ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Dec. 16, 2024
TINIYAK NI SEC. GATCHALIAN NA WALANG PAPEL ANG MGA PULITIKO SA AKAP AT PATUNAY ANG STATEMENT ‘YAN NA NASA MABUTING KAMAY AT PAMAMAHALA ANG DSWD -- Tiniyak ni Sec. Rex Gatchalian ng Dept. of Social Welfare and Development (DSWD) na walang magiging papel ang mga pulitiko sa implementasyon ng P26 billion DSWD aid program na Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) na ayon pa sa kanya, lahat ng minimum wage earners o mas mababa pa ang kinikita rito ay puwedeng magtungo sa lahat ng tanggapan ng kagawaran sa bansa para mabigyan ng ayuda.
Ang statement na iyan ni Sec. Gatchalian ay pagpapatunay na sa kanyang pamumuno sa kagawaran ay nasa mabuting kamay at pamamahala ang DSWD, palakpakan naman diyan!
XXX
BAKA GAWIN DIN NG KONGRESO KAY VP SARA ANG MABILIS NA PAG-IMPEACH KAY SOUTH KOREAN PRES. YEOL -- Sa loob lang ng 10 araw ay na-impeach o napatalsik sa puwesto si South Korean Pres. Yoon Suk Yeol. Nag-ugat ito nang magdeklara siya ng Martial Law noong Dec. 3, 2024 dahil daw sa banta ng komunistang North Korea. At makalipas lang ang halos 6 na oras ay ni-lift din ng SoKor president ang batas-militar, at pagkaraan niyan, Dec. 4, naghain ng impeachment case sa kanilang presidente ang oposisyon at nitong Dec. 14 o sa loob lang ng 10 araw, na-impeach na ito.
Ang nais nating ipunto rito ay ‘yung mabilis na pagpapa-impeach kay SoKor Pres. Yeol ay baka gayahin ng Kongreso, na bilisan din nila ang pagpapa-impeach kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, abangan!
XXX
AUTHOR NG POGO LAW NA SI SEN. PIA CAYETANO, LAGING PASOK SA TOP 12 SENATORIABLES, KUNG GANU’N PABOR BA SA POGO ANG MAJORITY PINOY? – Tila majority Pinoy ay pabor sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Nasabi natin ito kasi sa kada labas ng mga survey tungkol sa 2025 senatorial election ay laging pasok sa top 12 ang author ng POGO Law sa panahon ng Duterte administration na si reelectionist Sen. Pia Cayetano, boom!
XXX
IPINA-BAN NA NGA NI PBBM ANG POGO, PERO MGA VLOGGER TULOY PA RIN SA PAGPU-PROMOTE NG POGO ONLINE GAMBLING -- Kahit ipina-ban na ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang POGO sa bansa, ay kapuna-puna na tuloy pa rin ang pagpu-promote ng mga vlogger ng mga POGO online gambling.
Isa lang ang paraan para matigil na ang raket na ito, at ito ay sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso sa mga vlogger na nanghihikayat sa mga netizens na tumaya sa pamamagitan ng GCash sa mga POGO online gambling sa social media, period!