top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 3, 2025



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Inaangkin ng iba ang lupa na aking minana mula sa aking ina. Bilang patunay ay mayroon akong deed of sale kung saan binili ng aking lolo noong taong 1985 ang nasabing lupa mula sa kanyang kapatid. Maaari pa rin bang magamit bilang ebidensya ang isang dokumento na 40 taon na ang lumipas mula nang ginawa ito? -- Andronico


 

Dear Andronico, 


Ayon sa Rule 130, Section 2 ng A.M. No. 19-08-15-SC, na inilabas ng ating Korte Suprema noong 8 Oktubre 2019, ang documentary evidence ay binubuo ng mga sulat, recording, litrato o anumang materyal na naglalaman ng mga titik, salita, tunog, numero, figure, simbolo, o katumbas nito, o iba pang paraan ng nakasulat na pagpapahayag, na iniaalok bilang patunay ng nilalaman ng mga ito. Kasama sa mga litrato ang mga still picture, drawing, stored images, x-ray films, motion picture, o video. 


Alinsunod dito, kung ang deed of sale na iyong nabanggit ay notaryado, isa itong public document na maaaring magamit bilang ebidensya ng walang karagdagang ebidensya ng pagiging tunay nito. Samantalang kung ang nasabing deed of sale ay hindi notaryado, ito ay maituturing na isang private document kaya kailangan munang mapatunayan ang pagkakagawa at pagiging tunay nito bago ito maipresinta bilang ebidensya. 


Gayunpaman, dahil 40 taon na ang nasabing deed of sale, ang Ancient Document Rule ay maaaring pumatnubay sa sitwasyon. Ang patakarang ito ay nakasaad sa Rule 132, Section 21 ng parehong rule:


Section 21. When evidence of authenticity of private document not necessary. - Where a private document is more than thirty (30) years old, is produced from a custody in which it would naturally be found if genuine, and is unblemished by any alterations or circumstances of suspicion, no other evidence of its authenticity need be given.”


Sa iyong kaso, dahil mahigit 30 taon na ang nasabing deed of sale, maaari itong pumasok sa Ancient Document Rule, at hindi na kailangang magbigay ng ebidensya na magpapatunay ng pagiging tunay nito. Kailangan lamang ay makumpleto ang iba pang rekisito ng Ancient Document Rule. Ipinaliwanag ng ating Korte Suprema sa kasong Heirs of Demetria Lacsa vs. Court of Appeals et al. (G.R. Nos. 79597-98, May 20, 1991), sa panunulat ni Honorable Associate Justice Teodoro R. Padilla, na: 


Under the ‘ancient document rule,’ for a private ancient document to be exempt from proof of due execution and authenticity, it is not enough that it be more than thirty (30) years old; it is also necessary that the following requirements are fulfilled; (1) that it is produced from a custody in which it would naturally be found if genuine; and (2) that it is unblemished by any alteration or circumstances of suspicion. Xxx


Documents which affect real property, in order that they may bind third parties, must be recorded with the appropriate Register of Deeds. The documents in question, being certified as copies of originals on file with the Register of Deeds of Pampanga, can be said to be found in the proper custody. Clearly, therefore, the first two (2) requirements of the “ancient document rule” were met.”


Ayon sa nasabing kaso, hindi sapat na mahigit 30 taon na ang nasabing deed of sale upang ito ay pumasok sa Anciet Document Rule. Kinakailangan din na ang nasabing deed of sale ay mula sa kustodiya kung saan ito ay natural na makikita kung ito ay lehitimo, tulad kung ito ay mula sa kustodiya ng Register of Deeds. Sapagkat ang nasabing deed of sale ay nakakaapekto sa lupa na isang real property, kinakailangang ito ay nakarehistro sa naaangkop na Register of Deeds upang ito ay makaapekto sa ibang tao o third parties. Gayundin, kailangan na ang nasabing deed of sale ay walang bahid ng anumang pagbabago o mga pangyayari na kahina-hinala upang ito ay pumasok sa Ancient Document Rule.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Mar. 3, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

MAY CORRUPTION SA GUMUHONG TULAY SA ISABELA KAYA DAPAT LANG MAY MANAGOT DITO — Sinabi ni Pres. Bongbong Marcos na may mananagot daw sa pag-collapse ng Cabagan-Santa Maria Bridge sa Isabela.


Aba'y dapat lang kasi mantakin n'yong ginastusan ng pamahalaan ng higit P1.2 billion ang tulay na ‘yan, ‘yun pala tinipid ang materyales, kaya nang may dumaang trak nag-collapse.


Malinaw na may corruption na naganap sa paggawa ng tulay na ‘yan, kaya dapat lang talagang may managot, period!


