ni Nympha Miano-Ang- @Life and Style | March 20, 2023
Karaniwan nang pawang mga aktibidad sa simbahan simula ng Araw ng Palaspas o sa unang Linggo ng Abril ang paggunita sa pagkamatay ni Hesukristo.
Likas sa mga Pilipino ang pagiging mapamahiin. Lahat na lang yata ng bagay at okasyon sa ating buhay ay kaakibat ang mga pamahiin o mga paniniwalang nakaugat sa ating kultura at tradisyon. Sa kabila ng katotohanang hi-tech na ang lahat, hindi pa rin nabubura ang ilang paniniwala ng salinlahi at patuloy na binubuhay ng bawat bagong henerasyon.
Narito ang ilan sa mga paniniwalang Pinoy tuwing Kuwaresma na hindi natin maintindihan, karamihan ay walang basehan at nagiging katatawanan, ngunit patuloy na sinusundan.
1. Pag-aakyat sa bundok, partikular ng mga arbularyo, para maghanap ng mga halamang gamot at anting-anting na pinaniniwalaang dumodoble ang bisa kapag nakalap sa Semana Santa, lalo na kapag Biyernes Santo.
2. Paglalagay ng palaspas sa pintuan at mga bintana ng bahay para hindi pumasok ang aswang o demonyo.
3. Ang mga lumang palaspas ay sinusunog at ang abo at hinahaluan ng langis ng niyog at ginagawang gamot – sa sakit ng ulo, tiyan, galis, at mga kati-kati.
4. Guguhitan ng krus ang mga dingding ng bahay para maitaboy ang masasamang espiritu.
5. Bawal maligo ng Biyernes Santo dahil magkakasakit.
6. Iwasang magkasugat dahil mas malalim ito at matagal maghilom.
7. Bawal magsalita ng malakas o tumawa baka ka mabati ng masasamang espiritu.
8. Bawal magwalis, magsibak ng kahoy, magpukpok ng martilyo o gumamit ng kutsilyo dahil “patay” ang Diyos.
9. Ang mga bata ay pinapalo ng baging ng makabuhay para hindi maging sutil o lapitin ng aswang, engkanto o masamang espiritu.
10. Ang langis ng niyog na ginawa sa Biyernes Santo na mabisang pantaboy ng masasamang espiritu ay nakagagaling ng sakit.
11. Ang mga bata ay pinagbabawalang pumunta sa kakahuyan o masusukal na lugar dahil maaari silang batiin ng mga engkanto at papalitan ang kanilang kaluluwa.
12. Bawal mag-ihaw ng isda dahil mangingitim ang iyong mukha.
13. Sa Linggo ng Pagkabuhay, ay pinababasbasan ang mga butong ipupunla upang maging masagana ang ani.
14. Ang ulan sa Linggo ng Pagkabuhay ay itinuturing na agua bendita o holy water na simbolo ng pagbuhos ng biyaya ng Diyos.