ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 7, 2024
Tatlong impeachment ang nasaksihan at nalahukan natin. Mula sa impeachment complaint kay dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada hanggang ang tangkang i-impeach si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at itong impeachment case ni VP Sara Duterte.
Hindi man tayo miyembro ng Kamara o Senado, halos natutunan na natin ang proseso ng sensitibong tungkulin ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Mula paghahain ng impeachment complaint, mula sa mga karaniwang mamamayan, na hindi lang isa kundi dalawa at higit pa, hanggang sa pagboto at pagpasa nito sa Kongreso, hanggang sa pagpapadala ng mga ‘articles of impeachment’ sa Senado ay madugong proseso ito na pagdedebatehan ng dalawa o mahigit pang pangkat.
Mapapanood at maririnig ang mga argumento ng iba’t ibang panig para at laban sa impeachment.
Batikos ng marami, walang kuwentang pulitika ito at pag-aaksaya ng panahon. Ngunit, napakaraming matututunan dahil lalabas ang mga legal at ilegal na gawain ng nasasakdal. Matututunan ang batas at ang pag-abuso, pagbaluktot dito. Makikita at malalaman ang napakapangit na sabwatan ng mga nasa puwesto para makuha nila ang kanilang gusto, mula pera hanggang posisyon na siyang mga sangkap ng marumi at maling pamamahala.
Natanggal si Erap o sumuko si Erap noong nagsimula siyang litisin ng Senado matapos na pagdebatehan at pagbotohan ng Kongreso ang impeachment complaint laban sa kanya. Nasaksihan natin ang ilang sesyon sa Kamara at Senado, at naroroon din tayo sa EDSA Shrine noong araw na naganap ang “withdrawal of support” o pagbawi ng suporta ng mga sundalo at pulis sa pamumuno ni Gen. Angelo Reyes.
Sa pagbawi ng suporta ng military at kapulisan, napilitang bumaba at magbitiw sa posisyon ni Erap at pumalit naman si Vice President Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa loob ng tatlo hanggang siyam na taong panunungkulan ni Pangulong GMA, naroroon tayong nagmamasid at nag-aaral ng may kritikal na mata sa panunungkulan ni PGMA.
Malinaw kung paano ginamit ng pangulo sa loob ng siyam na taon ang kanyang kapangyarihan para sa kanyang ‘interes’ at ng pamilya. Humantong ang mahabang panahon ng pagbabantay kay GMA sa isang mahalagang pagpupulong ng mga Obispong Katoliko noong Hulyo 6, 2005.
Noong Hulyo 8, 2005, naunang kumilos ang 10 miyembro ng gabinete ni GMA na nagpulong sa Hyatt Hotel upang ilabas ang kanilang pahayag ng pagbawi ng suporta at tiwala sa kanya. Ito ang dahilan kung bakit sila’y tinawag na Hyatt 10. Makaraan ang dalawang araw, Hulyo 10, tayo naman ang nagsagawa ng pagkilos sa People Power Monument sa EDSA. Nagdaos tayo ng “indefinite hunger strike” na humihinging mag-resign si GMA sa People Power Monument.
Mula umaga hanggang hapon, hiningi ko sa mga Obispong Katoliko na pagresaynin si GMA. Samantalang nagsimula tayo ng Black Fast o ang hindi pagkain at pag-inom sa loob ng 24 na oras, hinintay natin ang pahayag ng mga Obispong Katoliko hinggil sa kanilang pasya tungkol kay GMA. Nakadidismaya ang kanilang inilabas na pahayag, pagkaraan ng napakahabang paliwanag: “We are not asking her to resign!”
Dahil doon, tumagal tayo ng 44 na araw na hindi kumakain ng anumang solidong pagkain, ngunit umiinom naman. Nangayayat tayo at nawalan ng 30 pounds. Pagdating palang ng ika-40 araw ng “hunger strike” marami nang pumigil at nagtangkang patigilin tayo. Una sa mga ito ang sarili nating ina na nagsabi, “Anak tumigil ka na, hanggang 40 araw lang nag-ayuno si Kristo, hindi ka si Kristo!”
Tama naman ang aking ina ngunit, medyo may lakas pa ako at matindi pa rin ang galit at pagkadismaya ng marami sa naging desisyon ng Obispong Katoliko. Kaya’t tumagal pa ng apat na araw ang “hunger strike.” At tumagal ng mahigit 100 araw hanggang Disyembre 2005 ang pananatili ng tatlong kubol sa People Power Monument, na nakilalang Kubol ng Pag-asa.
Nagtagumpay ba tayo? Opo, hindi sa paraang inaasahan na pagpapatalsik kay PGMA. Tumagal pa hanggang katapusan ng kanyang termino si PGMA. Natalo ba ang liwanag ng kadiliman, ng kasamaan ang kabutihan? Hindi, dahil hindi tayo tumigil noon hanggang ngayon. Lumaban ang marami sa nangyaring karahasan sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at hanggang ngayon lumalaban pa rin ang marami.
Nagsimula naman ang impeachment process at laban naman ito kay VP Sara, anak ni ex-PRRD. Bagama’t maraming lumalaban na umedad na at matagal nang lumalaban, pinapasa na ng mga ito ang “baton” sa mga susunod na henerasyon. May pag-asa kayang magtagumpay? Tiyak na tiyak nating meron!