ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Dec. 13, 2024
VP SARA HANDANG HUMARAP SA IMPEACHMENT, PERO AYAW SA NBI INVESTIGATION -- Nitong nakalipas na Dec. 10, 2024 ay nagpakita ng tapang si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio nang sabihin niyang handa niyang harapin ang mga impeachment complaints na isinampa sa Kamara laban sa kanya, pero nang tanungin ng mga mamamahayag kung nakahanda siyang pumunta sa National Bureau of Investigation (NBI) para maimbestigaan tungkol sa pagbabanta niya sa buhay nina Pres. Bongbong Marcos (PBBM), First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Martin Romualdez, ang tugon ng bise presidente ay hindi raw siya pupunta para magpaimbestiga.
Iyan ang VP ng ‘Pinas, matapang sa impeachment, tiklop sa NBI investigation, boom!
XXX
DAHIL SA LIIT NG BUDGET NA INILAAN SA OVP, ASAHAN NA KARAMIHAN SA MGA EMPLEYADO NITO JOBLESS NEXT YEAR -- Sa pinal na desisyon ng majority senators tungkol sa 2025 national budget ay hindi na nila dinagdagan ang budget ng Office of the Vice President (OVP), inaprub na rin ng mga senador ang inilaan ng Kamara na P733M budget sa tanggapan ng bise presidente.
Ang laki ng tinapyas, kasi ang hirit ni VP Sara para sa kanilang tanggapan ay P2.03 billion, tapos ang inaprub lang ay P733M, at dahil diyan ay asahan na ng karamihan sa mga empleyado ng OVP na next year ay jobless na sila, tsk!
XXX
CUSTOMS, DAPAT ISAPRIBADO NA PARA MAWALA NA ANG MGA ‘BUWAYA’ SA ADWANA -- Sa pagdinig ng Quad Committee ng Kamara patungkol sa illegal drugs shipments, nabulgar ang talamak na corruption, smuggling, tara system (payola), consignee for hire, fake consignee at harassment ng mga ‘buwaya’ sa Customs sa mga broker.
Iyan ang dahilan kaya ang daming milyonaryong opisyal at empleyado na taga-Customs.
Isa lang ang solusyon para matigil ang mga ganyang bad na gawain sa Adwana at ito ay isapribado ang Customs para otomatik mawala na sa Adwana ang mga ‘buwayang’ taga-Customs, period!
XXX
KAPAG ITINULOY NI CONG. ABANTE NA IMBESTIGAHAN ANG CUSTOMS, TIYAK MAHUHUBARAN NG MASKARA ANG MGA KURAKOT AT MGA SMUGGLER SA ADWANA -- Isa sa naungkat sa pagdinig sa QuadComm ay ang ilegal na pagpasok sa bansa ng mga “ukay-ukay” at nang tanungin ni Manila 6th Dist. Rep. Bienvenido Abante si Customs officer Camilo Cascolan kung bakit nakakalusot na maipuslit ang mga kargamentong ito sa Adwana ay wala itong maisagot at dahil diyan ay sinabi ng kongresista na posibleng mag-file siya ng resolusyon para imbestigahan ang talamak na katiwalian sa Customs.
Sana mag-file na si Cong. Abante ng resolusyon para mahubaran ng maskara ang mga ‘buwaya’ sa Customs at mga smuggler na nagpapanggap na brokers, boom!