ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Nov. 18, 2024
Photo: Coco Martin - FB
“Bigla akong nagpa-drug test sa set (FPJ’s Batang Quiapo), lahat ng artista, lahat ng (production staff), may nag-positive, ang sabi ko, ‘Hindi ka pupuwedeng magtrabaho!’” ito ang diretsong kuwento ni Coco Martin sa solong panayam sa kanya ni Ogie Diaz sa vlog nito sa YouTube (YT).
Dagdag pa ng actor, “Ang pinaka-ayaw ko kasi ay nagtatrabaho ka para sa bisyo mo, kahit magtampo ka pa sa ‘kin.”
Matatandaang may mga nag-post na artistang dumaan sila sa drug test at isinumite kay Coco at nu’ng negatibo sila ay saka lang sila pinag-report sa Batang Quiapo. Ganito rin ang nangyari sa mga taga-production.
Ang kabuuan ng kuwento ni Coco tungkol sa drug test ay nasa ikalawang bahagi ng panayam sa kanya ni Ogie na mapapanood next week.
Pero base rin sa aming mga nakalap na impormasyon ay taga-production ang nagpositibo, dahilan kaya siya pinagpahinga ng actor-cum producer/director at malapit daw talaga ito kay Coco pero tinabla pa rin.
Hahayaan naming si Coco na ang magkuwento kung sino ito at kung sino ang bagong pasok sa BQ para ituloy ang trabaho ng taong pinagpahinga ng actor dahil nagpositibo sa droga.
Kilala si Coco na super-higpit pagdating sa trabaho at perfectionist dahil ayaw niyang may masabi ang mga boss niya sa ABS-CBN at hangga’t maaari ay walang maibubutas pagdating sa trabaho.
Maging ang mga kapatid ni Coco na sina Ron at Ryan Martin ay hindi nakakatikim ng VIP o special treatment mula sa kanya.
“Nahihiya nga ako kasi pinasok ko sila sa Batang Quiapo kasi baka isipin ng ibang tao na porke’t kapatid, ipinasok. Sabi ko naman, ‘Ibang tao nga, natutulungan ko.’ Siyempre, ‘di ba, honestly, bilang Pilipino, tutulungan mo rin ‘yung mga kapatid mo!
“Pero lagi kong sinasabi talaga (bilin kina Ron at Ryan), ayaw kong mapapahiya talaga ako kasi ayaw kong masira ang pangalan ko sa mga boss, ‘di ba? Ayaw ko ‘yung baka mag-feeling-feeling sa set, eh, or magtamad-tamaran. Alam mo ‘yun? O wala, hindi marunong umarte,” pahayag ng aktor.
Sa set din ng BQ ay hindi kasama ni Coco ang mga kapatid.
“Hindi, magkakasama sila ng co-actors,” sambit ng actor.
Sey ni Ogie, “Talagang meron kayong mga posisyon na ito, bida rito (tent), dito ang supporting (ibang tent).”
“Oo, ganu’n kasi ang inaano (iniisip) ko, ang respeto kasi kailangan may (wall) kasi nasa trabaho kami, wala naman kami sa bahay, ‘di ba?
“Saka para alam din nila (Ron at Ryan) kung ano ‘yung takbo o patakaran. Siyempre, puwedeng lumaki ang ulo ng mga ‘yan, kasi ako, line producer at director, ‘di ba? Hindi talaga at mas layo kayong mag-ingat kasi kapatid ko kayo at konting mali n’yo lang, sa ‘kin magre-reflect at magmumukhang kinukunsinti ko kayo o ganyan. Mayabang kayo dahil kapatid ninyo ako,” paliwanag mabuti ng Kuya Coco ng magkapatid.
Nabanggit din ni Coco na maski raw sa bahay nila ay pareho ang trato niya sa mga kapatid at kasambahay, walang espesyal.
“Kasi ganu’n ako kabalanse, ayaw kong nakikita ko (ang) mga kapatid ko na mag-boss-boss. Ay, hindi, ayaw ko nu’n!
“Dapat kung ano ang trato ko para ‘yung respeto rin, makita nila na, ‘Ah, patas ang taong ‘to,’” sey pa niya.
At kahit istriktong kuya si Coco sa mga kapatid niya, lahat sila ay may tig-iisang bahay na sadyang ipinagawa ng actor at pantay-pantay din ang sukat.
“Kasi ‘yung isang factor na wala kaming magulang o ‘di sila tumayong magulang sa ‘min, walang tatayo kundi ako. Kaya ‘yung bahay ko ngayon, kung saan ako nakatira, siyempre hindi pa naman ako nakakaintindi noon, nu’ng patapos na, nakita ko ‘yung kuwarto ko na malaki, ‘yung sa mga kapatid ko, maliit sa mata ko, kaya pinatibag ko.
“Nagtapon ako ng P11 milyon para lang baguhin, hindi naman pareho sa bahay ko, pero alam kong maayos sila at komportable sila,” paliwanag ni Coco.
At dahil nasa iisang compound silang lahat ay nagkaroon din ng isyu dahil kahit magkakahiwalay na bahay na, pero nasa iisang lugar pa rin.
“‘Yung imahinasyon mo na magkakasama ang pamilya mo, buo, may problema pa rin.
Nagkakaroon ng conflict at ako ‘yung pinakamalungkot kasi nga pangarap ko, nandoon na mommy ko, nandoon na rin tatay ko, kaso ganu’n talaga, hindi maiiwasan.
“Kaya ang ginawa ko, isa-isa kong ginapang, pinag-ipunan ko lahat (nagpagawa ng bagong bahay), na nasa iisang village na sila (para sa apat na kapatid),” kuwento ng actor.
Kaya ang bahay na mala-resort kung tawagin ng mga kapitbahay ay solo na ni Coco Martin kasama ang tatay at nanay nitong magkaiba ang unit.
Marami pang kuwento ang actor tungkol sa pinlano niyang mag-produce ng pelikula noon pero walang pera na tampo niya sa ABS-CBN, pati na rin na hinimok siyang kumandidato bilang konsehal at iba pa, itutuloy namin sa susunod na isyu.