ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Nov. 17, 2024
Taong 2017 nang italaga ni Pope Francis, bago ang linggo ng Pista ng Kristong Hari, bilang Pandaigdigang Araw ng mga Dukha o World Day of the Poor.
Para kay Pope Francis ang dukha ay pinakapuso o pinakabuod ng Ebanghelyo. Paulit-ulit binabanggit ang mga dukha sa mga pagtuturo ni Kristo at ng mga apostol. Laging hinahamon ni Kristo ang lahat na huwag ipikit ang mga mata sa kalagayan ng mga dukha sa lahat ng bahagi ng mundo.
Ang mismong “Sermon sa Bundok” o “Sermon on the Mount”, dito ipinaliwanag ni Kristo ang kadakilaan ng “Dukha sa Espiritu” na hindi mapaghihiwalay sa pagtugon at pagkalinga sa mga dukha sa lipunan o sa mundo.
Malinaw na malalim ang dagok na sinabi ni Cardinal Claudio Hummes kay Cardinal Jorge Mario Bergoglio ng Argentina, nang tiyak na sa bilang ng mga pumapasok na boto na siya na ang bagong Papa ng Simbahang Katoliko Romano. Ibinulong ni Hummes kay Cardinal Bergoglio, “Huwag mong kalilimutan ang mga dukha!” At marahil iyon din ang dahilan kung bakit pinili ni Bergoglio ang pangalang “Francesco” para sa kanyang pagiging Papa. Papa Francesco mula sa patron ng kalikasan at patron ng mga dukha na si San Francesco ng Assisi.
Ang tema ng pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Dukha ay “Umaakyat sa Diyos ang panalangin ng mga Dukha.” (Sirach 21:5). Isang mahaba-habang panalangin ang isasagawa namin ngayong Linggo, Nobyembre 17, 2024. Babalik tayo sa parokyang pinanggalingan, ang San Isidro Labrador. Mula ika-7:00 ng umaga hanggang ika-11:00 ng umaga, magtitipun-tipon ang mga maralitang taga-lungsod ng NIA Road at mula rin sa mga pamayanan ng maralitang taga-lungsod sa mga karatig na lugar.
Ito ang iskedyul ng pagdiriwang:
7:00 nu: Kape at Pandesal sa Health Center ng Barangay Pinyahan, kasama na Bishop-elect Padre Elias Ayuban ng Diyosesis ng Cubao
8:00 nu: Magtutulak ng Kariton ni Kiko si Bishop Ayuban, kasama ng mga maralitang taga-lungsod mula Barangay Pinyahan Health Center hanggang NIA Road
8:30 nu: Pagdating sa NIA Road, paghahanda para sa Misa
9:00 nu: Misa na pamumunuan ni Bishop Elect Elias Ayuban
Sermon ni Bishop Elect Ayuban at pagbabahagi ng ilang kinatawan ng maralitang taga-lungsod.
10:15 nu: Kamayan Agape ng mga Maralitang Taga-lungsod kasama si Bishop Elect Elias Ayuban
11:15 nu: Paalaman, Pasalamatan. Pagbabasbas ni Bishop-Elect Elias Ayuban
Bagama’t hindi pa siya ganap na obispo ng Cubao, napakalaking pasasalamat ng mga bumubuo ng Urban Poor Ministry ng Diyosesis ng Cubao kay Bishop-Elect Ayuban sa kanyang pagpapaunlak sa paanyayang pangunahan ang pagdiriwang ng Pandaigdigang
Araw ng mga Dukha. Tiyak na maaalala ito ng mga maralitang taga-lungsod na malaking bahagi ng mga dukha sa buong bansa. Siguradong maaalala rin ito ng bagong obispo ng Cubao sa mga darating na taon.
Tulad ni Papa Francesco na pinaalalahanan ni Cardinal Claudio Hummes na huwag kalilimutan ang mga dukha, ganu’n na rin ang munting mensahe ng mga dukha kay Bishop Elect Elias Ayuban. “Obispo Ayuban, huwag na huwag niyo po kaming kalilimutan,” anila.
Hindi lang para kay Papa Francesco o para sa bagong obispo ng Cubao, Bishop Elias Ayuban, kundi para sa lahat ng may posisyon, kapangyarihan at salaping maaaring gamitin para sa iba’t ibang pangangailangan ng tao, lalo na ng mga dukha ang mensaheng ito.
Kailangang ipaalala sa presidente ng Pilipinas, sa mga senador, kongresista, gobernador, mayor, mga konsehal at kagawad na, “Huwag na huwag ninyong kalilimutan ang mga mahihirap!”
At hindi lang dito sa atin kundi sa lahat ng bansa sa buong mundo. Huwag sana ninyong unahin ang inyong mga pansariling interes o ng interes ng inyong mga kamag-anak, kaibigan, kaeskwela at kasosyo sa kalakal.
Dumaan na ang mga bagyo tulad nina ‘Carina’, ‘Kristy’ at ‘Marce’. Wasak ang Batanes at maraming bahagi ng Bicol, Batangas, Cagayan Valley at Isabela. Ganu’n na lang ang panaghoy ng mga maliliit na magsasaka na hindi lang ang mga bahay ang tinangay kundi ang kanilang mga tanim na palay at mga alagang kalabaw, baka, baboy, manok at iba pa. Sino nga ba ang unang tinatamaan ng mga bagyo, baha, guho, sabog ng bulkan, lindol, tsunami, storm surge, at kung anu-ano pa? Hindi ba’t ang mga dukha na kung
minsan ay nakakalimutan ng marami?
Oo, kailangang paalalahanan ang lahat na huwag na huwag nating kalilimutan ang mga dukha! Dahil kung magagawa natin silang kalimutan ay ganoon din natin kadaling kalimutan ang Diyos.