top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Oct. 28, 2024



Dear Maestro,


Ang idudulong ko sa inyo ay tungkol sa aking pag-ibig, lagi na lang kasi akong nabibigo. 

Sa katunayan, tatlong beses na akong nagmahal at sa tatlong beses na ‘yun palagi lang akong lumuluha.  


Sa ngayon, isa na akong single mom. Sa kasamaang palad, nagkahiwalay din kami ng naka-live in ko at sumama siya sa ibang babae. 


Sa ganitong kalagayan ng aking buhay, may pag-asa pa kaya akong lumigaya at makasumpong ng isang simple pero masayang pamilya?


Ang birthday ko ay January 13, 1997.

Umaasa,

Camille Siclong, Laur, Nueva Ecija


 

Dear Camille,


Kaya ka palaging nabibigo sa pag-ibig, magulo at nababoy kasi ang iyong lagda. Dapat simpleng lagda lang, ‘yung hindi binurara at binaboy. 


Pagsikapan mong makalikha ng isang simpleng “C” sa unahang bahagi ng iyong lagda, ‘yun bang walang malaking bilog sa tuktok. Kapag tinapos mo naman ang iyong apelyido sa iyong pirma, hindi mo na dapat pang ibalikwas pakaliwa ang dulong letrang “N”. Sa halip, tapusin mo ang iyong pirma sa direksiyong pakanan.


Sa ganyang pirma, ‘yun bang hindi na nababoy o naburara, sa takdang panahon na inilaan ng kapalaran, muli kang makakasumpong ng isang wagas at panghabambuhay na pakikipagrelasyon.


Habang ayon naman sa birth date mong 13 o 4, naging 4 ang 13, dahil ang 13 ay 1+3=4, at nagkataon ding 4 ang destiny number mo, naging 4 ang destiny number mo, dahil 1+13+1997=2011/ 20+11=31/ 3+1=4, ‘yan ang nagsasabing kung tatlong beses ka na nabigo sa pag-ibig at mga pakikipagrelasyon, malaki ang pag-asa mo na sa ikaapat na pakikipagrelasyon ay papalarin at susuwertehin ka na.


Nangyaring ganu’n dahil ang numerong 4 ang magiging significant o mahalagang pangyayari sa iyong buhay, kaya nga sobrang laki ng posibilidad na sa ikaapat na pag-ibig, makakasumpong ka na ng isang panghabambuhay na pamilya.


Mas madaling mangyayari ang pag-aanalisang tinuran sa itaas, kung maghahanap ka ng isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Virgo, Taurus, Cancer o kapwa mo Capricorn na may birth date na 7, 16, 25,2, 11, 20 at 29, – sa piling ng nasabing lalaki, may pangako ng isang maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa.


Habang ayon sa iyong Love Calendar, nakatakda mong matagpuan ang nasabing ikaapat sa taong 2025, sa buwan Oktubre, sa edad mong 28 pataas, hatid ng isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Taurus.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Oct. 26, 2024



Dear Maestro,


Nagtataka ako ngayon sa kapalaran ko. Masipag naman akong mag-apply, pero bakit hanggang ngayon ay wala pa rin akong trabaho? 


Nakapagtrabaho naman na ako dati, ‘yun nga lang ay hindi rin ako nagtagal, nadamay kasi ako intriga. Kaya naman kesa mapaaway pa ako, napagdesisyunan ko na lang na mag-resign. 


Ang problema nga lang ay mula nang mag-resign ako sa pinapasukan ko, hindi na ako sinuwerte at hanggang ngayon ay tambay pa rin ako. 


Kaya naman naisipan ko nang sumangguni sa inyo upang itanong kung ano’ng taon ba ako makakahanap ng isang permanente at magandang trabaho na may malaking suweldo? 

Siya nga pala, 27-anyos na ako ngayon, pero wala pa rin akong asawa. Maestro, kailan kaya ako makakapag-asawa? 


May girlfriend naman ako ngayon, pero hindi naman seryoso ang relasyon namin, at minsan lang kami kung magkita. 


Ang birthday ko ay July 29, 1997. 

Umaasa,

Matt ng Banlic, Cabuyao, Laguna

 

Dear Matt,


Para makahanap ka ng trabaho, may mga bagay ka dapat isaalang-alang at baguhin sa iyong buhay.


Una, ang iyong lagda na bukod sa nababoy at pangit, hindi mo dapat ibalikwas pakaliwa ang dulong bahagi ng “a” sa iyong pirma na lumilikha ng kinanselang anyo o binurarang lagda. Sa halip, idiretso mo lang ang pinakapaa ng letrang “a”  sa direksiyong pakanan. Sa ganyang lagda, magkakaroon ka na ng panibagong lakas ng loob at sigasig na mag-apply nang mag-apply, hanggang sa matagpuan mo ang isang kumpanya na may kaugnayan sa computer o communication, – sa nasabing kumpanya ka magkakaroon ng isang regular, permanente at magandang trabaho. 


