top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | June 16, 2021




Nawawala! Kahit ilang beses mo nang inikot ang buong kalye ninyo maging ang parking lot at nagtanung-tanong ka na at ginawa mo na ito sa loob ng 10 beses, pero wala pa rin doon at hindi mo makita.


Tanggapin mo na ang totoo. Ninakaw na ang sasakyan mo. Lagi namang naka-lock ang pintuan at nakasarang mabuti ang mga bintana, pero sisiw lang iyan sa mga bihasang mga karnaper.


Ano ngayon ang susunod mong gagawin? Anumang oras na mawala iyan, unang bagay na nararapat gawin ay i-report agad sa pulisya ang pagnanakaw ng behikulo.


1. Tawagan agad ang himpilan ng pulisya. Tiyaking magamit ang numero ng mga non-emergencies.


2. Hintayin ang mga pulis na dumating. Darating sila sa lugar mo para hingan ka ng statement at mabuo ang kanilang police report hinggil sa pagnanakaw ng iyong sasakyan. Depende rin kung minsan na gaano ka-busy ang mga pulis, kaya medyo matagal din silang dumarating.


3. Dapat mo nang kumpletuhin ang mga detalye hinggil sa nawawalang sasakyan. Maraming itatanong ang pulisya, kung kailan at paano nawala ang behikulo. Maging handa sa pagbibigay ng tamang mga kasagutan na detalyado at tama. Habang mas marami kang impormasyon na maibibigay, mas makatutulong ito sa pulisya para mahanap nila ang sasakyan mo.


4. Tawagan na rin kaagad ang iyong insurance company. Oras na nakaalis na ang mga pulis, tiyakin na maire-report mo na rin ang iyong ninakaw na behikulo sa car insurance agency. Bibigyan ka nila ng financial compensation, depende sa detalye ng iyong hinihingi.


5. Makipagkasundo sa pulisya kung gaano katagal ang imbestigasyon. Iimbestigahan nila ang pagnanakaw ng iyong sasakyan. Depende sa sirkumstansiya ng magnanakaw at mga available clues, tulad ng CCTV, kung nakuhanan ba ang mga suspek, maaaring kahit anong araw o buwan hanggang sa mahanap na nila ang inyong sasakyan. Sa ilang bigong kaso, maaring hindi na nila matagpuan pa ang behikulo.


 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | June 13, 2021




Kung dito sa atin sa Pilipinas ay idinaos ang Araw ng Kalayaan kahapon o Kasarinlan na ating ipinagbubunyi, sa ibang bansa kahit may pandemic tuloy pa rin ang girian, civil war ika nga. Kung may mga Pinoy na hindi mapigilang bumiyahe sa mga bansang nagbobombahan tulad ng Israel-Palestine conflict dahil may babalikang trabaho roon o misyon sa Ethiopia, Afghanistan, Armenia-Azerbaijan, Central Africa at Congo tandaan mabuti ang tips na ito.


Bombahan at patayan lalo na sa bansang Israel kung saan maraming sibilyan ang nadamay pati ang ilang istruktura at tahanan dahil bawian ng teritoryo sa Gaza na inilalaban ng Palestinians.


Blacklisted na rin sa maraming bansa ang mga nabanggit na nagkakagulong bansa para sa mga bibiyahe patungo roon. At kung mapilit pa rin na magpunta ang isang turista ay kailangan ng ibayong pag-iingat at ika nga “travel at your own risk.”


Ang mga politically unstable countries ay napakahirap sabihing ligtas na puntahan. Hindi advisable na pamalagian. Kung sadyang mapilit ka na magpunta riyan heto ang tips kung paano magiging maingat sa mga bansang nagkakagulo at may giyera.


1. Magsaliksik munang mabuti sa bansang magulo na pupuntahan. Napaka-peligroso talaga ng iyong gagawin. Tsekin sa Dept. of Foreign Affairs, maging sa Immigration Dept., sa Embahada ng bansang pupuntahan, consulate at anumang opisina ng gobyerno na puwedeng mapagkunan ng sapat na minute travel alert warnings at makapagsasabi ng tamang impormasyon ng pangkalahatang sitwasyong pulitikal, ligtas na espesipikong mga gagawin sa naturang bansa, impormasyon sa relihiyon at kanilang trato sa mga dayuhan.


Tsekin din ang antas ng krimen sa partikular na lugar na pupuntahan sa naturang bansa na gusto mong puntahan. Alamin din kung may katatapos na naganap na hostage situations, may mga nakulong, kinidnap, mga pinatay, na-carjack, mga ninakawan, etc. Hindi sa tinatakot kayo pero mas mainam nang may sapat kayong impormasyon.


2. Matibay na rason kung bakit ka pupunta roon: puwedeng rescuers, peace keepers, misyonero, journalists, mersenaryo at sundalo o adventure travel sa anumang kondisyon, pero huwag pupuntahan ang “mainit” na lugar o hot-zone area kung saan naroon ang kaguluhan at giyera. Ang mga bansang may napakataas na crime rate ay nasa kategorya ring ito.


