top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Apr. 14, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Isa sa mga alalahanin namin sa bahay ay ang pananatiling ligtas ng paggamit ng aming LPG. Ito ay dahil na rin sa sunud-sunod na insidente ng sunog na ang kadalasang sanhi ay ang pagsabog nito. Kung sakali bang malalaman na ang timbang ng gamit naming LPG ay kulang o hindi akma ang timbang, masasabi ba na may paglabag sa batas na nagawa ang nagbenta sa amin? — Bhan Mey


 

Dear Bhan Mey,


Maaaring matagpuan ang kasagutan sa iyong katanungan sa Seksyon 39, Kabanata XI ng Republic Act (R.A.) No. 11592, o mas kilala sa tawag na, “LPG Industry Regulation Act.” Ayon dito:


“CHAPTER XI

PROHIBITED ACTS AND PENALTIES

x x x


Section 39. Underfilling. – The following acts undertaken by the following natural or juridical persons shall constitute underfilling of LPG pressure vessels:


(a) The refiller when the net quantity of LPG contained in an LPG pressure vessel sold, transferred, delivered, or filled is less than the LPG pressure vessel content required at the refilling plant; and


(b) The dealer or retail outlet when the net quantity of LPG in a pressure vessel sold, transferred, or delivered is less than the required LPG pressure vessel content quantity.


If applicable, a broken, tampered, absent, or removed seal, or an LPG pressure vessel that does not have the proper seal attached to it, shall be considered prima facie evidence of underfilling.”


Polisiya ng ating pamahalaan na mapanatili ang kaligtasan ng mga mamimili ng liquefied petroleum gas (LPG) at masigurado na ang mga nagbebenta nito ay sumusunod sa mga nakalaan na patakaran na nilatag ng akmang ahensya ng gobyerno. Isa sa mga bagay na nararapat na masigurado ay ang pagkakaroon ng tiyak na pamantayan sa kaligtasan, seguridad, kapaligiran, at kalidad ng nasabing LPG na binibili sa merkado ng ating mga kababayan. 


Kung kaya, may mga akto na masasabing paglabag sa batas tulad ng nakasaad sa Seksyon 39 ng R.A. No. 11592 patungkol sa tinatawag na “underfilling” o kakulangan sa akmang timbang ng LPG na ibebenta sa merkado.


Ayon sa nasabing probisyon ng batas, matatawag na underfilling o isang akto na paglabag sa batas kung ang: a) refiller kapag ang net quantity ng LPG na nilalaman sa isang LPG pressure vessel na ibinebenta, inilipat, inihatid, o pinunan ay mas mababa kaysa sa kailangang nilalaman ng LPG pressure vessel sa refilling plant; at (b) dealer o retail outlet kapag ang net quantity ng LPG sa isang LPG pressure vessel na ibinebenta, inilipat, o inihatid ay mas mababa sa kinakailangang laman ng isang LPG pressure vessel.


Karagdagan dito, nabanggit sa parehong probisyon ng batas na kung naaangkop, ang isang sira, pinakialaman, nawawala, o tinanggal na seal, o isang LPG pressure vessel na walang tamang seal na nakakabit dito, ay dapat ituring na prima facie na ebidensya ng underfilling.  


Kung kaya bilang kasagutan sa iyong katanungan, sang-ayon sa batas, ipinagbabawal ang underfilling o pagbebenta ng may mas mababang timbang o laman kaysa sa kinakailangan o required na laman ng isang LPG pressure vessel. Nararapat na angkop ang timbang ng produktong LPG upang mapanatili ang kalidad nito at masiguradong ligtas itong magamit ng mga mamimili.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Apr. 14, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

52% MAHIRAP NA PAMILYANG PINOY, LALONG NAGHIRAP SA MARCOS ADMINISTRATION -- Sa latest survey ng Social Weather Stations (SWS) ay 52% ng pamilyang Pilipino ang nagsabi na itinuturing nila ang kanilang mga sarili na sila ay mahirap.


Sa totoo lang, ang mga pamilyang iyan na nagsabi na sila ay nananatiling mahihirap ay sila iyong mga bumoto kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM) noong 2022 presidential election sa pag-aakala na ito ang magbibigay ginhawa sa kanilang pamumuhay, iyon pala ay hindi dahil mas lalo silang naghirap, period!


XXX


PARANG KUMUHA NG MGA BATONG IPINUKPOK SA KANILANG MGA ULO ANG 52% NA MAHIHIRAP NA PAMILYANG PINOY NA BUMOTO KAY PBBM -- Buong akala ng 52% pamilyang Pinoy na totoo ang mga sinasabi ng noo’y Bongbong Marcos (BBM) na iaahon niya sa kahirapan ang mga maralitang pamilya, iyon pala ay fake news ang mga pinagsasabi nito.