Ang ikalawang bagay na dapat mong baguhin sa iyong buhay o pagkatao ay ang iyong bigote na nagiging dahilan kaya nawawala sa pagiging balanse ng iyong mukha. Kailangan mo munang tanggalin ang iyong bigote, para mas mabalanse mo ito. 


Dagdag dito, imbes na hawiin sa gitna ang buhok na nakalugay sa iyong noo, hawiin mo ito paitaas, upang ganap na mailantad ang kabuuang hugis ng iyong mukha.


Makikita mo, kapag nagawa mo na ang simpleng dalawang pagbabagong nabanggit sa iyong mukha, pag-ahit ng bigote at suklayin paitaas ang buhok, tiyak na ang magaganap, magkakaroon na ng positibong pagbabago ang iyong buhay tungo sa isang mas maunlad at masaganang karanasan.


Habang ayon sa iyong Career at Love Calendar, sa susunod  na taong 2025, sa edad mong 28 pataas, makakatagpo ka na rin ng isang maganda at permanenteng trabaho at doon mo na rin makikilala ang isang babaeng nagtataglay ng zodiac sign na Sagittarius na siyang magiging girlfriend at makakasama mo sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Oct. 21, 2024



Dear Maestro,


Palagi kaming kinakapos sa pang-araw-araw na pangangailangan. Kaya naman, naisipan ko nang kumunsulta sa inyo para sana malaman kung sa edad kong 37, may pag-asa pa ba akong makarating sa ibang bansa at makapagtrabaho kahit bilang katulong lang?


‘Yung dalawa ko kasing pinsan ay nakaalis na, at ako na lang ang natira dahil may naging problema sa papeles ko. Pero sabi ng agency namin, makakaalis din naman daw ako. 

Sa ngayon ay tinutulungan ako ng tiyahin ko para sa mga papeles at panggastos. 

Kausap ko rin ngayon ‘yung isa kong pinsan na nasa abroad na, at nangako rin siyang tutulungan niya ako. 


Ang birthday ko ay April 13, 1987, habang October 10, 1985 ang birthday niya.

Maestro, kapag nasa abroad na ako, tunay kayang tutulungan niya ako roon?  

Umaasa,

Lara ng Bagbag, Novaliches, Quezon City  


 

Dear Lara,     


Sa mga hindi inaasahang pagkakataon, ang mga kamag-anak natin ang nagiging blessing sa ating buhay, gayunman minsan sila rin ang nagpapahamak sa atin. 


Ganu’n talaga ang buhay dahil kadalasan ay hindi mo naman mapipili ang kamag-anak. Kumbaga, kusa lang din silang dumarating sa ating karanasan. Ang kaibahan lamang ng kaibigan sa kamag-anak, ang kaibigan ay puwede mong iwasan, pero ang kamag-anak, kahit ano’ng iwas, mananatili siyang kadugo habambuhay. 


Samantala, nakakatuwang isipin na compatible ang birth date mong 4 ang birthday ng pinsan mo na 10 o 1 (ang 10 ay 1+0=1). Kung saan, ang mga may dala ng numerong uno (1) tulad ng 1, 10, 19, at 28 tulad ng pinsan mo ay siyang nakakatulong sa mga taong may numerong kuwatro (4) tulad ng 4, 13, 22 at 31 tulad mo, kaya walang duda na bibigyan ka niya ng suwerte at sa kabilang banda, suwerte ka rin sa kanya.  

Ika nga, “vice-versa” ang inyong kapalaran – bigayan ng suwerte at bawasan ng kamalasan.


Hindi lang ang numerong 1 at 4 ang magkatugma. Sa halip, ang zodiac sign mong Aries ay angkop din sa zodiac sign na Libra ng iyong pinsan, sapagkat ang Aries at Libra ay “complementary compatible” sa isa’t isa. Ibig sabihin, ang mga bagay na mawala sa iyo ay maibibigay niya, habang ang mga bagay na hinahanap niya ay matatagpuan naman niya sa iyo. Ang ikinaganda pa nito, ikaw din ang huhusto sa kanya sa mga bagay na wala siya at siya rin ang huhusto sa iyo sa mga bagay wala ka.


Kaya ngayon, sipagan at pagbutihin mo pa ang pag-aayos ng mga papeles at pag-a-apply sa abroad.   


Sapagkat ayon sa iyong Travel Calendar, nakatakda na ang magaganap, sa huling hati ng taong ito, sa buwan ng Nobyembre o Disyembre, pinakatamatagal sa unang araw ng January 2025, matutupad na rin sa wakas ang iyong pangarap – sa tulong ng iyong pinsan, makakapag-abroad ka na rin sa wakas, hanggang sa tuluy-tuloy ka na ring umunlad.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page