XXX


FORMER SP SOTTO, BAKA MADAMAY SA GALIT NG PUBLIKO KAY PBBM SA HINDI PAGTUPAD SA P20 PER KILONG BIGAS — Ayon kay senatorial candidate former Senate President Tito Sotto ay maaari pa raw mangyari ang P20 per kilo ng bigas kung ang panindang palay ng mga magsasaka ay bibilhin ng pamahalaan sa tamang presyo.


Naku, baka ang galit ng mamamayan kay PBBM sa hindi nito pagtupad sa pangakong P20 per kilo ng bigas ay kay Sotto mag-boomerang, kasi halos limot na nga ng taumbayan ang P20 per kilong bigas na campaign promise ng presidente, tapos pinaalala pa ng dating senador sa publiko ang isyung ito, boom!


XXX


PIGO PALIT POGO AT ‘YAN ANG DAHILAN KAYA NAGKALAT PA RIN SA SOCIAL MEDIA ANG ONLINE GAMBLING — Ibinulgar ni Senate President Chiz Escudero na ang pumalit sa POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) ay PIGO (Philippine Inlands Gaming Operations).


Kung ganu’n, pabida lang pala ni PBBM ang pag-ban niya sa POGO kasi binago lang pala ang pangalan nito, ginawang PIGO at ‘yang PIGO pala ang dahilan kung kaya’t nagkalat pa rin sa social media ang iba't ibang uri ng online gambling, buset!


XXX


KUNG SI GEN. MARBIL ANG DUMAAN SA EDSA BUSWAY, DAPAT MAG-RESIGN NA SIYA SA PAGIGING PNP CHIEF — Hanggang ngayon ay hindi pa rin pinapangalanan ng PNP ang police high ranking official na ang convoy ay ilegal na dumaan sa EDSA Busway at bagama’t ayaw pangalanan, may mga naglalabasang isyu sa social media na ang PNP official daw na ito na lumabag sa batas-trapiko sa EDSA ay mismong si PNP Chief Gen. Rommel Marbil.


Na-bash nang husto ang PNP sa isyung ito, kaya't kung may delicadeza pang natitira si Gen. Marbil sa kanyang sarili, dapat ay magsakripisyo na siya, mag-resign na siya bilang PNP chief, period!


 
 

ni Ryan Sison @Boses | Mar. 3, 2025



Boses by Ryan Sison

Inanunsyo kamakailan ng Department of Public Works and Highways – National Capital Region (DPWH-NCR) ang pagsisimula ng rehabilitasyon ng EDSA, kung saan isa sa mga pangunahing hakbang ay ang pansamantalang pagsasara ng bus lane. 


Bagama’t tila ito ay isang makabuluhang proyekto na naglalayong gawing mas matibay ang pangunahing lansangan ng Metro Manila, marami ang nangangamba sa matinding epekto nito sa daloy ng trapiko at pang-araw-araw na buhay ng mga commuter.  


Ayon sa isang opisyal, makikipagtulungan ang ahensya sa Department of Transportation (DOTr) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang mapagaan ang abala sa trapiko. Ngunit sa kabila ng mga pangakong ito, hindi maikakaila na malaki ang magiging epekto ng naturang pagsasara, lalo na sa mga commuter na umaasa sa bus lane para sa mas mabilis na biyahe. Kung isasara ito, saan lilipat ang mga bus, at paano maiiwasan ang pagsisikip ng trapiko sa ibang linya?  


Ang proyektong nagkakahalaga ng P7.3 bilyon ay nakatakdang tumagal ng isang taon bilang paghahanda sa ASEAN Summit 2026. Bagama’t mahalaga ang pagpapanatili ng mga pangunahing kalsada, dapat pag-isipang mabuti kung paano ito isasagawa nang hindi nagdudulot ng mas malaking sakripisyo sa publiko. 


Ang kasaysayan ng mga infrastructure projects sa bansa ay puno ng pagkaantala at hindi natatapos sa takdang oras. Kaya’t hindi maiiwasan na may mga nangangamba na baka ito ay maging panibagong pasakit sa halip na solusyon.  


Nararapat lamang na tiyakin ng DPWH, MMDA, at DOTr na may malinaw at epektibong plano sa traffic management bago ipatupad ang pagsasara ng bus lane. Hindi sapat ang pangakong “gagawa ng paraan”, dapat may konkretong alternatibo upang hindi magdusa ang mga commuter at motorista. 


Kung hindi ito mapapamahalaan nang maayos, ang rehabilitasyon ng EDSA ay maaaring maging panibagong halimbawa ng isang proyektong may magandang layunin ngunit nagdulot lamang ng dagdag na problema.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page