ni Ryan Sison @Boses | Dec. 9, 2024
Dahil sa mga kaganapan para sa nalalapit na Pasko at Bagong Taon, at bilang antisipasyon sa kabi-kabilang mga rally kaugnay sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, mas pinahigpit ang mga security operation ng Philippine National Police (PNP).
Ayon sa kagawaran, ang kanilang mga unit sa buong bansa ay inatasan na paigtingin ang visibility sa pamamagitan ng regular na pagpapatrulya at pagtatalaga ng karagdagang tauhan sa mga lugar na may mataas na antas ng trapiko.
Binigyang-diin ng PNP chief na ang paghihigpit sa seguridad ay para maiwasan ang mga hindi inaasahang krimen sa mga lansangan. Gayundin aniya, ang presensya ng mga uniformed personnel sa mga pampublikong lugar gaya ng malls, palengke at transport hubs ay upang matiyak ang kaligtasan ng taumbayan na bahagi ng misyon ng PNP.
Dagdag pa niya, ito ay para rin sa posibleng mga planong rally ng ilang mga grupo dahil sa patuloy na usapin sa impeachment cases kay VP Sara.
Kabilang pa sa mga gagawing operasyon ng pamunuan ng PNP ay ang pagdaragdag ng mga nakatalaga sa on-ground security, paghihigpit sa operations against cybercrime, at preparasyon para sa mga emergency operation.
Naka-standby na rin ang quick response teams para agad na matugunan ang anumang insidente.
Maganda ang gagawing ito ng ating mga kapulisan na mas palakasin ang seguridad sa buong kapuluan para sa safety na rin ng ating mga kababayan.
Kesa naman magtututulog lang sila at hindi kumikilos habang naririyan at naglipana na ang mga kawatan. Mas mabuting tugunan at aksyunan nila ang anumang nangyayaring krimen.
Paalala lang sa ating police force na dapat nilang paghandaan ang posibleng mga rally sa maraming lugar, kung saan nagpahayag na rito ang isang religious organization na magpoprotesta upang labanan ang mga hakbang sakaling i-impeach ang bise presidente.
Sa ganang akin, tama lamang na todong magbantay ang mga kapulisan para sa lahat dahil ito rin ang kanilang sinumpaang tungkulin na paglingkuran at protektahan ang mga mamamayan at ating bayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com