ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Dec. 12, 2024
Isa na namang nagpakilalang senior citizen ang lumiham sa atin sa pamamagitan ng tradisyunal na koreo o postal service. Nitong nakaraang Nobyembre 23 ay nagdiwang ng kanyang ika-80 kaarawan ang lumiham sa ating si Ginang Luz Lazatin na taga-Greenview Executive Village sa Sauyo, Quezon City.
Ang kanyang katanungan ay kung entitled siya sa P10,000 o sampung libong pisong ibinibigay sa mga octogenarian sa ilalim ng Republic Act (RA) 11982 o ang Act Granting Benefits to Filipino Octogenarians and Nonagenarians na ipinasa noong unang bahagi ng taong ito.
Sa ilalim ng amyendang ito ng Centenarians Act, ang may pribilehiyong makatanggap ay iyong mga Pilipinong narating ang tinatawag na milestone na edad na 80, 85, 90 at 95. Hindi nito saklaw ang mga may edad na 81, 82, 83, 84 at 91, 92, 93 at 94.
Dahil si Ginang Luz ay tumuntong na sa edad na 80, siya ay karapat-dapat mapagkalooban ng benepisyong ito sa ilalim ng nasabing batas.
Ayon pa sa RA 11982, may isang taon ang mga senior citizen na umedad na ng 80, 85, 90 o 95 para kunin ang nasabing P10,000 na benepisyo mula sa gobyerno.
Marami-rami na rin ang nakikipag-ugnayan sa ating senior citizen ukol sa batas na ito — na hindi maikakailang isang ganap na batas. Kaya’t nananawagan tayo sa pamahalaan na huwag nang pagkaitan ang ating mga senior citizen ng kakaunting biyayang ipinangako sa kanila ng nasabing batas, bagkus ay lingapin at pagmalasakitan sila sa takipsilim ng kanilang buhay.
Nananawagan tayo sa tanggapan ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian upang matulungan si Ginang Luz, na sulat-kamay pa man din ang ipinadalang liham sa pamamagitan ng koreo. Makikipag-ugnayan sa inyo ang kolumnistang ito para sa kapakanan ng aming mga mambabasang senior citizen para sila ay mabigyan ng inaasahang paggabay.
***
Samantala, hayaan ninyong ilathala namin ang ikalawang bagong liham na ipinadala sa tanggapan ng BULGAR na humihingi ng tulong upang makapamasukan sa FPJ Studio na malapit raw sa kanilang tinutuluyan. Nananawagan tayo kay Dr. Brian Poe Llamanzares, ang butihin at matulunging anak ni Senadora Grace Poe, sa kung anumang pamamaraan nila maaaring matulungan ang sa atin ay lumiham.
Ani Ginang Zenaida Santiago ng 10A Lantikan Street, Manresa, Quezon City:
Pitumpu’t tatlong taong gulang na po ako na kasalukuyang nagtatrabaho na all-around na katulong. Humihingi po ako ng tulong sa inyo na kung puwede po na matulungan ninyo akong makapasok na magtrabaho kay Ma’am Grace Poe dito sa studio nila sa Del Monte Avenue, Quezon City... Ang asawa ko po ay namamasukan din po na boy dito sa Quezon City at binibigyan lang po siya ng sahod na P500 kada linggo at sa garahe lang po siya natutulog. Ma’am, maawa po kayo sa amin at sana matulungan ninyo kami na makapasok na maglinis sa studio nila Ma’am Grace Poe... Malakas pa po akong magtrabaho. Maraming salamat po.
***
Samantala, hayaan ninyong magtapos ang panulat kong ito sa pamamagitan ng pagbabahagi ng aking isinulat na panalangin noong Enero 14, 2017 na pinamagatang, “Bukangliwayway”:
Pagsilay ng bukangliwayway,
Hayaan mong purihin Kita, Dakilang Ama;
Na pasalamatan at tingalain bilang aking Maylikha.
Punuin mo ako ng pag-asa, inspirasyon at sigla
Upang tupdin ang Iyong panawagan;
Na magpakasigasig at huwag panghinaan ng loob
Sa pagganap ng aking tungkulin at adhikain —
Para sa Iyong kaluwalhatian at kapurihan.
Ikaw ang Aking buhay, Panginoon.
Sa’yo ako magbabalik pagsapit ng bawat takipsilim
Upang muli Kang sambahin
Sa gitna ng Iyong labis na pagmamahal sa akin.
Sa pangalan ni Jesus, ang puso ko ay panatag.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.