ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | June 13, 2024
KATANUNGAN
Nagmahal pa rin ako kahit na alam kong mali. Nakapag-asawa ako dati ng isang lalaking walang kuwenta, kaya nauwi rin sa hiwalayan ang relasyon namin, ngunit bago matapos ang relasyon namin, nagkaanak kami ng isa.
Heto na naman ako ngayon, umiibig sa isang lalaking may asawa na. Minsan, naaasar at nalilito na rin ako kung ano ba talaga ang susundin ko.
Hindi ko alam kung paano ko pipigilan ang sarili ko na umibig, ang mas masaklap pa sa pamilyadong lalaki pa ako nahulog.
Tutuparin kaya ng kasalukuyan kong boyfriend ang pangako niya na kapag tuluyan na kaming nagsama, iiwan niya na raw ang kanyang pamilya?
Maestro, siya na kaya ang lalaking makakasama ko habambuhay?
KASAGUTAN
“There is always some madness in love. But always, there is also some reason in madness” – ang sabi ng German philosopher na si Friedrich Nietzsche. Palagi tayong naiinlab o nagmamahal, pero minsan kahit alam naman natin na kahangalan ang pakikipagrelasyon, bakit hindi pa rin natin ito iniiwasan?
Tama ang philosopher na si Nietzsche, kaya hindi maiwasan ang makamundo at hangal na pag-ibig, dahil sa mga panahong nagmamahal ang isang tao, pansamantala siyang nababaliw o nagiging hangal. Kumbaga, nawawala ang wisyo at napangingibabawan ng pagnanasang sexual.
Sabi naman ng Spanish philosopher na si Calderon de la Barca, “Cuando amor no es locura, no es amor.” Ibig sabihin, “When love is not madness, it is not love.”
Ganu’n ‘yun! Kaya mahihirapan kang pigilin ang iyong damdamin, sapagkat sa kasalukuyan, malinaw pa sa isang bote ng mineral water, ikaw ay isang hangal, hangal na nagmamahal!
Magkakahiwalay din kayo ng boyfriend mo, ito ang nais sabihin ng nasira na naman at gumuho na ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kung ano ang napala mo sa unang pag-aasawa, ganu’n muli ang mapapala mo sa ikalawang pakikipagrelasyon. Matapos ang saglit at pansamantalang ligaya, hindi matatawaran ang isang balde ng luha ang isasakripisyo mo sa pagkawala ng ikalawang pag-ibig na iniisip mong panghabambuhay na, ‘yun pala ay hindi naman na kinumpirma ng wasak-wasak at hindi magandang Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ito ay tanda na sa minsang lumuha at mabigo, mauulit ang pagiging hangal at tanga sa pagpili ng iibigin ay maaaring hindi mo maiaalis sa iyong ugali, damdamin at isipan.
MGA DAPAT GAWIN
Hindi naman masamang magpakabaliw sa ngalan ng pag-ibig. May mga pagkakataon kasing hindi naman talaga kayang utusan ng tao ang kanyang sarili para pigilin ang nag-aalab na damdamin.
Sabi nga ng British writer na si Alan Watts, “Never pretend to a love which you do not actually feel, for love is not ours to command.”
Habang, ayon sa iyong mga datos, Maricar, ang pag-ibig na umiiral noong unang pag-aasawa ay muling iiral sa ikalawang pakikipagrelasyon. Kung paanong nagkamali ka sa unang pag-aasawa, muli kang magkakamali at luluha sa ikalawang pagkakataon upang sa ikatlong pakikipagrelasyon (ikatlong mas malinaw at matinong Marriage Line, 3-M arrow d.), matututo ka nang umibig sa tamang panahon at nilalang.
Sa sandaling ‘yun, sa larangan ng pag-ibig ay magtatagumpay ka na hanggang sa masasabi mo sa iyong sariling, “I’ve learned my lesson and I will love again!”