ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Nov. 24, 2024
Isang buwan pa subalit abala na ang lahat dahil malapit na malapit na ang Pasko. Ganoon na lang kahalaga ang Pasko sa ating mga Pinoy na kahit Setyembre pa lamang ay naghahanda na para sa nasabing pagdiriwang. Sana lang nga ay tama at maayos ang ginagawang paghahanda at selebrasyon natin nito.
At sa Pista ni Kristong Hari ngayong Linggo, ipinagdiriwang natin ang pinakahuling Linggo ng taon, at iaalay natin sa Kanya ang papuri at pasasalamat, sa katapusan ng buong taong liturhiko. Tunay na si Kristo ang simula at katapusan ng lahat. Siya nga ang alpha at omega! Ito ang isa sa pinakamahalagang bahagi ng paghahanda.
Sa araw na ito, Pista ni Kristong Hari ng Lahat ay kailangang tingnan ang hantungan at katapusan ng lahat. Magtatapos na ang buong taon ng kalendaryong liturhiko na nagsimula sa unang Linggo ng adbiyento noong isang taon.
Ngayong Pista ni Kristong Hari ang huling Linggo ng taon at huling araw ng patapos na taong liturhiko 2023-2024.
Sa isang linggo, unang Linggo ng adbiyento ay ang unang araw ng bagong taong liturhiko 2024-2025. Hindi pansin ng marami ang pag-inog ng pagtatapos at pagsisimula. Magkahalong lungkot at pasasalamat ang diwa ng araw na ito. Napakaraming nangyari sa patapos na taon. Napakaraming masaya’t malungkot na kaganapan.
Sari-saring sakuna, natural at pulitikal ang bumayo sa abang mamamayan at bansa. Mula kay Bagyong Carina noong Hulyo hanggang kay “Pepito” ngayong Nobyembre na lumikha ng napakalaking pinsala sa Sta. Ana Cagayan, maraming bahagi ng Isabela, Bicol, Batangas, Catanduanes at Batanes.
Mula kay ex-Mayor Alice Guo hanggang kay Pastor Apollo Quiboloy, VP Sara Duterte at Royina Garma, na ngayon ay mismong si ex-President Rodrigo Duterte ang lumalabas na mga isyu.
Malinaw sa sakuna ng kalikasan ang katapusan ng mga bundok, lawa, batis, ilog at dagat. Malinaw din ang katapusan ng mga hayop, mga ibon at isda. Ngunit tila hindi natin makita na kasama at hindi tayo mahihiwalay sa lahat ng may katapusan. Kay daming namatay sa mga nagdaang bagyo, mga natabunan sa gumuhong lupa, mga nalunod sa biglang pagtaas at rumaragasang tubig.
Marahil, dumadahilan ang marami na buhay pa. Malas lang siguro sila. Suwerte naman kami. Ngunit hanggang kailan at gaano katagal ang ating suwerte?
Lumabas na ang arrest warrant ng International Criminal Court laban kay Prime Minister Benjamin Netanyahu ng Israel at kay Yoav Gallant, ang kanyang dating Defense minister para sa crimes against humanity sa patuloy na pagtugis ng Israel sa Hamas sa Gaza Strip na bumuwis na ng mahigit 44,000 Palestino at 1,139 Israeli.
Naglabas din ng warrant of arrest laban kay Mohammed Deif, lider ng Hamas dahil sa isinagawa nitong pag-atake sa Israel noong Oktubre 7, 2023 (sa Nova Music Festival, Southern Israel) na maraming Israeli ang namatay.
Hinihintay na lang ng marami na mangyari rin ito laban sa mga sangkot sa madugong giyera laban sa droga ng nakaraang administrasyon. Anuman ang mangyari, makulong man o hindi ang mga kinasuhan at pinahuli, mahalagang makita nila ang katapusan ng kapangyarihan. ‘Ika nga, “walang forever para sa lahat ng bagay!”
Hanggang kailan nasa kapangyarihan sina Russian Pres. Vladimir Putin o Pres. Xi Jinping ng China? Hanggang kailan si US President-elect Donald Trump o si Pres. Bongbong Marcos magtatapos sa kapangyarihan?
Ngunit hindi ito kinikilala ng mga dambuhalang billboard ng mga kandidatong trapo na nakabalandra sa gitna, gilid, itaas ng EDSA, NLEX, SLEX at sa lahat ng mga kalye.
Naglalakihang pinotoshop at niretokeng mga mukha ng mga trapo ang, “in da face!” na bumubungad sa atin araw-araw sa ayaw at gusto natin. Iisa lang ang sinasabi ng mga ito, “Nandito kami! Iboboto ninyo kami! Hindi ba ninyo nakikita, forever kami!”
At ito rin ang gagastusan ng marami para sa darating na halalan 2025. “Tatakbo muli kami at titiyakin naming mananalo muli kami. At alam na namin kung paano laging manalo dahil susi ang halalan para sa aming pananatili!” Ito ang nagsisilbing ilusyon ng mga hari at reyna ng mundo.
Kay hirap talagang tanggapin ang katapusan. Kay hirap tanggapin ang ating kaliitan, ang ating pagiging hamak at wala.
“Christus vincit. Christus regnat. Christus, Christus imperat!” Si Kristo ang magtatagumpay. Si Kristo ang maghahari sa lahat!
Minsan sa isang taon, sa huling Linggo bago mag-unang Linggo ng adbiyento, pinaaalalahanan tayo na ang lahat ay may katapusan at matatapos kay Kristo ang haring nagtagumpay maski na sa kamatayan. Si Kristong Hari na walang katapusan!