ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Nov 15, 2024
KAPAG NAGING MAYOR ULI SI EX-P-DUTERTE, TIYAK MAGPUPULASAN PALABAS NG DAVAO CITY ANG MGA TULAK AT ADIK -- Sa pagdinig sa Quad Committee ng Kamara, habang ginigisa si ex-P-Duterte tungkol sa extrajudicial killlings (EJK) ay sinabi niya na ang lahat daw ng mga patayang naganap sa kanyang drug war ay responsibilidad niya bilang dating presidente, hindi raw siya natatakot makulong, at kapag nanalo raw siya uli sa pagka-alkalde ng Davao City ay uulitin niya ang bloody drug war, dobladong aksyon laban sa droga.
Dahil sa sinabing iyan ni ex-P-Duterte, sakaling siya ang magwagi sa pagka-alkalde ng Davao City, ay asahan nang magpupulasan palabas ng lungsod ang mga tulak at adik kasi alam nilang hindi nagbibiro ang ex-president sa pahayag nitong gagawin niyang doblado ang kampanya niyang “giyera” laban sa droga, period!
XXX
MAY TSANSANG MAGING PRESIDENTE SA 2028 SI VP SARA KAPAG NANALO SA DAVAO CITY SINA EX-P-DUTERTE, BASTE AT PULONG -- Mahalaga sa pamilya Duterte ang May 2025 midterm election kasi ito ang magiging pamantayan sa pagsabak ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa 2028 presidential election.
Kapag nanalo sa Davao City sina ex-P-Duterte sa pagka-alkalde, Baste sa pagka-vice mayor at Pulong sa pagka-congressman, isa lang ang ibig sabihin niyan, malaki ang tsansa ni VP Sara na magwagi sa 2028 election, abangan!
XXX
TIYAK IBABASURA NG MILYUN-MILYONG DDS ANG MGA SENATORIAL CANDIDATE NI PBBM KAPAG HINAYAAN NIYANG PUMASOK SA ‘PINAS ANG INTERPOL -- Sinabi ni PBBM na hindi raw makikipag-cooperate ang kanyang administrasyon sa International Criminal Court (ICC), pero hindi naman daw pipigilan ng Marcos admin ang International Criminal Police Organization (Interpol) na pumasok sa bansa.
Ibig sabihin niyan, kapag nagpalabas ng warrant of arrest ang ICC laban kina ex-P-Duterte, Sen. Ronald Dela Rosa at sa iba pang sangkot sa EJK sa bansa ay hindi makikipag-cooperate ang Marcos admin sa paghahain ng arrest order sa mga nabanggit, pero hahayaan ni PBBM na pumasok sa ‘Pinas ang Interpol para sila ang umaresto sa dating presidente, senador, etc.
Iyang sinabi ni PBBM na hahayaan niyang pumasok sa bansa ang Interpol, tiyak magbu-boomerang iyan sa mga senatorial candidate ng Marcos admin dahil siguradong ibabasura sila sa eleksyon ng milyun-milyong Duterte Diehard Supporters (DDS), period!
XXX
DAHIL SA SUNUD-SUNOD NA BAGYO AT BAHA, SUNUD-SUNOD DIN ANG PAMBA-BASH KAY PBBM DAHIL SA FAKE NEWS NA 5,500 FLOOD CONTROL PROJECTS -- Sunud-sunod ang mga bagyong pumapasok sa bansa na nagdudulot din ng sunud-sunod na lagpas-taong baha, lagpas-bahay na baha.
Hindi man aminin ay tiyak toreteng-torete na si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) kasi sunud-sunod din ang pamba-bash sa kanya sa social media dahil nga nalaman na ngayon ng publiko na fake news lang pala ang ibinida niya sa kanyang last July State of the Nation Address (SONA) na may mahigit 5,500 flood control projects na ang natapos gawin ng kanyang pamahalaan, boom!