ni Ryan Sison @Boses | Dec. 12, 2024
Sa wakas napagtuunan din ng pansin ang mga guro dahil sa magandang insentibo na naghihintay para sa kanila.
Kaya naman labis ang pasasalamat ng Department of Education (DepEd) sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa kanila at sa Department of Budget and Management (DBM) na magbigay ng P20,000 Service Recognition Incentive (SRI) para sa mga public school teacher at non-teaching personnel.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, inatasan sila ng Pangulo na itaas ang SRI mula P18,000 ay gawing P20,000, kung saan magbebenepisyo rito ang tinatayang 1,011,800 DepEd personnel.
Nangako ang DepEd secretary na makikipagtulungan nang husto kay DBM Secretary Amenah Pangandaman upang matiyak ang mabilis at matagumpay na implementasyon ng pinataas na SRI para sa mga guro habang sumusunod sa tinatawag na fiscal policies.
Sinabi pa ni Angara na malaking tulong ito sa mga guro at kawani para sa kanilang paghahanda sa Kapaskuhan at pagsalubong sa Bagong Taon. Aniya, napakagandang regalo ito ng administrasyon na kinikilala ang sakripisyo at serbisyo ng mga guro.
Binigyang-din naman ni Pangandaman, na tinitingnan na niya at ng DBM ang kinakailangang mga funding mechanism upang i-finalize ang proseso ng pagpapatupad at pagpapalabas ng mga pondo ng SRI. Gayundin, magkakaroon pa ng pag-aaral ang dalawang kagawaran hinggil dito.
Ang SRI ay taunang financial incentives na ibinibigay sa mga empleyado ng gobyerno bilang pagkilala sa dedikasyon sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko.
Salamat at matutumbasan na natin kahit paano ang dedikasyon at pagmamalasakit ng mga guro at non-teaching personnel sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mas mataas na insentibo.
Kung tutuusin, matagal na rin ang pinaghintay ng mga guro na madagdagan man lang ang kanilang mga SRI sa gitna ng mga hirap at sakripisyong nararanasan, lalo na ang walang humpay na taas-presyo ng mga bilihin at bayarin. Pero dahil sa hakbang na ito ay mapapangalagaan din ang kapakanan ng mga guro.
Sa kinauukulan, sana ay laging alalahanin na unahin ang mga pangangailangan ng ating mga guro na silang humuhubog sa kinabukasan ng mga kabataan at ng ating bayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com