ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Mar. 2, 2025

MAMAMAYAN KABADO NA NAMAN SA OIL PRICE ROLLBACK KASI MALAMANG KABUNTOT NITO BIGTIME PRICE HIKE -- Inanunsyo ng DOE (Dept. of Energy) na magkakaroon ng oil price rollback next week.
Dahil d'yan, kabado na naman ang mamamayan, kasi ang sistema sa Marcos administration, magro-rollback ng katiting sa presyo ng langis pero ang kasunod ay bigtime oil price hike.
Sana man lang, kapag nag-announce ang DOE ng oil price rollback ay ipadama naman ito sa mga motorista kahit sa loob lang ng isang buwan, ang problema hindi, kasi after mag-announce ng oil price rollback, isa o dalawang linggo lang, bigtime oil price hike na nga ang kabuntot, tsk!
XXX
DAGDAG-SINGIL SA NLEX, DAGDAG-PAHIRAP SA MAMAMAYAN -- Ngayong araw na ito, Marso 2, start na ang taas-singil sa toll fee ng NLEX.
Mula Balintawak hanggang Marilao exit o vice versa sa class 1 vehicles ay P5.00 ang dagdag-singil; sa class 2 vehicles ay P13 at sa class 3 vehicles ay P15, samantalang sa open system naman ng NLEX ay P79 na ang singil sa class 1 vehicles, P199 sa class 2 vehicles at P238 sa class 3 vehicles.
Hay naku, hindi na nga bumababa ang presyo ng mga bilihin at bayarin, tapos may dagdag-pahirap pa na dagdag-singil sa NLEX, buset!
XXX
TATALUNIN NI PCO USEC. CLAIRE SI VP SARA KUNG PAGIGING TAKLESA PAG-UUSAPAN --Rumesbak si Presidential Communication Office (PCO) Usec. Claire Castro sa statement ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa political rally sa Cebu na may karapatan daw ang mamamayan na magalit sa Marcos administration, na ayon sa PCO usec. ay dapat daw nanawagan din si VP Sara na magalit sa gobyerno nu'ng ang tatay pa niya na si ex-P-Duterte ang lider ng bansa kasi nga raw ay nabansagan ang kanyang ama na "most corrupt" ng Organized Crime and Corruption Reporting Project noong year 2017.
Tila yata kung pagiging taklesa ang pag-uusapan, tatalunin ni PCO Usec. Claire si VP Sara, boom!
XXX
DAPAT HUBARAN NG MASKARA ANG MGA PROTEKTOR NG AGRI-SMUGGLER AT MEAT SMUGGLER SA CUSTOMS -- Patuloy daw ang pamamayagpag ng agri-smuggling ni "Leah Cruz" at meat smuggling ni "Gerry Teves" sa Customs.
Dapat magsagawa uli ng imbestigasyon ang Senado at Kamara sa isyung ito para mahubaran ng maskara ang mga protektor nila sa Customs, kasi hindi naman magpapatuloy ang ganitong raket nina "Leah Cruz" at "Gerry Teves" sa Adwana kung wala silang mga buwayang protektor sa Customs, period!