ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 21, 2024
Matagal-tagal na rin tayo nagmimisa sa Ace Medical Center, isang pribadong ospital sa tabi ng Quezon City General Hospital sa Project 8, Quezon City.
Nakatakda ang misa tuwing alas-10 ng umaga unang Biyernes (first Friday) ng buwan.
At sa simula pa lamang napansin na natin ang 10 palapag ng ospital at nagkataon pang nasa ika-10 palapag ang kapilya na pinagdarausan ng misa. Dahil dito naging permanenteng anyaya o hamon na maghintay sa unang palapag ang lahat ng nais magsimba at sa pagdating natin, sabay-sabay kaming aakyat ng 10 palapag hanggang marating ang kapilya. Awa ng Diyos sa tinagal-tagal nating nagmimisa sa naturang ospital, dadalawa pa lamang ang nahikayat nating magtiyagang akyatin ang 10 palapag ng kanilang ospital. At sa halip na magustuhan ng dalawa ang hamon o paanyaya, hindi na natin sila naanyayahan muli na umakyat hanggang sa ika-10 palapag na kasama ko.
Isa sa lagi nating hinihikayat ay ang isang masayahing tao, na sa tingin natin ay isa sa pinakasentro ng buhay sa ospital. Ang pangalan niya ay John Eric Orit na mas gusto niyang tinatawag siyang Erika. Kilalang bahagi ng LGBTQIA si John Eric at hindi niya ito itinatago.
Mahal siya ng mga tao sa ospital at sa subdibisyong tinitirhan niya sa tabi ng ospital. At mahal din siya ng napakaraming naging bahagi ng mga palabas na siya ang host. Kadalasan sa Tagaytay ang mga palabas at pagdiriwang na ito at kilalang host si John Eric dahil sa kasanayan niyang magpasaya at magpatawa sa mga pagtitipon.
Bago naganap ang malungkot na pangyayari sa buhay ni John Eric, naramdaman na niya na kailangan niyang magpagamot dahil sa mga nakakabahalang nararanasan niya.
Nasabi na niya sa isang doktor na kilala natin, na kailangan niyang magpaopera ng lalamunan. Kaya lang biglang bawi si John Eric dahil mabilis na ikinatuwiran nito na sa Enero na lang dahil sayang naman ang lahat ng handaan na mami-miss siya kung sakaling may mangyari sa kanya. Sayang at hindi sineryoso ni John Eric ang mahiwagang paanyaya ng Diyos na magpatingin.
Sabi ng isang doktorang kapitbahay ni Eric, “Sayang at nag-atubili, at hindi itinuloy ni Eric ang operasyon at tiyak na makikita ng mga sanay na doktor kung anumang kritikal na kondisyon na dapat maaga pa lamang ay pansinin na.”
At nangyari nga ang trahedya noong Disyembre 16, unang araw ng Simbang Gabi.
Sinaktan ng ulo si John Eric sa kanyang bahay at doon nawalan ng malay. Itinakbo sa ospital kung saan siya naglilingkod bilang nars at doon tinubuhan at pagkaraan ng ilang araw ay inoperahan. Sa kabila ng lahat, nalagutan pa rin ng hininga si John Eric.
At tila bumalik siya sa Panginoon sa mismong araw ng pagkilala sa mga pumasa sa Nursing Licensure Examination (NLE). Kay hirap unawain ang mga pangyayari. Maraming ulit na siyang kumuha ng nursing board exam at nang pumasa siya sa wakas, doon pa siya binawian ng buhay.
“Balik-Likas, Balik-Pag-Asa” ang tema ng siyam na gabi ng Misa de Gallo sa alas-4 ng madaling-araw. Hanggang kaya natin, kailangang ibalik ang bawat aspeto ng buhay sa nakalimutan at naiwanan nang “ritmo ng kalikasan,” (rhythm of nature).
At habang nag-aalay kami ng misa ng kalikasan at pag-asa, naroroon sa burulan si John Eric na nagpapaalala sa amin ng karupukan at kahiwagahan ng maikling buhay natin. Sa kabila ng pagiging masayahin ni John Eric, magana siyang kumain at uminom ng softdrink. Marami sa mga pagkaing kinasanayan niya ay ang mga artipisyal na pagkain at inumin tulad ng softdrink, alcohol o alak, junk foods at ang tila “walang kapagurang” lifestyle ng buhay-Maynila. Ngunit, walang buhay na walang kapaguran, kaya’t hindi totoo ang buhay na walang kapaguran.
Sa loob ng tatlong araw ay Pasko na. Tingnan natin ang sanggol na si Hesus. Hindi siya abala sa paghahanapbuhay. Hindi siya busy sa magkahalong mahalaga at hindi mahalagang gawain. Hindi siya abala at punumpuno siya ng buhay at pag-asa, na hindi sa mga gawain ng buhay. Ang buhay na plastik at artipisyal ay tila sinasagisag ng mall.
Ilang taon na ang lumipas mula ng tumakbo tayong paikut-ikot sa mga mall na sumisigaw at nagmumudmod ng mga flyers na may nakasulat na ganito,
“WALA SA MALL ANG SANGGOL.” Kung babalikan ko ang pagkatao ni John Eric, para siyang malaking bata na laging masayahin. Hindi masamang mga araw ng pagpanaw, ang mismong simula ng Simbang Gabi, ilang gabi ang layo sa paggunita sa kapanganakan ng Panginoon.
Sa lungkot na nararamdaman ng lahat, nangingibabaw ang halakhak ng masayang nars na si John Eric. Tawa’t halakhak na walang hanggan ang naging buhay ni John Eric at hindi trabaho, pera, ari-arian, laging busy, kabisi-bisihan. Hindi ganoon ang tingin ni John Eric sa trabaho. Buhay ang pagtatrabaho bilang nars, hindi kaabalahan kundi pagdiriwang din ng buhay. Ang bawat sandali ng buhay ay halakhak at pagpapasaya sa kapwa.
John Eric, maaaring yumao ka na ngunit walang tigil at walang kapaguran ang iyong walang hanggang galak, tawa at halakhak. Paalam at maraming salamat, kapatid.