ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Dec. 20, 2024
UNFAIR KINA SEN. BONG GO AT SEN. DELA ROSA, PLANONG PAGSASAMPA NG KASO SA KANILA, ITINAON NA RE-ELECTIONIST SILA SA PAGKA-SENADOR -- Inirekomenda ng Quad Committee ng Kamara na sampahan ng kasong paglabag sa international law crimes against humanity sina ex-P-Duterte, Sen. Bong Go, Sen. Ronald Dela Rosa, former PNP chiefs ret. Gen. Oscar Albayalde, ret. Gen. Debold Sinas, ret. Col. Edilberto Leonardo, former PCSO General Manager Royima Garma, Muking Espino at iba pang sangkot sa sinasabing naganap na extrajudicial killings (EJK) sa bansa sa panahon ng Duterte administration.
Sa totoo lang, unfair kina Sen. Bong Go at Sen. Dela Rosa ang ginawang ito ng QuadComm kasi nga pareho silang re-electionists sa pagka-senador, tapos pinasasampahan sila ng kaso na lumalabas ngayon na nagiging biktima ng political persecution ang dalawang nabanggit na senador, tsk!
XXX
PARA MATIYAK ANG PANALO NINA SEN. BONG GO AT SEN. DELA ROSA, DAPAT MGA KANDIDATO LANG NI EX-P-DUTERTE ANG IBOTO NG MILYUN-MILYONG DDS -- Ayon kay Sen. Dela Rosa, malinaw na paninira ang atakeng ito ng QuadComm sa kanila para matalo sila ni Sen. Bong Go, at kapag natalo raw silang dalawa, wala nang haharang sa impeachment case kay VP Sara.
Kaya ang dapat gawin ng milyun-milyong Duterte Diehard Supporters (DDS) ay sina Sen. Bong Go, Sen. Dela Rosa at iba pang manok ni ex-P-Duterte sa pagka-senador lang ang kanilang iboto para matiyak ang panalo ng mga senatoriable candidates ng dating pangulo, period!
XXX
DAHIL MGA HEARSAY LANG ANG ‘EBIDENSYA’, MALAMANG IDISMIS NG KORTE ANG ISASAMPANG KASO SA GRUPO NI EX-P-DUTERTE -- Ang alegasyon laban sa grupong ito ni ex-P-Duterte ay pulos hearsay lang ang sinasabing mga ebidensya ng QuadComm.
Ang nais nating ipunto rito ay malamang pagsapit sa korte, kung patas ang korte, malaki ang posibilidad na idismis lang ng korte ang mga kasong isasampa sa grupo ni ex-P-Duterte, period!
XXX
MALAKING NAGASTOS SA CONFI FUNDS NG MAKATI CITY HALL, IMBESTIGAHAN DIN KAYA NG KAMARA? -- Ibinulgar ng Commission on Audit (COA) na sa mga lungsod sa Metro Manila, ang Makati City daw ang may pinakamalaking ginastang confidential fund na umaabot sa halagang higit P240 million.
Ang kasalukuyang alkalde ng Makati ay si Mayora Abby Binay na kaalyado at kabilang sa senatorial line-up ng Marcos admin.
Kung nagawa ng Kamara na imbestigahan ang confi funds ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na kalaban sa pulitika ng Marcos admin, ay magawa rin kayang imbestigahan ng mga kongresista kung nagastos sa tama ang confidential fund ng Makati City Hall, kung saan si Abby Binay ay kabilang sa manok ni Pres. Bongbong Marcos sa pagka-senador? Abangan!