top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | June 27, 2021




Gusto mo bang maging advance pa ang iyong kaalaman hinggil sa iyong propesyon o mahal mo lang talaga ang industriya ng iyong trabaho? Ang maging isang eksperto ay masasabing lumilikha ng daan tungo sa katagumpayan sa karera. Kung marami ka pang gustong patunayan sa bahagi na iyan ng araw-araw mong trabaho, may pagkakataon pa. Heto ang ilang paraan upang umabante ka tungo sa iyong hangarin na mas maging matagumpay pa sa career.


1. Maglaan ng higit pang oras. Bagamat hindi ka maaaring maging eksperto sa lahat ng bagay kung wala kang sapat na oras o sobrang oras na igugugol para rito at daranas pa ng anumang mga bagay na dapat tuparin sa trabaho, kailangan mo ng matinding karanasan para maabot ito. Kung bagong graduate ka sa college, maglaan ng ilang mga taon pa sa career at tingnan kung saan papunta ang iyong sinisimulan.


2. Makipag-ugnayan sa iba pa. Ang mga eksperto ika nga ay laging may kuwentong ibinabahagi at palagiang may damdamin hinggil sa trabahong kanyang hinahawakan kapag may sapat siyang koneksiyon sa iba. Sa pamamagitan ng networking o kaya ay pagdalo sa mga seminar at training, maging ang pakikilahok sa book searching ay doon magsisimula ang iyong pundasyon tungo sa mas malalim pang kaalaman.


Kaya kailangan mo ng sapat at maraming oras para tumatag ang iyong karanasan bago ka magsimulang isulong nang husto ang pagiging eskperto sa iyong karera o propesyon.


3. Ipagpatuloy ang pag-aaral. Magpatuloy pa sa pagiging dalubhasa sa iyong pag-aaral. Kahit na hindi ka nage-enroll sa isang kurso, mananatili kang nasa ituktok ng iyong industriya kung magtatatag ka ng industry websites at trade publications o kaya ay programa sa youtube, ika nga ay para isiwalat mo ang kagalingan ng iyong kumpanya maging ang pagiging eksperto sa isang larangan.


4. Sumulat ng isang aklat. Sa ngayon, marami na ang naglalakas-loob ng maglimbag ng sariling aklat. Gaano man kanipis o kakapal ang aklat na iyong gagawin, sapat na sa tingin mo na maibahagi ang iyong karunungan, mas madali na ngayon na gumawa ng libro. Kahit na napakahirap ang preparasyon nito, ito pa rin ang siyang magiging batayan para magkaroon ka ng matatag na pundasyon para sa pagiging espesyalista mo sa isang bagay.


5. Isiwalat ang husay at i-promote ang sarili. Oras na mayroon ka nang aklat, magkakaroon ka ng oportunidad na maging tagapagsalita at makapagsulat ng iyong paksa sa mga trainings at seminars o symposium sa mga unibersidad. Puwede kang gumamit ng mga PR sources para magsalita hinggil sa iyong pagiging eksperto. Lumikha ka rin ng website o youtube na mai-market ang sarili para imbitahan bilang tagapagsalita, maibahagi ang mga artikulo na iyong naisulat at iba pang updated material.


6. Huwag gagamitin ang terminong “expert.” Mas mainam na magmula sa ibang tao ang salitang expert kaysa naman ang ikaw ang siyang unang magtaguri nito sa iyo. Magiging parang nagyayabang ka lamang. Sa halip mas mainam nang mailahad ang salitang “specialist” kung nais mong lagyan ng titulo ang iyong husay.


 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | June 21, 2021



Ilan na ba ang napabalitang sumalakay ang isang alagang aso kahit mismong sa kapitbahay lang ay hindi nakilala. Guard dogs daw ang mga ito, pero ang mga epektibong guard dogs ay dapat na tapat, matalino at mapagmahal sa kanyang teritoryo, pero hindi kailangang agresibo. Ang ilang lahi ay epektibo dahil malalaki at nakatatakot talaga ang hitsura, malalaki ang boses kapag kumahol at sumisingasing para balaan ang mga masasamang loob dahil lang sa kahol na iyon. Maraming lahi ng aso ay pinalalaki para maging guard at magbigay proteksiyon ang kanyang trabaho, habang ang ibang lahi naman ay dahil hindi marunong matakot at talagang sumasalakay.


1.Doberman Pinscher. Ang Doberman noong sinauna ay pinalahian upang proteksiyunan ang mga tax collectors habang nasa trabaho.


