ni Ryan Sison @Boses | Dec. 21, 2024
Dahil dagsa na ang mga pasahero sa iba’t ibang lugar sa bansa, siguradong problemado na ang mga ito sa kanilang pagbiyahe.
Kaya naman binigyan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mga special permit para sa mga public utility vehicle para sa panahon ng Kapaskuhan at Bagong Taon.
Ayon kay LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III, inaprubahan ng board ang mga special permit para sa 956 units, mula sa 988 units na nag-apply para makabiyahe ng kanilang ruta.
Pinaalalahanan din ng opisyal ang mga operator at driver na ang mga special permit ay magiging valid mula December 20, 2024 hanggang January 10, 2025.
Sinabi ni Guadiz na karaniwang nagbibigay ang LTFRB ng special permits sa mga PUV bilang dagdag na sasakyan sa tumataas na bilang ng mga pasahero tuwing holiday season.
Aniya pa, inaasahan nilang maseserbisyuhan ang mas maraming komyuter ngayong holiday rush, at tinitiyak ang mahusay at ligtas na paglalakbay para sa lahat.
Mainam at napagdesisyunan agad ng kinauukulan na magdagdag ng mga sasakyan lalo na’t napakaraming mga pasahero ang nagsisipaglabasan at namamasyal na habang ipinagdiriwang ang holiday season.
Gayundin, dapat nilang siguruhing may mga available na mga transportasyon hindi lang sa land, maging mga sasakyang pandagat at air transport.
Para naman sa ating mga kababayan, kailangang planuhin din ang kanilang paglalakbay partikular na ang mga may sasakyan dahil trapik naman ang kanilang susuungin, habang tiyakin na maayos ang makina at break ng mga ito.
Paalala rin sa lahat na magdoble-ingat sa pagbiyahe at huwag kalimutang magdasal at magpasalamat sa lahat ng biyayang ipinagkaloob ng Poong Maykapal.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com