top of page
Search

ni Chit Luna @News | Apr. 3, 2025


Photo File: 15 Year Anniversary ng Framework Convention on Tobacco Control ng World Health Organization celebration event sa Geneva Switzerland (5 March 2020.) Image Credit: Secretariat of the WHO FCTC


Hangad ng mga grupo ng mga konsyumer at eksperto sa harm reduction na makasama sa talakayan ng Framework Convention on Tobacco Control ng World Health Organization.


Sa ulat na “Rethinking Tobacco Control: 20 Harm-Reduction Lessons the FCTC Should Take Note Of,” sinabi ng World Vapers Alliance (WVA) na dapat isama ng WHO-FCTC ang civil society sa talakayan dahil makakapagbigay sila ng mahalagang karanasan at pananaw matapos ang 20 taon ng mabagal na pag-usad ng tobacco control.


Ang kanilang paglahok ay maaaring humantong sa mas epektibo at nakabatay sa ebidensya na mga estratehiya para mabawasan ang pinsalang nauugnay sa paninigarilyo at mapabuti ang pampublikong kalusugan, ayon sa WVA.


Sinabi ng WVA na dapat igalang ng WHO-FCTC ang karapatan ng nasa hustong gulang na pumili ng mas mainam na produkto para sa kanila.


Nais ng mga naninigarilyo at dating naninigarilyo na tratuhin bilang may kakayahang nasa hustong gulang na gumawa ng tamang pagpapasya, ayon sa WVA. Ang mga patakaran na gumagalang sa indibidwal na awtonomiya habang nagbibigay ng tumpak na impormasyon ay mas malamang na magtagumpay, dagdag nito.


Sinabi ng ulat na napakahalagang pagnilayan ang nagbabagong tanawin ng industriya ng tabako. Sinabi nito na dapat matanto ng WHO-FCTC na ang pagbabawal ay hindi epektibo. Binanggit nito ang kaso ng Australia, kung saan ang mahigpit na regulasyon sa vaping ay humantong sa isang malawak na black market at patuloy na pagtaas ng antas ng paninigarilyo.


Ayon sa WVA, ang pagtanggap sa harm reduction ay mas epektibo kaysa sa pagbabawal.

Sinuportahan ng Consumer Choice Philippines ang ulat, na nagsasabing may mga bagong teknolohiyang lumitaw para magbigay sa mga naninigarilyo ng mas mahusay na alternatibo sa mga sigarilyo.


Dapat dinggin ang mga mamimili at dapat igalang ng WHO-FCTC ang kanilang karapatan na magkaroon ng access sa mga produktong walang usok na nakakabawas sa kanilang pagkakalantad sa mga nakakapinsalang sangkap, ayon kay Adolph Ilas, chairman ng Consumer Choice Philippines.


Hindi nikotina ang problema, kundi ang usok mula sa mga produktong tabako na naglalaman ng mga nakakalason, sabi ni Ilas.


Binanggit din ng WVA ang tagumpay ng pagbabawas ng pinsala sa Sweden kung saan ang paggamit ng snus, nicotine pouch at vaping ay nagpababa sa antas ng paninigarilyo sa 5.6 porsiyento, kumpara sa average ng EU na 24 porsiyento.


Hiniling din ng WVA sa mga gumagawa ng patakaran na isaalang-alang ang buong spectrum ng mga devices sa pagbabawas ng pinsala, kabilang ang vaping na may iba't ibang lasa at nicotine pouch para mabigyan ang mga naninigarilyo ng posibleng pinakamahusay na pagkakataong huminto.


Maaaring mapabilis ang pagbaba ng antas ng paninigarilyo at makabuluhang bawasan ang pasanin ng mga sakit na nauugnay sa paninigarilyo, ayon dito.


Binanggit din ng WVA ang mga benepisyong pang-ekonomiya ng mga diskarte sa pagbabawas ng pinsala.


Ang mga alternatibong produkto ng nikotina ay maaaring gumanap ng isang kritikal na papel sa pagbabawas ng napakalaking pasanin sa kalusugan na dulot ng paninigarilyo.


Ang mga dating naninigarilyo na lumipat sa mga produktong pampabawas sa pinsala gaya ng e-cigarette, heated tobacco at nicotine pouch ay nakaranas ng mas magandang pakiramdam tulad ng paghinga, amoy, panlasa at pangkalahatang kalusugan, ayon sa ulat ng WVA.

Sinabi ng WVA na habang ang layunin na bawasan at tuluyang puksain ang paninigarilyo ay kapuri-puri, ang lipas at dogmatikong diskarte ng WHO FCTC sa pagkontrol sa tabako ay naging isang malaking balakid sa pag-unlad ng pampublikong kalusugan.


Hinimok ng WVA ang WHO-FCTC na isaalang-alang ang mga karanasang ito at isama ang harm reduction sa patakaran nito sa susunod na dekada.

 
 

ni BRT @Overseas News | Mar. 29, 2025



File Photo: Magnitude 7.7 earthquake sa Myanmar na umabot sa Thailand - Lillian Suwanrumpha / AFP


Isang malakas na lindol ang yumanig sa central Myanmar kahapon, Marso 28.

Ayon sa United States Geological Survey (USGS), naitala ang magnitude 7.7 na lindol na may lalim na 10 km (6.2 miles) at nasundan pa ng mga malalakas na aftershock.


Na-trace ang epicenter ng pagyanig 17.2 kilometro mula sa Lungsod ng Mandalay, ang ikalawang malaking lugar sa Myanmar na may populasyon na 1.5 milyon.


Sa social media posts ng Mandalay, Myanmar, nag-collapse ang mga gusali at nagbagsakan ang mga debris sa ancient royal capital ng bansa.


