagpunta s’ya sa dressing room at sabi n’ya (Ms. Cory), 'Ang wish ko, sana, hindi ka magkakasakit, hindi ka magsasawa, hindi ka susuko, kasi hangga’t hindi ka sumusuko, dire-diretso ‘to.' Kaya matagal pa po tayong magsasama, pagtitiisan n’yo pa po ako. Hahaha!”
Kaya natatawa si Vice noong maalala ang sinabi nu'ng unang salta niya sa programa ng Kapamilya Network.
“‘Di ba nga, nagsisimula pa lang ‘yan, ano ba'ng sabi ko sa 'yo?" tanong nito kay Ogie, "‘di naman magtatagal ‘yan, parang perya!' ‘Di ba, sabi ko sa ‘yo? 'Mamang, parang hindi naman magtatagal, parang perya.'”
Kaya hirit ni Mama Loi, “Sino raw ba ang mag-aakala na aabot sila ng 15 years? Eh, noon daw ay may sinasabi s’ya sa ‘yo?”
Sagot ni Ogie, “Nu’ng mina-manage ko pa si Vice Ganda taong 2006 hanggang 2011 at nagsisimula pa lang ‘yung It’s Showtime ay mayroong sinasabi si Vice (hindi magtatagal).”
Ito pala ang tunay na dahilan kung bakit sinusunod ng lahat si Vice dahil binigyan siya ng karapatan ng management kung ano'ng magandang gawin sa show at dahil din sa kanya kaya mananatili ang IS at may mga trabaho ang lahat ng involved sa programa.
SUPORTADO ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang Halloween film festivals sa iba't ibang sinehan sa buong bansa.
Rated-13 ang Nanay, Tatay at Tenement para sa manonood na edad 13 at pataas.
R-16 naman ang Pasahero at The Thorn Sengkolo para sa edad 16 at pataas.
Ang My Mother’s Eyes mula sa Crystalsky Multimedia ay parehong R-13 at R-16.
Lahat 'yan ay mula sa Sine Sindak: Ika-5 Yugto ng SM Cinema. Limang makapanindig-balahibong pelikula ang handog ng Horrorkada Fest ng Robinsons Movieworld.
R-13 ang 13 Exorcisms at The Haunting at St. Joseph, R-16 ang Ghostland, Immaculate, at Saw X.
Mula sa Ayala Malls Cinemas ang Thrill Fest na tampok ang The Lost Boys (R-13), Trick Or Treat (R-16) at Corpse Bride (PG).
Ang PG ay para sa bata na may kasamang magulang o nakatatanda. Hinihikayat ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio ang publiko na tupdin ang mga ratings para sa responsableng panonood ng buong pamilya.
“Patuloy ang pagsisikap ng Board sa pagpapatupad ng angkop na ratings para sa ikauunlad ng pelikulang Pilipino,” sabi niya.