ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Nov. 20, 2024
WALANG EPEKTO KAY VP SARA ANG MGA ATAKE NG QUADCOMM DAHIL SA SURVEY FRONT-RUNNER PA RIN SIYA SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION -- Sa inilabas na survey ng WR Numero Research Firm ay nagtabla sina Vice President Sara Duterte-Carpio at Sen. Raffy Tulfo sa iskor na 24% para sa 2028 presidential election.
Ibig sabihin niyan, walang epekto sa popularidad ni VP Sara ang mga atake sa kanya ng mga Quad Committee member kasi kung susuriin kahit nag-tie sila ni Sen. Tulfo sa iskor ay mataas pa rin ang nakuha niyang rating na nangangahulugan na front-runner pa rin siya sa 2028 election, period!
XXX
RATING NI SPEAKER ROMUALDEZ 1% LANG, KAYA ‘SUNTOK SA BUWAN’ NA MAGING PRESIDENTE SIYA SA 2028 ELECTION -- Ito ang kabuuan ng mga pangalan na nasa 2028 presidential survey ng WR Numero Research Firm, tabla sa 24% sina VP Sara at Sen. Tulfo, 9% si former VP Leni Robredo, 5% si Sen. Grace Poe, 5% si Sen. Imee Marcos, 4% si Sen. Risa Hontiveros, 4% si former Sen. Manny Pacquiao, 3% si Sen. Robin Padilla at 1% si Speaker Martin Romualdez.
Sa mga pangalang ito, si Speaker Romualdez ang posibleng “manukin” ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa 2028 presidential election, at kung ang magiging resulta ng survey bago sumapit ang pampanguluhang halalan ay laging ganito ang iskor na makukuha niya (Speaker Romualdez), ay “suntok sa buwan” na maging presidente ang ‘manok’ ni PBBM, boom!
XXX
OA ANG ALOK NA P1M NG QUADCOMM SA MAKAPAGTUTURO KAY ‘MARY GRACE PIATTOS’ -- Nag-alok ang mga miyembro ng QuadComm ng Kamara ng reward na P1 million sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng nagngangalang “Mary Grace Piattos” na ayon daw sa isinumiteng resibo ng Office of the Vice President (OVP) sa Commission on Audit (COA), ay kabilang daw ito (Mary Grace Piattos) sa nakatanggap ng confidential fund ni VP Sara.
Napaka-OA (overacting) naman ng QuadComm kasi may kapangyarihan naman silang alamin sa Philippine Statistics Authority (PSA) kung may ganyang pangalang nakarehistro sa kanilang tanggapan at hindi na kailangan umepal pa at mag-alok ng P1 milyong pabuya patungkol sa impormasyon ng kinaroroonan ng hinahanap nilang “Mary Grace Piattos,” period!
XXX
EX-P-DUTERTE, TUTULUYAN NG MARCOS ADMIN SA MGA KASONG MAY KINALAMAN SA EJK -- Matapos irekomenda ni QuadComm member, Batangas 2nd Dist. Rep. Jinky Luistro na sampahan ng mga kasong kriminal si ex-P-Duterte, ay kinumpirma na ni Sec. Boying Remulla ng Dept. of Justice (DOJ) na iniimbestigahan na ng DOJ-Task Force ang mga tila naging paglabag ni ex-P-Duterte sa International
Humanitarian Law na may kaugnayan sa extrajudicial killings (EJK) sa panahon ng Duterte administration.
Ibig sabihin niyan, talagang tutuluyan ng Marcos admin si ex-P-Duterte na masampahan ng kasong may kinalaman sa EJK, tsk!