Nasira rin sa pagyanig ang mga kalsada sa kabisera ng Naypyidaw, mga gusali, at nagdulot ng paglabas ng mga tao sa kalye sa kalapit na bansang Thailand.


Gumuho rin ang isang itinatayong gusali sa Bangkok, Thailand.


Wala pa namang opisyal na ulat ukol sa mga nasawi, nasugatan at laki ng pinsala.


 
 

ni Chit Luna @News | Mar. 21, 2025




Nanawagan ang ilang grupo sa World Health Organization (WHO) na pag-isipang maigi ang pagdaraos ng magastos na 11th Conference of the Parties (COP11) sa Framework Convention on Tobacco Control (FCTC) sa harap ng lumiliit na pondo ng organisasyon bunsod ng pag-alis ng Amerika.


Ayon sa mga tagapagtaguyod ng pagbabawas ng pinsala kabilang ang Coalition of Asia Pacific Tobacco Harm Reduction Advocates (CAPHRA), dapat idirekta ng WHO ang pondo nito mula sa mahal na pagpupulong sa Geneva sa Nobyembre 2025 tungo sa matitinding krisis sa kalusugan ng mundo imbes na ang patuloy na pag-atake sa tobacco harm reduction.


Binanggit nila ang pag-asa ng WHO sa pribadong tagapondo tulad ng Bloomberg Philanthropies na nakaapekto sa pagbabago ng focus ng organisasyon.


Sinabi nila na ang pagtutok ng WHO sa tobacco control ay inilihis ang mga pondo mula sa mandato nito para itaguyod ang kalusugan at kaligtasan at tulungan ang mga mahihirap.


Ang COP11, na naka-iskedyul para sa Nob. 17 hanggang 22, 2025 sa Geneva International Conference Center sa Switzerland, ay inaasahang gagastos ng milyun-milyong dolyar.


Umalis ang United States sa pagiging miyembro ng WHO, dahil sa umano’s maling paghawak ng organisasyon sa pandemya ng COVID-19 na nagmula sa Wuhan, China, at iba pang mga pandaigdigang krisis sa kalusugan, ang kabiguan nitong magpatibay ng mga reporma at ang kawalan nito ng kakayahang magpakita ng kalayaan mula sa pulitika.


Nahaharap ngayon ang WHO sa problemang pinansiyal kasunod ng pag-alis ng US, samantalang ang iba pang mga donor ay nagbawas ng kontribusyon.


Nangangamba ang ilan na gagamitin ng mga pribadong donor tulad ng Bloomberg Philanthropies ang pagkakataong ito para palakasin ang impluwensya nila sa WHO.


Binanggit din ng mga kritiko ang paninindigan ng FCTC laban sa harm reduction sa kabila ng makabuluhang siyentipikong ebidensya na sumusuporta sa hindi gaanong nakakapinsalang mga alternatibong nikotina.


Inakusahan nila ang FCTC ng kawalan ng transparency, na lalong sumira sa tiwala ng mga miyembrong bansa.


Kinuwestiyon din ng mga harm reduction advocates ang kakayahan ng FCTC na manguna sa pandaigdigang summit sa nikotina. Nanawagan sila sa mga partido sa FCTC na magbantay laban sa mga kontra-siyentipikong pamamaraan na maaaring isulong anila ng WHO FCTC.


Sa Pilipinas, nagsagawa ng pagdinig ang House Committee on Good Government and Public Accountability noong 2021 sa regulasyon ng mga e-cigarette at heated tobacco products at nalaman na ang Food and Drug Administration ay tumanggap ng mga gawad mula sa Bloomberg Philanthropies para suportahan ang pagbuo ng patakaran.


Ang pagsisiyasat ay umabot sa WHO FCTC, na nahaharap sa katulad na kritisismo hinggil sa impluwensyang pampulitika ng mga grupong may interes at panghihimasok sa mga lokal na patakaran ng Pilipinas, India, Pakistan at Vietnam.


Ang pag-alis ng US ay nag-udyok din sa mga bansa kabilang ang Italy, Argentina at Hungary na muling isaalang-alang ang kanilang kaugnayan sa WHO.


Sinasabi ng mga kritiko na ang mga isyung ito ay nagpapahina sa kakayahan ng WHO na pamahalaan ang mga pandaigdigang krisis sa kalusugan.


Kasunod ng pag-alis ng US, ang WHO ay lalong umaasa sa pribadong sponsor, partikular ang Bloomberg Philanthropies, na umani ng batikos mula sa mga bansa kabilang ang Pilipinas dahil sa diumano'y pakikialam ng huli sa lokal na patakaran.


Sinabi ni dating Rep. Jericho Nograles na sinubukan ng mga dayuhang pribadong organisasyon na impluwensyahan ang mga patakaran ng Pilipinas sa pamamagitan ng paggawad ng pondo sa mga ahensya ng gobyerno, na tinawag niyang "isang pag-atake" sa soberanya ng bansa.


Ayon kay Nograles, ang malaking tanong ay pinapayagan ba ang mga ahensya ng gobyerno na maimpluwensyahan ng pera na nagmumula sa mga dayuhang pribadong organisasyon. Dagdag ni Nograles, ito ay isang paglabag sa konstitusyon at pag-atake sa soberanya ng Republika ng Pilipinas.


Sinabi naman ng mga harm reduction advocates na ang mga bansang tulad ng Pilipinas ay nahaharap sa maraming isyung pangkalusugan ng publiko, ngunit ang WHO ay nag-iimpok ng pondo para idaos ang magastos na summit sa tobacco control.


Pinuna rin nila ang WHO at ang WHO FCTC sa pagbabalewala ng siyentipikong ebidensya pabor sa mga pribadong taga-pondo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page