ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Nov. 24, 2024
SA PANGAMBANG MAG-ALA-ROYINA GARMA KAYA TODO-BANTAY SI VP SARA KAY ZULEIKA LOPEZ -- Todo-bantay si Vice President Sara Duterte-Carpio sa kanyang chief of staff na si Atty. Zuleika Lopez na kinontempt at ipinakulong ng Kamara.
Sa totoo lang, may dahilan si VP Sara na bantayan si Lopez kasi baka may kumumbinsi rito, na sa next hearing ng House Committee on Good Government and Public Accountability ay tumuga at idiin ang bise presidente sa sinasabing confidential funds scam, na baka mag-ala former PCSO General Manager Royina Garma ito (Lopez), na idiniin si ex-P-Duterte sa extrajudicial killings (EJK) sa bansa sa panahon ng Duterte administration, boom!
XXX
MAGAGALIT TALAGA SI VP SARA KASI DIS-ORAS NG GABI ILILIPAT NG KULUNGAN ANG KANYANG CHIEF OF STAFF -- Umuusok sa galit si VP Sara kina Pres. Bongbong Marcos (PBBM), First Lady Liza Araneta at Speaker Martin Romualdez nang puntahan ng mga miyembro ng Kamara Sergeant-at-Arms at mga pulis ang kanyang COS na si Lopez sa piitan nito sa House detention cell ng dis-oras ng gabi para ilipat na ikulong sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City. Hanggang sa isugod na sa ospital ang chief of staff ng bise presidente.
Magagalit talaga si VP Sara kasi mantakin n’yo, kasarapan ng tulog ni Lopez tapos gigisingin sa dis-oras ng gabi para ilipat ng kulungan, gayong puwede namang gawin ang paglilipat sa umaga, period!
XXX
MAY ALAM SA PAGGAWA NG BATAS ANG DAPAT IBOTO NG MAMAMAYAN, HINDI MGA MAGPAPABIDA LANG SA SENADO -- Karamihan sa mga pumapasok sa top 12 senatorial survey ng anumang survey firm ay ilang kilalang personalidad na wala namang alam sa paggawa ng batas.
Sa totoo lang, diyan nagkakaloko-loko ang bansa, na ang ibinoboto ng majority Pinoy ay mga sikat, pero walang alam sa paggawa ng batas.
Dapat isalpak ng majority Pinoy na ang mandato ng senador ay gumawa ng batas para sa kapakanan ng bayan at mamamayan, at hindi para lang magpabida sa Senado, boom!
XXX
PORKE DOLOMITE BEACH PROYEKTO NG DUTERTE ADMIN, HINAYAAN NA LANG NG MARCOS ADMIN MABALIK ITO SA DATING MARUMI -- May mga nag-viral sa social media na video at photo na napakarumi na ang dolomite beach sa Manila Bay sa Maynila.
Mantakin n’yo, nilinis at pinaganda ng Duterte admin ang Manila Bay, ginawa itong dolomite beach para maging pasyalan ng mamamayan, tapos porke proyekto ito ni ex-P-Duterte, sa kadahilanang nagkakabanggaan na ang Duterte at Marcos, hinayaan na lang na mabalik sa dating marumi at dugyot ang pasyalang ito sa baybaying dagat ng Maynila, tsk!