ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Dec. 15, 2024
Ang bawat mag-asawa ay may karapatang maging masaya sa kani-kanilang buhay may-asawa. Kasama rito ay ang pagdadamayan sa lahat ng oras at pagkakataon. Sa katunayan, ang pabaong salita sa bawat mag-asawa kapag sila ay humaharap sa dambana ay ang mga katagang: “Ang mag-asawa ay magsasama sa hirap at ginhawa, sa kalusugan at sa kahinaan, sa kasaganaan at sa kahirapan hanggang sa kamatayan ay magsasama.”
Subalit may mga pagkakataon na dumarating sa buhay ng mag-asawa kung saan sa kabila ng kanilang pagsisikap na gampanan ang kanilang mga obligasyon ay hindi ito sumasapat at hindi na sila nagiging maligaya sa isa’t isa. Maliban sa Vatican, ang Pilipinas ang tanging Estado na walang diborsyo. Ngunit kapag dumating ang sitwasyong hindi na maligaya ang mag-asawa sa piling ng isa’t isa ay may karapatan din naman sila na makakita ng kapayapaan ng kalooban at makawala sa tanikala ng kasal. May tatlong paraan na maaaring magamit katulad ng:
Petition for Annulment of Marriage under Article 45of the Family Code;
Petition for Legal Separation under Article 55 of the Family Code;
Petition for Declaration of Nullity of Marriage under Articles 36, 37, 38 and 41 of the Family Code.
Ang tanging legal na paraan para sa mga mag-asawang nagnanais na wakasan ang kanilang kasal ay maghain ng legal separation o annulment. Ang legal na paghihiwalay ay hindi nagpapahintulot ng muling pag-aasawa habang ang paghahain ng annulment ay magastos, tumatagal ng mga taon upang maproseso, at walang garantisadong resulta. Ang mga mag-asawang dumaranas ng emosyonal na pang-aabuso, karahasan sa tahanan, o pag-abandona ay lubhang naaapektuhan ng mga limitadong pagpipilian upang makaalis sa nasirang relasyon, sapagkat may mga limitadong kadahilanan kung kailan lamang maaaring magamit ang mga nabanggit na remedyo o hakbang.
Mas higit na ginagamit ang Petition for Declaration of Nullity of Marriage, sapagkat nagbibigay ito ng kalayaan para makapag-asawang muli ang mga partido. Datapwat may mga panukalang batas na inihain ng Kongreso ukol sa isang “absolute divorce”, umani naman ito ng mga pagtutol lalo na sa religious groups. Sa Pilipinas na kung saan ay marami ang Katoliko, tumututol ang pamunuan ng simbahan para sa pagsasabatas nito. Hanggang sa ngayon ang debate ukol sa absolute divorce ay naririyan pa rin at hindi pa lubos na maipapasa ng Kongreso.