ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Dec. 11, 2024
PBBM, MGA SENADOR AT KONGRESISTA DAPAT IDAMAY SA CONFI FUNDS SCAM DAHIL KAHIT HINDI NAMAN LAW ENFORCEMENT AGENCY, INAPRUB NA BIGYAN NG GANITONG PONDO ANG OVP AT DEPED -- Dapat sisihin din ng publiko si Pres. Bongbong Marcos (PBBM), mga senador at kongresista sa nabulgar na confi funds scam sa Office of the Vice President (OVP) at Dept. of Education (DepEd). Sa totoo lang, dapat damay sila sa isyung ito dahil sila ang nag-aprub na mabigyan ng tinatawag na “secret funds” si VP Sara Duterte-Carpio.
Alam naman kasi nilang hindi law enforcement agency ang mga tanggapan ng OVP at DepEd, eh mantakin n’yong inaprub ni PBBM, mga sen. at cong. ang P500M confi fund ng OVP at P150M confi fund ng DepEd, at nang ibulgar ng mga Makabayan bloc representatives ang anomalya sa confi funds, ay saka sila (Malacañang, Senado at Kamara) mga nagmamalinis, mga buset!
XXX
MALAMANG MAS MARAMING BOGUS CONFI FUND RECIPIENTS SA OVP KAYSA DEPED -- Malamang mas maraming bogus confi fund recipients ang OVP kaysa DepEd.
Sabi kasi ni Manila 3rd Dist. Rep. Joel Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, ang 677 bogus na mga pangalan, 405 dito ay walang mga birth record at ang 272 ay maraming kapangalan, ang mga ito umano ay mga DepEd confi fund recipients, hindi pa kasama rito ang mga OVP confi fund recipients.
Kung ganyan karaming non-existent na tao ang inilista bilang mga DepEd confi fund recipients, aba’y siguradong mas maraming bogus na tao ang nailistang OVP confi fund recipients, kasi ang confi fund noon ng DepEd ay P150 million lang, at ang sa OVP ay P500M, tsk!
XXX
DEC. 9 ANTI-CORRUPTION DAY, SIGURADONG DEDMA LANG DIYAN ANG MGA KURAKOT SA ‘PINAS -- Nitong nakalipas na Dec. 9, 2024 ay ipinagdiwang ang ika-21 taong anibersaryo ng Anti-Corruption Day, resolusyon ito na ipinasa ng United Nations (UN) noong Dec. 9, 2003.
Hindi natin alam kung ang mga corrupt official sa ibang bansa ay sumunod na huwag munang mangurakot noong Dec. 9. Pero sa ‘Pinas, naku, sa rami ng mga kurakot tiyak na dinedma lang ‘yang selebrasyon ng “Anti-Corruption Day,” boom!
XXX
LTO, PALPAK HANGGANG NGAYON, DAHIL HIGIT 9M ANG MGA MOTORSIKLO NA WALA PANG PLAKA -- Ibinulgar ng Commission on Audit (COA) na higit 9 milyon motorsiklo pa ang hindi naiisyuhan ng plaka ng Land Transportation Office (LTO). Aba’y ang dami niyan ah!
Kung ganyan kapalpak sa kanyang tungkulin si LTO Chief Vigor Mendoza II, aba’y dapat na itong sibakin ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM), period!