ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | May 02, 2021
Peligroso ang ma-heat stroke lalo na ngayong papatindi nang papatindi ang sikat ng araw ng summer month. Kung hindi maiwasan ang paglabas-labas ng bahay sa gitna ng mainit na panahon, kailangan mong manatiling hydrated at iwasan ang sobrang pagpapagod at paghahantad sa init ng araw at alinsangan.
Kung lalabas ng bahay, uminom ng maraming tubig at laging kumober sa mga hindi naaarawang lugar. Dapat mo ring iwasan ang mga likido na lalong magpapataas ng iyong temperatura tulad ng kape at alak.
1. Limitahan ang pagbababad sa mainit na paligid sa labas, at kung lalabas ay sa madaling araw na lamang o maagang-maaga pa at sa dakong paglubog na ng araw. Mas malamig na kahit paano ang temperatura at ito na ang mainam na oras para makapag-ehersisyo at iba pang gawain sa labas ng bahay tulad ng paghahardin.
2. UGALIIN ANG PAG-INOM NG MARAMING TUBIG. Iwasan ang heat stroke sa pag-inom ng tubig kahit na hindi ka nauuhaw. Kailangan mong ihanda ang iyong sarili laban sa init, huwag nang hintayin na mauhaw, basta ang mahalaga lagi kang iinom ng maraming tubig sa panahon na ito. Kung nage-ehersisyo ka, dalawa hanggang apat na baso ng tubig ang inumin kada isang oras. Higit kasing nababawasan ng salt at minerals ang ating katawan habang nagpapawis kaya mahalaga rin ang sports beverage na inumin. 3. IWASAN ANG MGA MATATAMIS NA INUMIN. Ang mga inumin na ito ang magpapabawas ng mas marami pang fluid sa iyong katawan. Bigyang atensiyon din ang temperatura ng iniinom tulad ng sobrang lamig na iniinom o kaya ay may buu-buo pang yelo ang inumin na magiging sanhi ng pagsakit ng tiyan.
4. MANATILI SA LOOB NG BAHAY o establisimyento kapag nasa sobrang kainitan ng araw. Gumamit ng air conditioner. Magpalamig hanggang sa maging komportable ka. Ito ay para matulungan ang katawan na manatiling malamig pagbalik mo sa medyo maalinsangang lugar.
5. MANAMIT NG TAMA. Magsuot ng manipis, cotton at maluwag na damit. Ang itim na shirt o iba pang dark color ang lalong magpapainit sa temperatura ng iyong katawan.
6. Kung hindi naman maiiwasan na magtrabaho sa kainitan ng panahon, palagian na lang na magkober sa mapuno o hindi naarawang lugar, magsuot ng sun visor o sombrero para magkaroon ng tamang proteksiyon.
Kung walang air conditioner ang paggamit ng fan ay mainam na rin, pero kung minsan ay mainit din ang singaw nito kung kaya pinakamainam na ideya na mag-cool shower o maligo para bumaba ang temperatura ng katawan.
7. Kung minsan ang iba ay umiinom ng antihistamines at gamot sa high blood para maiwasan ang heat stroke.