ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Dec. 1, 2024
Kamakailan lamang ay naibalita sa telebisyon at social media ang isang kaganapan sa isang lugar sa Pasig City kung saan ang naging usapin ay ang ginawang bullying ng isang binatilyo laban sa kapwa nito binatilyo.
Inireklamo ng ina ng nasabing biktima sa mga kinauukulan ang ginawang bullying sa kanyang anak. Malimit na mayroong pambubulas (bullying) sa mga eskwelahan, lalo na sa elementarya at sekondarya. Ito kasi ang edad kung saan may mga bata na nalilihis sa kagandahang asal dulot na rin ng impluwensya ng kanilang kapaligiran at ng pamayanang kanilang ginagalawan. Ang anumang hindi kanais-nais na pisikal na pakikipag-ugnayan sa pagitan ng bully at biktima tulad ng pagsuntok, pagtulak, pagsipa, sampal, kiliti, headlock, panunukso sa paaralan, pakikipag-away at paggamit ng mga bagay bilang sandata ay itinuturing na uri ng bullying.
Para sa kaalaman ng lahat, upang maiwasan ang paglaganap ng bullying sa loob ng eskwelahan ay gumawa ang Kongreso ng isang batas ukol sa bullying. Ito ay ang Republic Act (R.A.) No. 10627 na pinamagatang “Anti-Bullying Act of 2013”. Mahalaga na malaman ng bawat biktima na sila ay mayroong mga karapatan na itinalaga ng batas laban sa mga taong sa kanila ay nang-aabala.
Ayon sa Seksyon 2 ng R.A. No. 10627, ang mga sumusunod ay tinataguriang akto ng bullying:
“Sec.2. Acts of Bullying. – For purposes of this Act, “bullying” shall refer to any severe or repeated use by one or more students of a written, verbal or electronic expression, or a physical act or gesture, or any combination thereof, directed at another student that has the effect of actually causing or placing the latter in reasonable fear of physical or emotional har m or damage to his property; creating a hostile environment at school for the other student; infringing on the rights of the other student at school; or materially and substantially disrupting the education process or the orderly operation of a school; such as, but not limited to, the following:
a. Any unwanted physical contact between the bully and the victim like punching, pushing, shoving, kicking, slapping, tickling, headlocks, inflicting school pranks, teasing, fighting and the use of available objects as weapons;
b. Any act that causes damage to a victim’s psyche and/or emotional well-being;
c. Any slanderous statement or accusation that causes the victim undue emotional distress like directing foul language or profanity at the target, name-calling, tormenting and commenting negatively on victim’s looks, clothes and body; and
d. Cyber-bullying or any bullying done through the use of technology or any electronic means.”
Ang mga nasabing akto ng pambubulas o pang-aasar ay hindi pinapayagan dahil na rin sa dulot nitong epekto sa mga batang mag-aaral. Upang hindi magkaroon ng bullying sa loob ng paaralan ay inaatasan ng batas ang mga eskwelahan na gumawa at magpatupad ng mga polisiya kung saan ang problema ng pambubulas o bullying ay dapat mabigyan ng kaukulang pansin at solusyon. Maiging mabigyan ng administratibong aksyon at karampatang disiplina ang mga batang sangkot sa pambubulas upang hindi na nila ulitin pa ang maling gawain sa kanilang mga kamag-aral.
Bukod dito ay inaatasan din ang mga paaralan na magsagawa ng counseling para sa mga batang mag-aaral na biktima ng bullying, pati na rin ang kanilang mga magulang.
Ang lahat ng eskwelahan ay kinakailangang magbigay sa kanilang mga mag-aaral ng kopya ng kanilang polisiya ukol sa anti-bullying. Ang mga polisiyang ito ay isasama sa handbook ng mga mag-aaral at ipapaskil sa mga kitang lugar ng eskwelahan, maging sa kanilang website.
Sa kabila ng lahat ng ito, dapat malaman ng bawat mamamayan ang kahalagahan ng counseling para sa isang bata na dumaan sa trauma ng pambubulas. Ganoon din, dapat mabigyan ng tamang atensyon ang batang nambubulas upang sa gayon ay mapaintindi sa kanya na ang kanyang kapwa mag-aaral ay mayroon ding karapatan na katulad ng sa kanya at marapat na ito ay kanyang respetuhin.