ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Dec. 8, 2024
KUNG FOR MAYOR NA LANG AT HINDI KUMANDIDATONG VP, WALA SANANG KUMAKALABAN KAY VP SARA, WALA SANA SIYANG KINAHARAP NA MGA KASO – Hindi lang ang nakaambang impeachment complaint at criminal cases ang dapat paghandaan ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, kundi pati ang kasong plunder na isasampa sa kanya ng mga anti-Duterte politician.
Siguro, ngayon napagtanto ni VP Sara na sana hindi na siya kumandidato sa pagka-VP at itinuloy na lang niya ang pagkandidato niya bilang re-electionist sa pagka-alkalde ng Davao City kasi sa lugar nila ay lahat ng gusto niya nasusunod at walang kumokontra, hindi tulad sa nangyayari ngayon sa kanya bilang bise presidente na ang daming kumakalaban sa kanya at inuulan pa siya ng iba’t ibang uri ng kaso, boom!
XXX
PERA NG BAYAN NA IBINIGAY DAW KINA ALYAS ‘MARY GRACE PIATTOS’ AT ‘KOKOY VILLAMIN’ KANINONG BULSA SA MGA TAGA-OVP NAPUNTA? -- Hindi lang ang pangalang “Mary Grace Piattos” ang walang birth record sa Philippine Statistics Authority (PSA), kundi pati ang pangalang “Kokoy Villamin.”
Dahil diyan ay lumalabas na gawa-gawa o imbento lang ang mga ganitong pangalan na mga naging recipient o tumanggap daw ng cash reward mula sa confidential fund ng Office of the Vice President (OVP).
Kaya’t ang tanong: Kaninong bulsa kaya sa mga taga-OVP napunta ang pera ng bayan na ibinigay daw kina alyas “Mary Grace Piattos” at “Kokoy Villamin”? Abangan!
XXX
SA PANAHON NI PBBM, DAMING NAWALAN NG WORK, TAPOS NAGMAHAL PA ANG PRESYO NG MGA BILIHIN AT BAYARIN -- Matapos ianunsyo ng PSA na pumalo na sa 3.9% o katumbas ng 1.97M Pinoy na nawalan ng trabaho, ay sinundan ito ng anunsyo ng PSA na tumaas ng 2.5% ang inflation rate sa Pilipinas.
‘Yan ang nakalulungkot na mga nangyayari sa ‘Pinas sa panahon ng liderato ni President Bongbong Marcos (PBBM), pahirap nang pahirap ang buhay ng mga Pinoy kasi ang dami na nawalan ng work, tapos nagmahal pa ang presyo ng mga bilihin at bayarin, tsk!
XXX
P11B HALAGA NG MGA GAMOT AT MEDICAL SUPPLIES NAG-EXPIRE KAYA DAPAT MANAGOT ANG MGA APPOINTEE NOON NI EX-P-DUTERTE SA DOH -- Sa House hearing ay nabulgar na higit P11 billion halaga ng mga gamot pangontra sa COVID-19 at iba pang medical supplies na nasa mga bodega ng Dept. of Health (DOH) ang nag-expire na, at ang pangyayaring ito ay isinisi ni Iloilo Rep. Janet Garin sa mga DOH official na appointed ni ex-P-Duterte noon sa kagawaran.
Dapat managot dito ang mga appointed official noon ni ex-P-Duterte sa DOH, kasi dahil sa kanilang kapabayaan ay nasayang ang ganyan kalaking halaga na pera ng bayan, period!