Ayon sa kasaysayan ang Doberman ay pinalalahi para bantayan ang mga tax collector para magbantay sa kanila. Ang Doberman ay may laking medium hanggang sa pinakamalaki na may kulay itim, matulis na mukha at madalas na malaki ang tenga at mahaba ang buntot. Napakatalino nila at sobrang nate-train at wala ring takot sa mga masasamang loob. Dahil sa kanilang natural na husay sa proteksiyon at katapatan sa amo niya, madalas siyang gamiting police dog, search dog at guide dog para sa mga bulag.


2. German Shepherd. Ang German Shepherds ang pinakapopular na lahi para sa mga pulis at sundalo.

Pinalahian sila bilang herding dogs, ang german shepherds ay malalaki at hitsurang lobo, mababa ang likuran at madalas na kayumanggi o maitim ang kulay.


Popular silang pinalalahian para maging partner ng pulis at sundalo o bilang miyembro ng canine units dahil matatalino at madaling maturuan.


Mababait sa mga bata at sobrang mapagbantay sa kanilang teritoryo at agresibo kapag ang kanilang ugali at hindi namomonitor at nakausap o nati-train nang araw-araw.


3. Rottweiler. Pareho sila sa Doberman ng kulay, ang Rottweilers ay may mabigat na katawan at madalas na ang kanilang tenga ay malaki.


Malaki rin ang kanilang ulo at may makapal ding buntot. Orihinal siyang pinalalaki para magbantay sa mga baka at maging ang mga pastol ng baka at kambing. Wala silang takot at may matatag na isip, mabait sa mga bata at highly trainable dahil sila ay tapat at handa laging bigyan ng kasiyahan ang kanilang amo.


4. Ridgebacks. Ang kanilang pagiging malaki ay sadyang nakatatakot para sa sinumang tao at mga masasamang loob.

Parehong ang Thai Ridgebacks (mula sa Thailand) at Rhodesian Ridgebacks (mula sa Africa) ay mainam alagaan bilang guard dogs, sa kanilang laki at nakatatakot na pagtindig. Ang Thai Ridgebacks ay orihinal na naging lahi para manatiling guwardiya sa tahanan ng mga magsasaka habang nasa bukid sila, bagamat hindi sila madaling hasain tulad ng iba pang lahi ay nagbibigay sila ng proteksiyon sa kanilang teritoryo at tapat. Ang Rhodesian Ridgebacks ay mababait sa mga bata pero hindi likas na masunurin, bagamat ayaw nilang maiingay ang kanilang amo. Sobrang matalino at kaaway talaga ng hindi niya kilala, sobrang protective sa tahanan at sa buong pamilya.


5. Giant Schnauzer. Ang giant schnauzers ay malaking bersiyon ng standard schnauzer, na may parehong hitsura at personalidad. Ang lahi nito ay bilang isang guard dogs para sa mga namimili sa grocery. Ang Giant Schnauzers ay malaking bersiyon ng standar Schauzer. Mahaba ang kanilang mga buhok at balbas, makapal ang kilay at madalas na makapal din ang mga balahibo sa buntot at maliit lamang ang tenga. Napakaalerto nila at maaasahan, mabait din sa mga bata at likas na mapagmahal sa kanyang teritoryo. Habang tine-train ito, madali silang ma-bored kapag hindi sila binibigyan ng sapat na pagkalinga sa isang buong araw at kailangan ng training nang regular.




 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | June 20, 2021




Isang Special Father's Day story ito. Madaling araw kung magising si Itay, nagdidingas ng panggatong para simulan na niya ang pag-iinit ng tubig, pagkatapos saka magsasaing at magpiprito ng daing na kinawil pa niya sa dagat.


Habang nakasalang ang niluluto niya, pupunta siya sa likod bahay para kumuha ng ilang piraso ng dahon ng saging at doon niya ibabalot ang baon ko na itlog at kamatis. Pagbalik niya ay tutungo siya sa dakong bintana ng silid ko para gisingin ako, "Mario, Mario, anak, gising na at papasok ka na," pagaralgal na boses ni Itay, habang kumukuha siya ng ilang piraso ng itlog na mainit-init pang galing sa kanyang inahin.


Habang inibabaw niya sa iniinin na kanin ang mga itlog ay isinasalin naman niya ang laman ng kumulong takure sa isang timba ng tubig na pampaligo ko, "Handa na rin ang pampaligo mo, anak, isahod mo na lang sa batya ang katawan mo ha, at ipandidilig ko na lamang sa halaman mamya ang ipinampaligo mo," tuwinang bilin nito sa umaga.