3. Ilegal na imungkahi sa iyo na magkaroon ng dalawang pasaporte ng magkaibang citizenship. Ang dual citizenship ay posible bagamat hindi ito pinapayagan. Kaya iminumungkahi na magdala ng isa o dalawa pang I.D., pasaporte, visa at iba pang dokumento para mayroong pagkakakilanlan sa iyo.


Magkaroon ng kabuuang cover story ng magkahiwalay na citizenship lalo na kapag minalas sa anumang sitwasyon o hostage crisis. Praktisin ang accent ng Australian, o kaya ay iba pang bansa na hindi affiliated ng NATO, o bansang neutral sa nagkakagulong bansa.


Mahirap man ito, pero ito ang mundo ngayon, para mailigtas mo ang iyong buhay. Tandaan ang artikulo na ito kung sinuman ang nagnanais na maging dayuhan sa bansang nagkakagulo o may giyera.


4. Sulatan ang lahat ng itinerary plans at i-photo copies ang ID. Sabihin sa pamilya at mga kaibigan ang iyong plano. Makipagkasundo sa mga lokal na pulisya o awtoridad.


5. Kung bibiyahe, mag-travel pa rin ayon sa iyong mga karanasan at tanggapin ang kultura. Magkaroon ng maraming kaibigan, pero maging alisto pa rin sa kalagayang pulitikal at pakikipag-usap hinggil sa relihiyon kahit gaano ka man kainosente.


Unang-una, tulad na lamang sa ilang bansa sa Latin America na laganap ang patayan at kaguluhan doon dahil sa droga. HUWAG NA HUWAG KANG MAKIKIPAG-NEGOSASYON DOON SA HINDI MO KAKILALA AT BAKA MAGAMIT KA SA ILEGAL NA GAWAIN KAHIT NA MAGLILIBANG KA LANG, tiyak na buhay mo ang kapalit.

Pangkaraniwan na ang death penalty sa maraming third world countries kahit na gakulangot lang na dami ng droga. IWASAN DIN ANG LUGAR NA SINASABING LAGANAP ANG PROSTITUTION TRADE, MONEY LAUNDERING SCHEMES, upang hindi ka madamay, hindi ka nakasisiguro ng iyong kaligtasan.


6. Maging alerto sa pagpasok at paglabas. Huwag mong isipin na lagi kang welcome. Napag-aaralan ng mga kriminal ang padron mo bago sila umatake. Huwag kang magtatagal sa ganitong lugar para maiwasan na mabiktima ka nila, maliban lang kung may work assignment ka. Bilang dagdag, mag-ingat din sa picture taking.


Maging alisto na marami sa iba’t ibang kultura ang ayaw ng may nagpapalitrato na dayuhan. Sa nakatatakot pang sitwasyon, maraming dayuhan ang naaakusahan ng pang-eespiya sa mga kodakan.


Parusang kamatayan din ang kanilang ibinigay na parusa mga maaakusahang ganito. Maging matalino at ibahagi ang iyong mga karanasan sa iba oras na nakabalik na sa ligtas mong bansa.


7. Huwag magbiyahe sa mga magugulong lugar kasama ang pamilya at mga bata, para isipin na mainam silang pangkober o ang ilipat ang pamilya sa pinagtatrabahuhan. May mga taong maaaring kamuhian ka at maging target ka nila.

8.Maging seryoso sa pagsasaliksik at simulang unawain ang gulo sa bansang pupuntahan.


9. Bukod sa mga nabanggit na bansa, pinakamainam na suriin sa ngayon sa internet kung anu-ano pang mga bansa ang may civil wars o gulo. Hindi inirerekomenda ang sight seeing sa bansang Iraq. Kuha mo?


Ikaw lamang ang nakaaalam sa iyong sarili kung ano ang tama at komportable sa pagbiyahe. Kung may prebilehiyo ka na magbiyahe sa mga ganyang lugar, itala lahat ng karanasan. Lagi nating hangad ang pinakamabuti sa lahat ng iyong pagbibiyahe.


 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | June 06, 2021




Mga extortionists umano ang nanunog ng isang pampasaherong bus sa Cotabato kamakailan kung saan 3 pasahero ang nasawi at lima ang sugatan dahil sa naganap na pagpapasabog at pagsunog sa sasakyan na lulan ng ilang pasahero.


Panahon ngayon ng pagluwag ng gobyerno sa pagdayo ng mga turista sa iba't ibang lugar sa bansa kaya lagi tayong maging alisto sa pagbiyahe.


Nadadamay ang mga inosente, napakahalaga na maging alerto tayo at mapagmasid sa ganyang mga pag-atake.


Heto ang tips at mga dapat gawin kahit na sa maliit na paraan lang ay mapatatag natin ang ating seguridad sa mga ganitong mga insidente ng biglaang pag-atake ng mga ito.


