ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | Nov. 24, 2024
Matapos ang ilang linggo, natapos na rin ang Senate deliberations para sa panukalang budget ng ating bansa para sa taong 2025.
Ilang araw din tayong nagpuyat para busisiin at suriing maigi ang panukalang budget ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Ilan sa mga mahalagang bagay na natalakay ay ang matinding pangangailangan para palawigin pa ang mga programa sa sektor ng kalusugan, imprastraktura, at pabahay.
☻☻☻
At dahil tapos na nga ang debate sa Senado, susunod na gagawin ang bicameral conference committee kasama ang House of Representatives.
Dito, pag-uusapan maigi at pilit pagtutugmain ang mga bersyon ng budget ng Senado at Kamara.
Mahalagang hakbang ito dahil may mga tinanggal ang Senado sa ipinasang batas ng Kamara.
Dito natin makikita kung papaano ipagtatanggol ng Senado at Kamara ang kanilang mga posisyon at kung ano nga ba talaga ang para sa ikabubuti ng ating bansa.
☻☻☻
On a personal note, may halong konting lungkot ang ating saya nang maipasa na ang 2025 budget nitong nakaraang linggo.
Ito na kasi ang huling budget deliberations ng inyong lingkod dahil graduate na tayo sa Senado sa 2025.
Kaya naman nais kong ipaabot ang aking pasasalamat sa aking mga seatmate sa Senado sa walang sawang inaalay ang kanilang oras at talento para sa bayan.
Makakaasa kayo na hanggang sa huling sandali ay tututukan natin ang budget ng bayan para masiguro na ang bawat piso ay gagamitin sa pagpapaunlad ng ating bansa at pagpapaganda ng buhay ng ating mga kababayan.
☻☻☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice!
FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay