ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | July 7, 2024
KATANUNGAN
Magulo ang isip ko ngayon tungkol sa sitwasyon namin ng asawa ko. Babalik pa ba ang mister ko kahit may iba na siyang babaeng kinakasama?
Nais ko ring malaman, mahal niya pa kaya ako? March 8, 1990 ang birthday ko at July 17, 1984 naman ang mister ko.
KASAGUTAN
Tugma at compatible ang zodiac sign mong Pisces sa zodiac sign na Cancer ng mister mo, dahil kapwa kayo nagtataglay ng elementong water o tubig, tunay ngang kapwa naman strong number ang birth date mong 8 at nagkataong birth date na 17 o 8 ng mister mo, (ang 17 ay 1+7=8).
Ibig sabihin, kung sakali man muli kayong magkasundo at magkabalikan, hindi natin maiaalis na darating at darating pa rin ang panahon na maaari na naman siyang mambabae, dahil ganu’n talaga ang naturalesa ng mga Taong Otso (8).
Ibig sabihin, babaero talaga ang mister mo na kinumpirma at pinatunayan ng destiny number mong 3 (3+8+1990=2001/ 20+01=21/ 2+1=3) at pinatunayan din ng isa, pero hindi naman masyadong makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin kung ganyan nga talaga ang iyong Marriage Line (1-M arrow a.) hindi gaanong malinaw at hindi rin gaanong makapal, ito ay nangangahulugang dadaan lang sa buhay mo ang salita at karanasang pag-aasawa pero hindi ito ganap narerehistro sa buhay at kapalaran mo. Tulad ngayon, pinakasalan ka nga ng asawa mo, pero nambabae naman siya, at ang kerida niya ang pinili niyang makasama.
Hinggil naman sa itinatanong mo kung mahal ka pa rin ba niya, sa katunayan, ngayon ko lang ito ibubunyag, ang mga Taong Otso (silang naiimpluwensiyahan ng numerong 8, 17 at 26), hindi naman sila tunay o totoong nagmamahal. Sa halip, halimbawa ay ikinasal kayo ngayon, dahil kakakasal n’yo lang ay mahal ka niya. Gayundin, niligawan ka niya ngayon, mahal na mahal ka niya at feeling n’yo lang ‘yun. At kaya mo naman siya sinagot ay dahil sa kasalukuyan ay mahal na mahal ka niya.
Pero ang totoo nito, kapag magkarelasyon na kayo, ‘ika nga ay nairaos na ‘yung “intense feeling” o matinding silakbo ng pagnanasa at pagkatakam, parang pagkain ang kadalasang nangyayari sa pag-ibig at pakikipagrelasyon sa isang Taong Otso. Sa bandang huli, magsasawa rin siya at hindi ko naman sinasabing mambababae o manlalalaki siya agad, sa halip ay nabawasan na ‘yung dating sobra-sobra at nag-uumapaw na pagmamahal at iko-convert niya sa ibang outlet ang energy o libido ng pag-ibig o intense feeling.
Yung ibang Taong Otso ay kadalasan, sa negosyo at pagpapayaman ikino-convert ang energy ng love sa kanilang kapareha, kaya naman siya ay mabilis na yumayaman. At mapapansin mo talaga na mas mahal pa niya ang negosyo kaysa sa kanyang pamilya. May mga Taong Otso rin na kapag medyo matanda na at hindi naman yumaman, ikino-convert nila ang pagmamahal sa relihiyon, kaya sila ay nagiging layko o mga taong simbahan na madaling-araw pa lang ay makikita mong katulong na ng pari. Gayundin, may mga Taong Otso na ikino-convert ang libido sa paglilingkod sa bayan at sa pamumulitika. At may mga Taong Otso na sa bisyo at kalokohan na iko-convert ang pagmamahal sa asawa na unti-unti na ngang humupa at nawala. Ang masaklap, may mga Taong Otso rin na kapag humupa na ang intense emotion nila sa kanilang “love object”, direkta nilang inililipat ang libido at pagnanasa sa ibang love object, kaya naman siya ay hindi yumayaman, hindi rin nagugumon sa gawaing panrelihiyon, pero nahuhulog sa marami at iba’t ibang uri ng extra marital affairs.
DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mag datos, Bea, bagama’t hindi ka naman totally iiwanan ng iyong asawa, ang ikinaganda nito ay maganda ang kabuuang hilatsa at mga guhit sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, kung mapapaganda mo lang ang iyong lagda na ituturo ko na lang sa iyo sa susunod na mga araw, tiyak ang magaganap, anuman ang katayuan at kalagayan mo sa buhay, kahit sabihin pang nambabae at bihira sa tabi mo ang iyong asawa, sa sarili mong diskarte at pagsisikap, magagawa mo pa ring mapaunlad ang sarili mong kabuhayan. Gayundin, magagawa mo ring mapaligaya ang sarili mong pamilya habambuhay at maaari ka pa ngang makapagnegosyo at yumaman kahit iwanan ka pa ng iyong mister, na magsisimulang mangyari at matupad sa 2029 sa edad mong 39 pataas.