Iniaayos na niya ang uniporme kong pamasok, sapatos at bag habang ako'y naliligo, papasakalye pa yan na, " Anak, mamaya ko na didikitan ng rugby ang butas mong de goma, pati itong bag mo punit na pala, tatahiin ko rin 'pag nakahiram ako sa lola Tasing mo ng gamit."


Pagkabihis at pagkakain ko imbes na sumasabay si Itay sa akin ng agahan ay tinitipon na niya ang labahin, mga marurumi kong damit, kobre kama na kahit kubo lang ang bahay namin ay nakahiga ako sa kutson, kahit si Itay ay sa papag at banig lang ang pinaka-kobre kama.


May sarili akong aparador, may kurtina ang kuwarto ko, may maliit na TV, makinilya na mumurahin lang na sinikap niyang ipundar kahit na ang kapalit nito ay ang inahin niyang baka noong nag-high school na ako.


Minsan ko lang nabanggit sa kanya na pangarap kong maging isang sikat na direktor at writer at sinorpresa niya ako ng isang typewriter galing sa eskuwela.


Tanging tatlong piraso ng bangko ang sala namin. Ang bungad ng kubo namin ay pulos dinaing na isda ang nakasabit. May mga banga na iniimbakan ng patis. Sa silid ni Itay ay tanging isang maliit na kabinet na kahoy lang ang naroon na lagayan niya ng damit, nandun na lahat ng gamit niya, isang kupasing tsinelas na isinusuot niya lang 'pag may PTA meeting sa iskul namin.


Sampung taon na buhat nang mamatay si Inay sa panganganak sa akin bilang panganay nila ay si Itay na ang nagtataguyod sa akin. Ni minsan ay hindi ko siya nakitang nakipagbaylehan sa tumana at hindi siya nanligaw.

Wala akong nakitang pinagbigyan niya ang mga tomador sa kalyeng nadadaanan para lamang tumagay siya. 'Yun nga lang hindi niya ako maturuan sa assignment ko 'pag academic subject na ang pag-uusapan. 'Di raw niya kayang gawin 'yun, di raw siya tapos ng elementarya, pero pagdating sa mga project ko sa practical arts, ang husay niya. 'Pag iniwan ko sa kanya ang paggawa ng kariton, tahimik niyang inuumpisahan 'yun at hindi niya tutulugan kahit mapuyat pa siya ay matapos lang ang proyekto ko. Nauuna pa ako sa mga kaklase ko na magpasa ng project sa iskul pag siya na ang gumawa.


'Di man siya palasalitang tao at makuwento ay masarap naman siyang kasama sa buhay sapagkat lahat ng klase ng proteksiyon ay ibibigay niya sa'yo.


Halos ako lang ang nakakulambo, siya ay hindi, sanay daw siya sa lamig. Maski may sakit siya at paulit-ulit ang ubo na 'di niya inaalintana dahil sa madalas siyang matuyuan ng pawis sa bukid ay tatanggapin niya ang pakyawang pag-ani. Pang-matrikula ko lang ang makukuha niya roon sa pagkokolehiyo ko.


Kaya naman kahit anong tawag ng kalokohan sa paligid ko sa eskuwela ay 'di magagawang sirain ang pangarap sa akin ni Itay. Tatapusin ko ang aking pag-aaral at ihahandog ko sa kanya ang lahat ng aking karangalan, paglilingkuran ko siya kapag nakapagtrabaho ako. Ibibigay ko sa kanya lahat ang unang suweldo ko. Tapos ay mag-iipon ako upang maipagawa ko ang aming kubo. Magpapagawa ako ng de makinang poso dito sa lugar namin para may patubig na hanapbuhay si Itay para hindi na siya iigib kapag kailangan namin. Isa pa'y may rayuma na siya at malakas na ang panginginig ng kanyang mga kamay dahil sa pasma. Ngayong Araw ng mga Ama, dinadakila kita Itay, hindi mo alintana ang puyat, gutom, at pagod upang ako lamang ay iyong itaguyod. Unang taon ko sa trabaho bilang scriptwriter sa isang telenovela ay inspirado ako dahil sa kanya. Salamat Inay, ibinigay mo sa akin si Itay! (Balik-tanaw na kuwento ng isang masipag na manunulat sa telebisyon at radyo).

 
 
RECOMMENDED
bottom of page