1. ANG PAGPAPLANO NG BIYAHE. Ang maingat na planong pagbiyahe ay isa sa pinakamahalagang hakbangin na maaaring sundin para mas maging ligtas ang sarili at ang buong pamilya. Kung plano ng isang foreigner na magtungo sa lugar na alam mong peligroso para sa kanila ay sabihan na ang mga iyan. Tsekin muna nila kamo ang mga lugar na plano nilang bisitahin at pamalagian. Halimbawa, kumusta ba ang peace and order security sa lugar lalo na kung may history na ng mga nakaraang pag-atake ng terorista roon? Isulat din ang mga ginagawang pag-iingat ng mga naninirahan doon para maiwasan ang anumang katulad na insidente.


2. ANG PAGPILI NG HOTEL. Oras na husto na ang iyong pagsasaliksik hinggil sa lokasyon ng iyong pagbisita, tsekin ding mabuti ang hotel sa lugar. Mas mainam na pumili ng hotel na mas malapit sa istasyon ng pulisya o iba pang secured areas. Mainam na ideya na tanungin ang hinggil sa seguridad ng hotel management bago manuluyan dito.

Tiyakin na mayroon silang metal detectors, mahigpit na seguridad at mapagmasid sa lahat ng lugar. Matapos ang pag-atake sa isang bus sa Cotabato, ito na marahil ang mainam na senyales na dapat pag-ingatang mabuti ng ating mga kababayan ang mga dayuhan.

3. SABIHAN ANG MGA KAIBIGAN AT PAMILYA. Mainam na pagsabihan na agad ang mga kaibigan, kaanak o kapamilya hinggil sa planong pagbibiyahe at ibigay sa kanila ang contact information mo habang nasa malayo ka. Ang emergency contact information ay napakahalaga kung bibiyahe sa Mindanao, sakali man.


4. MAGING VIGILANTE SA PALIPARAN. Mula sa umpisa ng pagbiyahe sa eroplano hanggang pagdating sa destinasyon, laging manatiling alerto. Napakaraming mga kaso kung saan ang mga terorista ay pakay ang mga inosenteng pasahero sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga sandata sa kanilang mga bagahe at saka ito kinukuha pagdating sa kanilang destinasyon. Kaya hindi dapat mawala sa paningin mo ang iyong bag kahit na tatlong segundo lamang.


5. LUMAYO SA MGA HINDI KAKILALA. Hindi mo alam kung anong uri ng pagkatao ang mga taong iyong nakikita o nakakasalamuha habang nasa biyahe. Lumayo sa mga hindi kilala. Napakadali na mabingwit sa mga kuwentuhan at mga nakahihimok na salita kapag nakipag-usap ka sa mga iyan.


6. ANG KAGAMITANG PANG-KOMUNIKASYON. Tandaan na i-active ang roaming services ng iyong cellphone kung nasa liblib na lugar sa Mindanao o saan mang lugar na medyo peligroso. Ang mga communication devices ay napakahalaga sa anumang kalamidad at makatutulong para makapagligtas ng buhay. Sa ganyang mga pag-atake, ang daming nai-stranded sa hotels kaya madali nang matatawagan ang pulisya at masabi kung saan kayo nakahimpil sa ngayon.


Mahalaga rin ang magkaroon ng internet capable device, makatutulong ito.


7. MAGING ALERTO SA PAMPUBLIKONG LUGAR. Obserbahan ang lahat ng tao. Ayos lang na magsuspetsa ng konti sa anumang sitwasyon. Kung may nakikita kang kakaibang aktibidad, agad mag-report sa pulisya. Ang ilang tao ay ay nakalilimutan ang kanilang bags at iba pang dalahin sa mga restaurant o banyo. Agad na timbrehan ang pulisya. KUNG NAIISIP MO NA MAY KAKAIBA SA ISANG NAKABALOT NA BAGAY, MAAARING TOTOO ANG IYONG HINALA.


8. PAMPUBLIKONG TRANSPORTASYON. Iwasan ang pampublikong mga sasakyan. Umupa ng sasakyan. Higit kasing umaatake ang mga terorista sa mga pampublikong sasakyan o pamilihan na mataong lugar.


9. SUNDIN ANG IYONG PLANO. Ang panghuli, sundin ang iyong mga plano. Kung plano na magtungo sa isang lugar, doon ka lamang at huwag ka nang gagawi sa iba pang lugar. Ito ay napakahalaga dahil kung magpapalit ka pa ng plano baka maligaw ka pa at may posibilidad na mapunta ka sa lugar hindi mo kabisado ang seguridad.


10. MAGING ALERTO, ALISTO AT MATALINO. Sa lahat ng mga payong ito, mayroon pa ring posibilidad na baka matakot ka nang magbiyahe. Gayunman, ang mundo ay karapatan nating ikutin at bisitahin para mag-sight seeing, para sa larangan ng business, kailangang puntahan para sa trabaho o papasyalan.


Ang mga hakbangin na nabanggit ang makatutulong sa iyo para makapaghanda sa banta ng anupamang masamang bagay. Ito’y para mas madama mo ang kumpiyansa sa kaligtasan saan ka man magtungo. Labanan natin ang terorismo, at ang tanging paraan na magagawa iyan ay iyong hindi natin sila katakutan, kundi kapag tayo’y nagkaisa, mas malakas tayo sa kanila!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page