ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Dec. 2, 2024
PBBM, TATABLAHIN NG KAMARA SA ISYUNG IMPEACHMENT KAY VP SARA -- Tila tatablahin ng Kamara ang pakiusap ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na huwag i-impeach si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio.
Mismong si House Deputy Majority Leader, La Union Rep. Paolo Ortega V na kasi ang nagsabi na sakaling may mag-file ng impeachment case laban kay VP Sara na may kaugnayan sa pagbabanta sa buhay ng Presidente, First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Martin Romualdez ay wala raw silang magagawa kundi sundin ang nakasaad sa Konstitusyon na ito ay tanggapin at dinggin ng Kamara kung may basehan na dapat siyang i-impeach o hindi, period!
XXX
‘DI MAN AMININ, PERO MALAMANG TULIRO NA ANG UTAK NI VP SARA DAHIL INIIMBESTIGAHAN NA NG QUADCOMM, TATALUPAN PA NG NBI AT CIDG -- Bukod sa National Bureau of Investigation (NBI), magsasagawa rin ng imbestigasyon ang Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) tungkol sa ginawang pagbabanta umano ni VP Sara sa buhay nina PBBM, FL Liza at Speaker Romualdez.
Hindi man aminin ay tiyak tuliro na ang utak ni VP Sara kasi iniimbestigahan na siya ng Quad Committee ng Kamara patungkol sa kinasasangkutan niyang confidential funds scam, tapos tatalupan din siya ng NBI at CIDG sa ‘pagbabanta’ sa buhay nina PBBM, FL Liza at Speaker Romualdez, boom!
XXX
BAD SA PANINGIN NG MUNDO NA ITURING NA TERORISTA ANG BISE PRESIDENTE NG ‘PINAS -- Nilinaw ni Usec. Jesse Andres ng Dept. of Justice (DOJ) na hindi nila itinuturing na terorista si VP Sara tulad ng paniwala ng bise presidente na sasampahan siya ng kasong may kaugnayan sa Anti-Terror Law patungkol sa pagbabanta umano niya sa buhay nina PBBM, FL Liza at Speaker Romualdez.
Mabuti naman nilinaw na agad iyan ni Usec. Andres kasi kung hindi nabigyang-linaw ay dagdag-kasiraan ‘yan sa mundo, na ang bise presidente ng ‘Pinas ay itinuturing na terorista ng DOJ, period!
XXX
33 YEARS NA PO ANG BULGAR -- Ngayong araw, Dec. 2, 2024 ay ika-33 taong anibersaryo ng pahayagang BULGAR.
Sa lahat ng mga kababayang patuloy na tumatangkilik, at maging sa BULGAR online, umasa kayo na mas lalo pa naming huhusayan ang paghahatid ng balita at serbisyo sa inyo, maraming-maraming salamat po!