Dahil nga nananatiling mahihirap ang 52% na pamilyang Pinoy na ito, ngayon nila napagtanto na para silang kumuha ng bato na ipinukpok nila sa kanilang mga ulo sa pagboto kay PBBM, boom!


XXX


NAKALULUNGKOT ISIPIN ANG NANGYAYARI SA ‘PINAS, MGA PARTYLIST NG MGA POLITICAL DYNASTY PATULOY NA NAMAMAYAGPAG SA MGA SURVEY -- Sa mga survey patungkol sa mga partylist ay namamayagpag ang partylist ng mga political dynasty o “Kamag-anak Inc.” at nangungulelat naman ang mga partylist ng mga marginalized sector.

Iyan ang nakalulungkot na nangyayari sa ‘Pinas, mas gustong iboto ang partylist ng mga magkakapamilyang pulitiko kaysa sa mga totoong partylist na magri-represent sa mga sektor ng mga magsasaka, manggagawa, mangingisda, katutubo at tsuper, tsk!


XXX


KUNG TOTOO ANG SINABI NI PBBM NA TODO-SUPORTA SIYA SA MGA MAGSASAKA, DAPAT GAWING IPAWALANG-BISA ANG ‘RICE TARIFFICATION LAW’ -- Sa pagbisita ni PBBM sa Sarangani ay ipinangako niya ang todong suporta ng Marcos administration sa mga magsasaka.


Maituturing na pang-uunggoy sa mga magsasaka ang sinabing ito ni PBBM kasi kung gusto niya talagang makapagbigay ng todong suporta sa mga magsasaka, ang dapat niyang gawin ay ipawalang-bisa ang Rice Tariffication Law at itigil na ang pag-aangkat ng mga imported rice, period!

 
 

ni Ryan Sison @Boses | Apr. 14, 2025



Boses by Ryan Sison

Sa pagsisimula ng selebrasyon ng Mahal na Araw, hindi maiaalis ang posibleng mga insidente na mangyari, kung saan puwedeng maglagay sa atin sa alanganin.


Kaya naman ang Department of Health (DOH) ay in-activate at itinaas ang Code White Alert sa buong pagdiriwang ng Semana Santa bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa anumang mga insidenteng may kinalaman sa kalusugan na maaaring mangyari sa panahon ng pag-uwi ng mga Pilipino sa kanilang lalawigan, pagpunta sa mga simbahan, at tourist destinations. 


Ayon sa DOH, epektibo ang Code White Alert simula Abril 13, Linggo ng Palaspas (Palm Sunday), hanggang Abril 20, Linggo ng Pagkabuhay (Easter Sunday). 


Ang Code White Alert ay karaniwang idinedeklara ng health department sa panahon ng national events, holidays, o pagdiriwang na posibleng magdulot ng mga insidente ng mass casualty o emergencies upang matiyak ang kahandaan ng mga health facility, at kanilang personnel.


Sa ilalim ng naturang alert status, ang lahat ng mga medical personnel, lalo na ang mga nasa emergency room at critical care units, ay handa para sa potensyal na pagtaas ng volume o pagdami ng mga pasyente dahil sa mga aksidente, injuries, o iba pang mga health-related incidents na maaaring mangyari.


Hinimok naman ni DOH Secretary Ted Herbosa ang publiko na manatiling mapagbantay at magsagawa ng mga kinakailangang pag-iingat para masigurong ligtas at maayos ang kalusugan habang ipinagdiriwang ang Semana Santa.


Nagpaalala rin ang kalihim na dapat maging alerto sa pagbibiyahe ang mga mamamayan dahil sa matinding init upang maiwasan ang heat stroke at palaging uminom ng tubig. 


Tiniyak naman niyang bukas ang mga ospital at nakaantabay lamang ang lahat ng healthcare worker para maserbisyuhan at mabigyan ng lunas ang anumang karamdaman.


Sa paggunita natin ng Semana Santa, hindi talaga maiiwasan ang mga aberya o hindi inaasahang pangyayari habang marami sa atin ang uuwi sa mga probinsya, magbabakasyon sa ibang lugar at dadalo sa mga gatherings.


Ito lang kasi ang panahon na makakasama nang mahaba-haba ang kani-kanilang mga pamilya gayundin, makapagpapahinga. 


Subalit, dapat ay pairalin natin ang pagiging responsable at disiplinado, habang dagdagan natin ang pasensya sakali mang may makakasagupa tayong medyo pasaway na mga indibidwal. 


At dahil napakaraming pagtitipon na ating dadaluhan, siguradong marami ring mga pagkain na ihahain, kaya naman sana iwasan nating kumain ng alam nating makakasama rin sa atin. Hindi biro ang magkasakit at maospital dahil tiyak na gastos iyan at puwedeng manganib ang ating buhay. 


Payo natin sa mga kababayan, maging alerto at mag-ingat tayo nang husto upang sa gayon ay maging makabuluhan at mapayapa nating maipagdiwang ang Mahal na Araw.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page