ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Dec. 21, 2024
Dear Chief Acosta,
Pumanaw ang aking kapatid kamakailan lamang. Isa siyang OFW na kauuwi lamang dito sa Pilipinas dahil sa kanyang dinadalang karamdaman. Naging usap-usapan sa aming lugar na nagpositibo diumano sa HIV ang pumanaw kong kapatid kaya siya nagkasakit at pinauwi rito sa atin. Dahil sa balita na ito ay nahirapan kami na makakuha ng serbisyo ng mga punerarya sa aming probinsya. Hindi diumano nila maaaring tanggapin ang labi ng aking kapatid dahil posibleng may HIV diumano siya. Natagalan kami makahanap ng punerarya na tatanggap sa kapatid ko at bagama’t nailibing na siya ngayon ay nais namin malaman kung may maaari bang ireklamo sa mga punerarya na naunang tumanggi sa labi ng kapatid ko dahil lang sa hinala nilang may HIV siya? Kami ay mag-aabang sa inyong magiging payo. Salamat! — Deiveson
Dear Deiveson,
Bilang sagot sa iyong katanungan, tayo ay sasangguni sa Republic Act (R.A.) No. 11166, na kilala bilang “Philippine HIV and AIDS Policy Act”. Ipinasa ang batas na ito upang pagtibayin ang mga panuntunan hinggil sa pag-agap ng mga kaso ng HIV at AIDS, at upang palitan ang Republic Act (R.A.) No. 8504, o ang “Philippine Aids and Prevention and Control Act of 1998.” Maliban sa pagpapabuti sa pagtugon ng Estado sa mga kaso ng HIV sa ating bansa, bahagi rin ng adhikain ng batas na ito ang pag-alis ng diskriminasyon at pagtatama ng pananaw ng publiko ukol sa HIV. (Sec. 2)
Inihahayag sa ilalim ng R.A. No. 11166 ang pagbabawal sa mga gawaing maituturing na uri ng diskriminasyon laban sa mga may HIV, o maging sa mga pinaghihinalaan pa lamang na may HIV. Ang ganitong pagbabawal sa nabanggit na diskriminasyon ay ipinatutupad sa larangan ng mga paaralan, paglalakbay, trabaho, maging sa mga pagamutan at iba pa. (Sec. 49) Kaugnay naman sa iyong nabanggit na sitwasyon, ipinagbabawal din ng batas ang diskriminasyon sa mga ililibing na may HIV o pinaghihinalaan na positibo rito. Sinasabi ng batas na:
“Section 49. Discriminatory Acts and Practices. - The following discriminatory acts and practices shall be prohibited: xxx
(h) Denial of Burial Services. Denial of embalming and burial services for a decease person who had HIV and AIDS or who was known, suspected, or perceived to be HIV-positive; xxx”
Ibig sabihin nito, ang pagtanggi sa pag-embalsamo at pagbigay ng serbisyo sa paglilibing sa mga pumanaw na pinaghihinalaan o aktuwal na may HIV ay itinuturing na isang uri ng diskriminasyon na kabilang sa ipinagbabawal ng batas. Dahil dito, lumalabas na labag sa batas ang ginawang pagtanggi sa inyo ng punerarya dahil lamang sa kalagayan ng iyong kapatid na pinaghihinalaang may HIV. Ang nasabing paglabag na ito ay may karampatang parusa na nakasaad din sa batas.
Para sa pananagutan ng mga lalabag sa nasabing batas, inihahayag sa Section 50 ng R.A. No. 11166 na sinumang mapatutunayang lumabag dito ay parurusahan ng pagkakakulong na tatagal mula anim na buwan hanggang limang taon, na maaaring may kasamang multa na hindi bababa ng Php 50,000.00 hanggang Php 500,000.00. Ang parusang ito ay bukod pa sa ibang mga multa kasama ang pagsuspinde o pagtanggal sa lisensya ng kumpanya at ng mga nasa pamunuan nito.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.