ni Nympha Miano-Ang- @Life and Style | August 20, 2021
Malaking investment ang pagkakaroon ng sariling bahay. Sa usapin ng pungsoy, ang investment na ito ay hindi lang tungkol sa pera, kundi investment na rin sa kayamanan at kalusugan ng pamilya at relasyon.
Mahalagang mapa-pungsoy muna ang tahanan bago bilhin ito, bagamat ang pungsoy kadalasan ay may kamahalan at kung minsan imposible.
Heto ang ilang pangunahing pungsoy tips kung may natitipuhang bahay na bibilhin para masabing ito na nga ang iyong dream house.
Okey, sabihin na nating the price is right, nagustuhan mo na rin ang ugali ng nagbebenta at sinabi ng ahente na marami pa silang hinihintay na iba pang interesadong bumili.
1. Tsekin ang hitsura ng kalsada. Pansinin kapag nagda-drive ka patungo sa bahay. Obserbahan ang mga kalye sa paligid ng bahay. Walang dapat na kalyeng nakatumbok sa tahanan.
2. Ang bahay ay dapat naka-concave bend sa kalye, nakapaikot dapat ang kalye sa bahay kaysa ang nakalayo ang kalsada.
3. Hindi rin dapat nakatayo ang bahay sa dead end point ng kalye.
4. Kapag nakaikot o naka-encircle din sa bahay ang kalye ay hindi maganda.
5. Ang bahay ay hindi dapat nakatabi sa dalawang kalyeng magkasalubong.
6. Wala dapat kalye sa harap at likod ng bahay.
7. Ang mga bahay na malapit sa highway, riles ng tren, runways ng airport ay hindi rin maganda.
8. Iwasan ang bahay na masikip sa trapiko ang lugar.
9. Iwasan din ang bahay na nasa ilalim o malapit sa flyover bridges. Ang mainam na bahay ay malapit sa tahimik na kalye, streams o lawa. Ang mga bahay na malapit sa malaking katubigan ay maganda, basta ang kalyeng papasukin ay hindi nakatumbok sa bahay.
10.Obserbahan ang porma ng lupa sa bahay. Ang gusali na malapit sa bangin at bundok ay nakaaapekto sa pungsoy. Isang magandang dapat gawin ay tumayo sa labas ng bahay at luminga sa paligid. Sa isang apartment, mainam na sumilip sa bawat bintana at tingnan ang view.
11. Iwasan ang bahay na pinalilibutan ng nagtatayugang gusali. Pareho rin ito sa bahay na nakaharap sa bangin at malalaking bato.
12. Tingnan ang mga matatalim na dulo ng mga istruktura tulad ng gusali, matatalim na bubungan, sunud-sunod na mountain rocks o malalaking matatalim na dulo ng iskultura sa harap ng bahay. Negatibong enerhiya ang hatid nito sa tahanan.
13. Ang mga power stations malapit sa bahay at mga linya ng kuryente na sumasalabay sa ibabaw ng bubungan ay hindi rin magandang enerhiya.
14. Ang mga gusali, lugar na naghahatid ng sakit at kamatayan, sa bisinidad ay nakaaapekto sa pangit na enerhiya sa bahay. Iwasan ang bahay na dikit sa ospital, sementaryo, hospicio o katayan.
15. Obserbahan ang sitwasyon o ugali ng mga magkakapitbahay. Ika nga ‘No man is an island.’ Gaano man kaganda ang iyong bahay, ang Qi ang nakaapekto sa paligid ng magkakapitbahay.
(Itutuloy)