ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Nov 1, 2024
PATI PANG-PORK BARREL PROJECTS NG MGA SEN. AT CONG. KASAMA SA INUUTANG, KAYA NABABAON ANG ‘PINAS -- Inanunsyo ng Bureau of Treasury (BOT) na pumalo na sa P15.89 trillion ang utang ng Pilipinas at ang nakakarindi, bago raw matapos ang year 2024 ay papalo pa sa P16.06 trillion ang magiging utang ng bansa sa iba’t ibang financial institution sa mundo.
Palubog na nang palubog sa utang ang bansa at siguradong mas lalo pang lulubog ang ‘Pinas sa mga darating pang panahon, kasi nga ayon sa tirada noon ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, kabilang sa inuutang ng Pilipinas ay para sa pang-pork barrel ng mga senador at kongresista, boom!
XXX
DAPAT IBASURA NA NG COMELEC COC NG POLITICAL DYNASTY PARA MATAPOS NA HAPPY DAYS NG MGA ‘KAMAG-ANAK INC.’ SA PULITIKA -- Matapos magsampa ng disqualification case ang iba’t ibang cause-oriented group laban sa mga political dynasty sa Comelec, magsasampa rin daw ng ganitong uri ng kaso ang Makabayan bloc laban naman sa mga partylist ng magkakamag-anak na politicians. Ayon sa kanila, unconstitutional naman daw talaga ang political dynasty base sa nakasaad sa 1987 Constitution, Artikulo II, Seksyon 26 dahil may isinasaad na ganito, “Dapat seguruhin ng Estado ang pantay na pag-uukol ng mga pagkakataon para sa lingkurang pambayan, at ipagbawal ang mga dinastiyang pulitikal, ayon sa maaaring ipagkahulugan ng batas.”
Sana, alang-alang sa kapakanan ng mamamayan, katigan ng Comelec ang hirit ng mga cause-oriented groups at Makabayan bloc, ibasura na nila ang certificate of candidacy (COC) ng mga political dynasty para matapos na ang happy days ng mga “Kamag-anak Inc.” sa pulitika, period!
XXX
SA IPINAKITANG KAASTIGAN NI EX-P-DUTERTE SA SENADO, MAGKALAKAS-LOOB PA KAYA ANG QUAD COMMITTEE NA IPATAWAG SIYA SA KAMARA? -- Isa sa kuwelang nangyari sa pagdinig ng Senado tungkol sa extra-judicial killings (EJK) ay ‘yung nagpasya ang mga senador na payagan na si ex-P-Duterte na mag-exit sa hearing kasi binabara-bara nito ang mga kuwestiyon ni Sen. Risa Hontiveros, ang problem nagpakaastig, ayaw pumayag ng ex-president na umalis, gusto niya andu’n siya hanggang matapos ang pagdinig, na ‘ika niya, kahit abutin pa raw sila ng kinabukasan.
Gayunman, napakiusapan pa rin si ex-P-Duterte na umalis na ang ikinatuwiran na lang, para raw makapagpahinga na ang dating presidente.
Ito ngayon ang tanong: Sa ipinakitang kaastigan ni ex-P-Duterte sa Senate hearing, magkaroon pa kaya ng lakas ng loob ang Quad Committee ng Kamara na ipatawag ang ex-president, abangan!
XXX
MGA IPINAGBABAWAL DALHIN SA MGA SEMENTERYO SUNDIN PARA MAPAYAPA ANG PAGDIRIWANG NG PISTA NG MGA PATAY -- Ngayong Undas o Pista ng mga Patay, kabilang sa mga ipinagbabawal na dalhin sa sementeryo ay baril, patalim, alak, karaoke at pagsusugal.
Sana lahat ng mga ipinagbabawal na iyan ay sundin ng mamamayan para iwas-gulo, at maging mapayapa ang pagdiriwang ng Undas sa mga sementeryo, period!