ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Nov 18, 2024
PARA SA KAPAKANAN NG MAMAMAYAN ANG PANUKALANG BATAS NI SEN. BONG GO NA DEPARTMENT OF DISASTER RESILIENCE KAYA DAPAT SUPORTAHAN NG MGA KAPWA SENADOR AT MALACANANG -- Ang panukalang batas ni Sen Bong Go na pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR) ay dapat suportahan ng lahat ng senador at maging ng Malacanang lalo’t sunud-sunod na bagyo na ang tumatama sa Pilipinas.
Layunin ng panukalang batas na ito ni Sen. Bong Go ay magkaroon ng isang departamentong nakatutok sa paghahanda, pagresponde, maproteksyunan at mabigyan ng dagliang tulong o ayuda ang mamamayang nabibiktima ng kalamidad.
Sa totoo lang, mainam ang panukalang ito ni Sen. Bong Go at sana maisabatas na agad ito alang-alang sa kapakanan ng sambayanang Pinoy, period!
XXX
IBASURA SA HALALAN ANG MGA POLITICAL DYNASTY NA DEDMA SA MGA KABABAYANG BINAGYO AT BINAHA -- Kapuna-puna na ang karamihan sa mga political dynasty o “Kamag-anak Inc.” na may puwesto sa pamahalaan ay hindi nagpapakita ng pagbibigay ng tulong sa mga kababayan na nabiktima ng bagyo at baha.
Next year ay mid-term election na, at isa lang ang dapat gawin ng mamamayan, ibasura sa halalan ang mga “Kamag-anak Inc.” politician na dedma lang sa mga kababayang naging biktima ng bagyo at baha, period!
XXX
MGA ANTI-DUTERTE CONG., ASAR-TALO NA NAMAN SA PANG-IISNAB NI VP SARA SA HOUSE HEARING -- Sinabi ni Vice President Sara Duterte-Carpio na wala siyang planong dumalo sa imbitasyon ng House Committee on Good Governance and Public Accountability hearing sa Nov. 20, 2024 kaugnay sa imbestigasyon sa naging confidential funds ng bise presidente sa Office of the Vice President (OVP) at Dept. of Education (DepEd).
Dahil sa sinabing iyan ni VP Sara na iisnabin niya ang House hearing, ay tiyak asar-talo na naman ang anti-Duterte congressmen kasi hindi nila “magigisa” nang harapan ang bise presidente, boom!
XXX
IBIG SABIHIN NG SURVEY, 47% PINOY HINDI PA GUMIGINHAWA ANG PAMUMUHAY SA PANAHON NI PBBM KAYA ASA SILA NA SA NEXT 12 MONTHS GIGINHAWA NA ANG PAMUMUHAY NILA -- Sa survey ng SWS ay 47% ng mga Pinoy ang naniniwalang gaganda ang kanilang pamumuhay sa susunod na 12 buwan sa ilalim ng Marcos administration.
Ibig sabihin ng survey na iyan ay mula nang maging lider ng bansa si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ay hindi pa nakakatikim ng ginhawa sa pamumuhay ang 47% Pinoy, kaya umaasa sila, panalangin nila, na sa susunod na 12 buwan o isang taon, sana naman guminhawa na ang kanilang mga pamumuhay, period!