ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | July 01, 2021

Hey, girl! ano ba?! Hindi pa end of the world kapag lampas ka na sa edad 35 at single ka pa rin,
Huwag kang mag-aalala kung magbi-birthday ka naman tapos ay ganun pa rin wala ka pa ring jowa, dahil ang katwiran mo ay nakakulong ka sa bahay dahil pandemic, kaya lalo kang hindi makahanap ng the one mo. Heto ang tips ng mga eksperto para di ka maburyong sa edad mo.
1. JUST WANNA HAVE FUN. Burahin na ang dating routine, gumawa ng isang bagay na kakaiba. Puwedeng pag-aralan ang pagha-hardin dahil uso na ang pagiging plantito o plantita, pagluluto, financial management, photography, scuba-diving, belly dancing, pagkanta na bagay sa boses mo, mag-aral tumugtog ng piano at gitara, baguhin ang kulay ng buhok etc.
Ibang bagay nga naman ang iyong gawin, kung halos 38 oras kang nagtatrabaho sa isang Linggo. Hindi na kasi healthy ang pagkauwi ng bahay ay agad kang mauupo sa sofa, manonood ng TV, paano ka pa magiging attractive sa iba niyan?
2.Makipag-usap sa chat matagal nang hindi nakakausap o nakikitang kaanak o ibang kaibigan kahit napipilitan ka. Manamit ng maayos, ayusin ang sarili at palagiang ngumiti. Sa sandaling masaya ka sa piling nila, ipaalala mo sa kuwentuhan ang mga dati ninyong pinagsamahan at mga ginagawa, iyong masasaya kayo noong bata pa. Pakinggan din ang sasabihin ng iyong mga tiyahin at tiyuhin, lolo at lola. Magiging masaya kayo lahat kapag nagkakuwentuhan.
3.Magboluntaryo sa isang community pantry, charitable organization o non-profit institution. Maaring ito ay sa isang simbahan, bahay-ampunan, elderly home, home for differently abled, soup kitchen. Magsimula sa isang bagay na magagawa mo nang mabuti at maibahagi ang iyong talento. Hindi lang sa nakakatulong ka sa mga kapus-palad kundi malay mo dito mo makilala ang taong may ginintuang puso.
4. Ang iba ay nagagawa lang ang dating online at sa paraan na diyan sila kuntento. Huwag kang magmadali sa paghahanap ng ka-date, ang iba ay nage-enjoy lang sa online dating. Konting tiyaga lang, malay mo siya na ang iyong makapalad sa dakong huli.
5. Kung may tsansang magbiyahe at magtungo sa iba’t ibang lugar, basta't lagi lang mag-ingat at sundin ang health at safety protocol para hindi magka-COVID-19, kung kaya ng iyong bulsa ay mamasyal sa ibang bansa. Malay mo sa iyong paglalakbay ay doon mo makilala ang taong magpapatibok ng iyong puso.
6. Huwag masyadong magpapadala sa mga tudyo na, “Hoy, tumatanda ka na, mag-asawa ka na, girl!” Basta’t alam mo sa iyong sarili na pakakasal ka rin sa tamang panahon at may tamang tao na nakalaan para sa iyo. Kaya sa susunod, kapag tinanong ka ng uncle o auntie mo kung bakit hindi ka pa rin ikinakasal, sabihin sa kanila na hindi pa kasi dumarating sa iyo ang taong ipinagkaloob ng Diyos o kaya ay saka sila tanungin kung mayroon ba silang gustong irekomenda at ipakilala sa iyo. Basta’t lagi kang may nakahandang ngiti sa kanila.
7. Ikinasal ka na, at last! Kung nagawa mo na ang lahat ng hakbangin na nabanggit at wala ka pa ring matagpuang Mr.Right o Ms. Right, tanggapin mo na ang blessing ng pagiging single at ikasiya ang damdamin ng ganyang status. Tandaan na ang mga kasal na ay may katuwang na sa kasiyahan, kalungkutan at tone-toneladang responsibilidad. Kung tagumpay at nagkakaedad nang masaya at pagkatapos ay nakatagpo ka nang iyong magiging partner, ayos na, kasalan na.
8.Panghuli, anuman ang iyong estado sa buhay, single, married, hiwalay at anuman ang iyong edad, huwag kalimutan na ingatan ang iyong sarili para sa iyong kinabukasan, matulog nang maaga, kumain ng masustansiya, naibigay mo na ang iyong magagawa at paglilingkod sa komunidad, anuman ang talento na mayroon ka. Lumabas at yakapin ang mundo nang masaya. Magpasalamat ka dahil sa ikaw ay malakas at buhay pa!