ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Jan. 14, 2025
‘WALANG GUTOM KITCHEN PROGRAM’ NI SEC. GATCHALIAN NON-STOP, PERO ‘DUTERTE KITCHEN’ NOON PABIDA LANG, 2 WEEKS STOP NA -- Tagumpay ang “Walang Gutom Kitchen Program” ng Dept. of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng pangangasiwa ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na inilunsad noong Dec. 16, 2024 sa Metro Manila, nasa higit 10,000 pamilyang maralitang Pinoy ay nabigyan nila ng pagkain, at ayon sa kalihim ay mas palalawakin pa nila ang programang ito na dadalhin nila sa mga mahihirap na komunidad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, sa Visayas at Bicol regions.
Ibig sabihin niyan ay tuluy-tuloy ang naturang programa ng DSWD at desidido talaga si Sec. Gatchalian na mapakain ang mga kababayang nagugutom, hindi tulad ng pabidang “Duterte Kitchen” ng Duterte administration na “ningas-kugon” lang pala, kasi halos dalawang linggo lang nagpakain sa mahihirap at pagkaraan, stop na, wala na, isinara na ang “Duterte Kitchen,” boom!
XXX
KUNG IIMBESTIGAHAN ANG CONFI FUND NI MAYOR BASTE, DAPAT IMBESTIGAHAN DIN ANG CONFI FUND NI MAYORA ABBY BINAY -- Dahil sa nakakalulang P530 million confidential fund ng Davao City Hall ay may mga netizens na nananawagan sa Kamara na dapat daw imbestigahan si Mayor Baste Duterte kung saan niya dinala at ginastos ang napakalaki niyang confi fund.
Unfair naman kung confi fund lang ni Mayor Baste ang iimbestigahan dahil ayon mismo sa Commission on Audit (COA) ay malaki rin, worth P240M ang ginastang confi fund ng Makati City Hall.
Ang nais nating ipunto rito, kung gigisahin ng Kamara si Mayor Baste kung saan ginasta ang P530M confi fund niya, ay dapat gisahin din si senatorial candidate Mayor Abby Binay kung saan niya ginasta ang P240M confi fund ng kanyang tanggapan, period!
XXX
HINDI LANG SA PWD ID DAPAT MAGHIGPIT, KUNDI PATI SA SENIOR CITIZEN ID -- Hindi lang sa mga person’s with disability (PWD) identification card dapat maghigpit ang gobyerno, kundi pati sa mga senior citizen ID.
Kung may mga nagbebenta kasi ng mga pekeng PWD ID sa mga taong wala namang kapansanan para maka-discount at makalibre sa value added-tax (VAT), ay may mga nagbebenta rin daw sa Quiapo at Recto, Manila ng mga pekeng senior citizen ID para maka-discount at makalibre rin sa VAT kahit na sila ay hindi pa senior citizen, boom!
XXX
KUNG PATULOY NA WALANG AKSYON SI GEN. IBAY SA SINDIKATONG GUMAGAWA NG MGA PEKENG ID AT DOKUMENTO SA QUIAPO AT RECTO, DAPAT SIBAKIN NA SIYA SA MPD -- Sa totoo lang, hindi naman lalaganap ang bentahan ng mga pekeng IDs at iba pang dokumento sa Quiapo at Recto kung may ginagawang aksyon laban sa mga ito si Manila Police District (MPD) Director, Brig. Gen. Thomas Ibay.
Kung walang gagawing aksyon si Gen. Ibay laban sa sindikatong ito na gumagawa ng mga pekeng IDs at dokumento sa Maynila, isa lang ang dapat gawin ni PNP Chief Gen. Rommel Marbil, sibakin niya agad ito sa puwesto, period!